Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Martes, Marso 24, 2009

Walang laman.

[BABALA: ang lathalaing ito ay tungkol lamang sa mga crush at sa pag-ibig - na ako naman ay wala, sa ngayon.]

Ang hirap naman ng wala kang crush - o wala na.

Paano ba naman kasi, nakapalibot sa akin ang mga magkasintahan, magde-date ngayong linggo, mga may laman ang mga puso. Ako naman, walang wala. Walang laman.

Kahit na sabihin ko pang araw-araw kong mini-miss call (o kung ano mang tamang pandiwa ang para doon) ang aking dating crush magmula noong ikalawang taon sa hayskul para lang i-text niya ako kinalaunan ay hindi pa rin iyon. Wala na akong nararamdaman. Wala pa ulit akong nararamdaman. Ewan ko. Tila ba ay kontento na ako sa pagiging magkaibigan namin. Ganoon naman ang laging kinahahantungan e. Paano ba naman kasi, isa na akong self-declared torpe at wala akong napupusong maging crush sa ngayon at sadyang - oo na - torpe nga ako, kaya ganoon. O baka marahil takot lang akong lumampas sa pagiging magkaibigan. At natakot na ako dahil kay crush since first year high.

Oo, sa mga kaklase ko noong hayskul (na marahil ay naligaw o wala lang talagang magawa kaya't nagawi sa aking blogsite), alam niyo na kung sino iyon. Kung hindi, ewan ko na lang. Hindi na rin mahalaga kung sino siya.

Natakot na ako dahil nagustuhan ko siya noong nasa rurok na kami ng pagiging magkaibigan, 'yung mga panahong lagi kaming magkasama't nagtatawanan lang, tila walang pakialam sa mangyayari.

(Yana, hinding-hindi ko pa rin malilimutan 'yung gabing magkasama tayo sa paggawa ng eksperimento sa Microbiology, 'yung gabing iyon na pinakamasaya kong gabi sa hayskul.)

Batid kong wala siyang alam dati patungkol sa aking tunay na nararamdaman. Wala rin naman kasing mag-aakala. Matapos na lamang nang ibinulgar ko ito sa isang truth-or-dare section sa aking pseudo-barkada noong ikalawang taon namin sa hayskul ay saka nalaman ito ng buong mundo. Tulad ng inaasahan, marami na ang makakaalam. ('Yang mga kaibigan talaga, hinding hindi maaasahan.) Lumala ito noong patapos na ang ikalawang taon at napansin kong napakamadalang na lang kung kami'y mag-usap at magpansinan. Batid kong ayaw niyang magustuhan ko siya.

(Naaalala ko pa rin 'yung farewell party ng klase namin noong ikalawang taon kung saan bigla ka na  lamang nag-text noong gabing iyon at saglit tayong nakapag-usap tungkol sa mga bagay na wala naman talagang halaga. Masayang masaya rin ako noon. Akala ko naman kasi ay hinding hindi mo na ako kakausapin. Ngunit nag-text ka, at sapat na iyon para pangitiin ako ng dalawang araw.) 

Hindi ko siya maintindihan. Habang nasa ikalawang taon kami ay nagkagusto pa ako sa isa pang babae. Oo, 'yung lagi kong mini-miss call sa bawat araw para i-text niya ako at kamustahin ako, kung may nagbago na ba raw sa akin, kung kelan ako babalik, kung masaya ako, kung anu-ano pa. Noong nalaman niya ang balita, (salamat sa aking mga mapagpanggap na mga kaibigan - at tandang-tanda kong ikaw ang mastermind doon, Irish Meroy, hindi ako nakakalimot.) napansin ko at ng buong mundo na iniiwasan niya ako, bawat titig ko, bawat pagsalubong ko sa dinadaanan niya, bawat presensiya ng sarili ko sa mundo niya. Kasabay iyon ng hindi na pagpansin sa akin ng nauna, lalo pa't magkaibigan pa sila - na siya namang biglaan at hindi ko inaasahan. Dahil doon ay Nobyembre na ang naging pinakamalungkot kong buwan taun-taon. E nagustuhan ko ba naman kasi siya noong kami'y magkaibigan na, noong kami'y lagi nang magkasama at nag-uusap. Ngunit hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit sila'y umiiwas kapag nalaman nilang nagustuhan sila ng kaibigan nila. Sadya bang hindi lang talaga ako kanais-nais? O nahihibang na talaga ako para kwestyunin ang isang napakababaw na tanong?

(Ngunit Yana, hiningan mo ako ng tulong at alam na alam ko pa rin na sa akin - sa aking isipan - nagmula ang junior thesis mo at ng iyong partner: Antibacterial and Antifungal Activity of Virgin Coconut Oil. Masaya ako para sa iyo.)

Noong ikatlong taon ay alam na alam na na may crush ako sa nauna. Naging malapit na magkaibigan naman kami lalo ng pangalawa, dahil na rin siguro'y mapag-unawa siya at tila wala namang kaso iyon sa kanya kung magustuhan ko siya - hanggang ngayon. Hindi na talaga ako pinapansin ng nauna, at pansing-pansin na rin ito ng buong mundo. Hindi ko na alam kung anong mali ang nagawa ko. Kung kasalanan nga ang magkagusto sa isang kaibigan, malamang sa malamang ay nagkamali nga ako. (Weh. Corny nu'n ah.) Hindi niya ako pinapansin hanggang nakuha ko na ang ideyang ayaw na niya sa akin, ayaw na niya akong makita, makausap, makasama. Ni mga mata ko'y pilit niyang iniiwasan pa. Kung pwede nga lang siguro akong mabura sa mundo niya, matagal nang nangyari iyon. Ngunit hindi ko iyon hinayaang mangyari. Noong prom nga ay sinigurado kong siya ang first dance ko, at ako naman sa kanya. Hindi ko malilimutan ang kantang iyon: Tattooed on my Mind. Sinunod ko namang isinayaw ang pangalawa. Natatandaan ko pang inilagay pa niya ang aking mga kamay mula sa kanyang balikat patungo sa kanyang tagiliran. Mas komportable siya roon. Mas gusto ko rin naman iyon. Kelan ko kaya kayo makakasayaw muli, sa saliw ng malumanay na himig?

Ika-apat na taon na. Magkaklase na kami ulit at sa paglalaro ng tadhana ay nakaupo siya sa aking likuran. Ngunit ganoon pa rin. Iniiwasan pa rin niya ako tulad ng dati, na tila ay hindi ako inevitable. Noong retreat namin ay sinugod ko na siya. Doon sa portion na naroon kami sa loob ng chapel at magbibigay ng kahoy na pusong magkahati sa isang taong nakagalit o gustong pasalamatan. Kumuha ako ng bahagi ng pusong iyon at tumungo sa kanya. Umiiyak pa siya mula sa pakikipag-ayos sa isang kabarkada, sa pagkakatanda ko. Noong nakausap ko na siya, umiiyak na ako. Hindi. Humahagulgol. Tinanong ko siya kung bakit hindi niya ako pinapansin, ngunit sa isipan ko'y gusto kong sabihing 'miss na miss na kita, Yana' ngunit may kakaibang puwersang pumipigil sa akin para sambitin ang mga katagang iyon. Ang tugon naman niya sa aking tanong, na medyo tumatawa na rin ay sadyang weird lang raw talaga siya. Hindi naman ako nakuntento sa kanyang naging sagot kaya tinanong kong muli. Iginiit naman niyang weird nga siya. Oo nga naman. Para sa isang kaibigang hindi mo papansinin ng ilang taon ay weird nga itong tunay. Pero ganun-ganon na nga lang ba talaga iyon? Sinigurado kong papansinin niya na ako. "Okey na tayo ha?" "Oo lagi."

Kinabukasan yata iyon o makalawa ay naganap ang prom. Sinigurado ko namang maka-first dance siyang muli. Ngunit kailangan niya palang makasayaw muna ang kanyang nakababatang kapatid. Sige. Naghintay ako. Ayun. Sinayaw ko na rin siya. Hindi ko na maalala kung may sinabi siya sa akin sa mga sandaling iyon. Ang tanging gusto ko lamang noon ay pabagalin pang lalo ang oras para matagal ko siyang makasama, makasayaw sa saliw ng musika. Ngunit hindi. Ipinunta pa niya ako sa bahaging hindi gaanong naiilawan, para hindi kami mapansin ng mga tao. Marahil ay takot siyang mahirang kami bilang sweetest pair, na batid kong hindi naman talaga mangyayari. Napakablanko kasi ng ekspresyon ng mukha niya. Hindi ko mabasa ang kanyang mga mata. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sandali lang kaming nagsayaw at ang bilis ng panahon at sa sumunod na linggo ay ilang pa rin kami sa isa't isa at hirap na magsalita. Hindi ko maintindihan.

Batid ko naman na hindi pa rin siya komportable na kausapin ako, at ako na rin kung hindi siya. Nakakalungkot lamang isipin na ganoon na lamang ang kinahantungan noon.

Mabuti na lamang at nakuha ko ang numero niya. Nagpalit na kasi siya ng numero noong mag-third year kami. Naka-text ko pa rin naman siya, noong pasko, kung saan nagpadala ako ng mensahe sa lahat ng taong nasa contacts ko. Nag-reply siya sa aking greeting at binalita pa kung gaano kagrabe ang naganap na lindol. Mabuti naman at tila maayos siya. Ngunit ganoon na lamang iyon. Maayos sila sa kanilang kinalalagyan, at marahil ay may mga mangingibig nang hindi ko pa nakikilala, habang ako naman dito, wala pa ring nahahanap na crush, takot pa ring manligaw.

(Natatandaan ko 'yung araw na palagay ko'y pursigido na akong ligawan si Yana. Humingi ako ng signos sa Diyos at ito ang marinig ang salitang 'Go'. Nung araw na iyon ay narinig ko nga, umagang umaga pa. Paano ba naman kasi, may misa noong umagang iyon at narinig ko ang 'Go' na hinihingi ko sa huling bahagi ng misa: Go in peace to love and serve the Lord. Pinaglalaruan ba ako ng tadhana? Hindi na rin ako tumuloy sa binalak kong panliligaw noon sapagkat hindi nga niya ako pinansin. Baka sumama lang lalo ang loob ko. Pero sana ngayon Yana, habang ikaw ay maligaya na, sana'y ako rin ay lumigaya na ng lubos at mahanap na ang matagal na hinahanap, na siya namang hindi mo talaga binigay sa akin.)

Sabado, Marso 21, 2009

Naaalala mo pa ba ako?

Nangangamba lang ako na baka hindi na nila ako naaalala. Pa'no ba naman kasi, wala namang nagpapadala sa akin ng mensahe, sa Friendster, Multiply, o kahit sa cell phone man lang. (Tiningnan ko kasi yung mga Friendster profile ng mga kaibigan ko. Bakit ako, hindi nila binibigyan ng comment?) Naisip ko lang, ano nang nangyari sa mga kaibigan ko?
Malamang, baka ay abalang abala sila. Ngunit bakit ganoon? Ni kailanman ay hindi man lang ako nakakaramdam ng magandang pangangamusta. Hindi ko maintindihan kung sadyang hindi ako kanais-nais o minalas lang talaga ako sa mga naging mga kaibigan ko dahil hindi man lang nila ako magawang kamustahin. Hay naku. Ganyan kayo ha.
Pero kahit ako rin nama'y bihira lang rin mangamusta. Kung mangamusta naman ako'y nasa maling pagkakataon, o 'di kaya'y hindi lang talaga magandang kausapin ang makakamusta ko. O marahil hindi lang talaga kaaya-aya ang aking nakaraan.
Wala na akong maituturing na matalik na kaibigan, wala na akong contact sa kanila, o 'di kaya'y ibang network ang gamit nila kaya hindi kami makapag-usap sa text. Wala rin naman akong pormal na barkada. Sabi ko nga kay Marikit noong maghahayskul pa lamang kami (tandang-tanda ko pa iyon, iyong bakasyong nakakailang oras kami sa telepono araw-araw na hindi kalaunan ay naging madalang na lang), para akong amorseko: kani-kanino na lang dikit ng dikit. Mayroon pa namang mga naiinis sa akin kapag mukha akong asong sunod ng sunod sa kanila.
E sa kailangan ko lang naman talaga ng makakasama.
Subalit hindi ko maintindihan at hanggang ngayon, ngayong nakatakas na ako sa mapait kong kabataan at nagsisimulang muli sa kolehiyo, ay wala pa rin. Hindi pa rin ako kuntento.
Hindi pa rin ako masaya sa mga taong nakapalibot, hindi pa rin ako kuntento sa kanila. Hindi ko alam kung ako lang ito, o baka dahil wala lang talagang nagtatrato sa akin bilang mahalaga. Tingin ko nga ay hindi naman ako mahalaga.
Hindi naman talaga ako mahalaga.
Hindi rin naman ako nagpapapansin lang.
Malungkot lamang ako.
Malungkot lamang ako dahil wala akong makausap, makasama.
Malungkot lamang ako dahil walang nangangamusta sa akin, wala man lang yatang nakakaalala, walang kumakausap sa akin, wala.
Nawa'y ibigay na sa akin ng Diyos ang aking matagal nang kahilingan para hindi ako nagdadrama nang ganito. Ang lungkot kaya.

Linggo, Marso 15, 2009

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Bigla lang tumugtog sa aking isipan ang kantang "Kwarto" ng Sugarfree. Nakakatuwa.

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Hindi ko mawari kung bakit siya biglang tumugtog. Marahil ay nalalapit na ang aming (o kanilang) pag-alis (sapagkat magsa-summer class pa ako) sa dormitoryo ng Kalayaan. Nakagawa na ako ng ganitong klaseng lathalain sa blogsite ko sa Ingles at dorm prophecy naman ang akda ko sa Sigaw, ang magasin ng aming dormitoryo.
Nakakabaliw na.
Ewan. Wala akong gaanong masabi. Hindi naman gaanong sayang ang aking pagtutuloy sa dormitoryo, ngunit nakapanghihinayang lamang sapagkat hindi man lang kami naging gaanong malapit ng aking roommate. (Ano ba naman iyan. Lagi mo na nga lang nakakasama hindi mo pa nakakausap. Anong klase naman iyon hindi ba?)
Hay. Ewan ko talaga. Wari'y may lihim siyang pag-ayaw sa akin na hindi ko naman mabatid kung ano. Ano nga ba? Hindi ko alam. Dati pa ay hinihintay ko na lamang siyang magsalita at kausapin ako, sapagkat kapag kinakausap ko siya'y napapansin kong hindi naman talaga siya interesado. Maikli ang bawat sagot; bitin ang bawat salita. Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Lunes bago kami umalis ay binigyan ko pa siya ng regalo. (Siyempre, hindi naman ako umaasa na bibigyan niya ako. Sanay naman akong hindi binibigyan ng regalo, kahit malungkot ang ganoon. Kaso kakaiba nga lang sa pakiramdam na magbigay ng isang regalong taos-puso sa isang taong hindi mo naman gaanong kilala.)
Medyo pinakapal ko na nga lang ang pagmumukha ko at in-add siya sa Friendster ngunit iyon lang iyon. Habang nalalapit ang aming paghihiwalay ay mas lalong wala na akong gustong mangyari pa. Nakakasawa namang kumilos na lamang lagi. Nakakatamad. Nakakapagod. Ewan ko. Hindi naman ako ganito. Pero ibang kaso kasi ito ngayon. Ewan ko talaga. maging ako'y hindi ko maintindihan.
Ang saklap nga lamang dahil sa sampung buwan naming pagsasama ay hindi ko man lang siya lubusang nakilala. Maging ang kanyang lubusang pagkamatalino ay kailangan ko pang malaman sa ibang tao. Kahit ang kanyang pagkainis sa akin dahil hindi ko pinapatay ang ilaw tuwing gabi (dahil mas masarap para sa aking matulog na nakasindi ang ilaw) ay kailangan pang iparating sa akin ng iba. Para iyon na nga lang, hindi pa kayang sabihin sa akin? Ewan ko ba. Naaasar ako sa tuwing naaalala ko ang sakit na aking naramdaman nang malaman ko iyon sa isang nagpapanggap na kaibigan. Parang pakiramdam ko'y tinatraydor ako, kahit hindi naman talaga. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit hindi niya ako magawang kausapin. Kinakausap naman niya ang iba, ngunit bakit ako pa'y hindi e araw-araw naman kaming nagkikita?
Oo, subalit ang araw-araw na iyon ay laging panahon ng pagtulog, paggising. Iyon lang. Sa pagpasok nga sa aming kwarto ay agad na mahahalatang hindi siya laging namamalagi sa aming kwarto. Tila tulugan lamang ito. Magkikita na lamang kami sa silid na ito kapag siya'y matutulog na, o tulog na mismo. Nakakaasar talaga. Wala man lang akong panahong makausap siya ng masinsinan at makilala siya, o basta ganoon.
Siguro'y dalawang beses lamang kaming nagkasabay na kumain, walang imikan. Noong una kaming nagpagupit ay sabay rin kami, wala ring imikan. Ngunit noong mga unang araw ay maayos naman ang lahat, tila sumusunod sa mga gusto kong mangyari. Nanood kami ng pelikula, at wala rin namang imikan pero ayos lang; nag-usap kami tungkol sa relihiyon at sa mga ganoong bagay; nung isang gabing wala siya'y sandali ko siyang naka-text, nang namali ako ng pag-send ng mensahe't sa kanya nakarating. Ngunit ang ngayon ay hindi na dati. Ang bilis. Nakakabigla, kung tutuusin. Parang unti-unting lumalayo sa akin ang mga alon ng nagmumukmok na dagat.
Naiinis ako sa sarili ko. Naiinis ako dahil hindi ko naabot ang aking mga nais mangyari para sa aking pamamalagi sa dormitoryo na naglalaro na sa aking haraya noong tag-init pa lamang. Akala ko nga'y makakatagpo ng best friend dito, kahit man lang hindi sa katauhan niya.
Nakakaasar. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin. Paminsan-minsan ay nagagawa ko namang kausapin siya, sa tulong ng mga pagtatanong, ngunit lagi na lamang maiikli ang kanyang mga salita, na tila'y nagpapahiwatig na walang dapat umusbong na usapin tungkol roon. Parang bawat sagot ay may nakatagong "Manahimik ka nga" o "Huwag mo akong kakausapin". O 'di kaya'y medyo nahihibang lamang ako?
Naiinis ako dahil hindi ako yaong ma-pride na tao. Lagi na lang nagbabaka-sakali; lagi na lang may pangalawang pagkakataon. Ngunit sa bawat pagkakataon, lagi na lang walang nangyayari, tila isang normal na araw na lang na dadaan at sasagasain ang iyong pantasya.
Sa mga sandaling ito'y naiiyak na ako. Gusto ko nang lumipas ang panahon, makaalis sa silid na ito at makalipat na ng dormitoryo. Pero ewan. Pakiramdam ko lamang ay masaklap sa akin ang pagkakataon at tila wala na akong magagawa upang mabaliktad iyon.

Miyerkules, Marso 11, 2009

Sa tahanan.

Ngayong tag-init ay tila hindi na talaga ako makakauwi sa isang lugar na nais kong balik-balikan: ang tahanan. Noong semestral break pa akong huling nakauwi at tila ang huling linggo na lamang ng Mayo ang tanging pagkakataong makauwi ulit ako. Isang linggo lang. Malabo na ring mangyari iyon.


Lunes, Marso 9, 2009

Yakap.

Yakapin mo ako.
Yakapin mo ako nang walang maliw.
Yakapin mo ako nang buong-buo,
nang may bukod-tanging pagmamahal,
nang walang hanggang pananabik at pagnanasa.
Yakapin mo ako na tila ako'y iyong iniibig,
taong ikamamatay mo kapag naglaho.
Yakapin mo ako nang walang pagsisisi,
walang duda,
walang pagkakamali.
Yakapin mo ako dahil ako'y iyong-iyo.
Yakapin mo ako,
wala na akong pakialam.
Yakapin mo lang ako.

Sabado, Marso 7, 2009

Lamig sa ilalim ng nagbabagang araw.

May lamig sa ilalim ng araw,
na nag-iinit, nagbabaga.
May lamig sa ilalim ng araw,
at tuyong-tuyo ang bawat kanal,
bawat irigasyon,
bawat lupa,
bawat lalamunan,
bawat puso.
May lamig sa ilalim ng araw,
at lalo pang tumitindi ang apoy na nagliliyab sa mala-impyernong langit.

Biyernes, Marso 6, 2009

Ewan ko kung bakit ika'y sensitibo.

Nakakainis ka naman.
Batid kong mayroong gumugulo sa iyong isipan na hindi ko mawari kung ano.
Ngunit sadyang napakasensitibo mo.
Konting salita, bigla kang masasaktan.
Sandaling maling tono ko lang, maiinis ka naman.
Ewan ko sa'yo.

Miyerkules, Marso 4, 2009

Pahina.

Sa bawat pagbuklat niya sa mga pahina ng kanyang libro ay unti-unti siyang naghihina.
Hinihigop siya ng bawat salita, bawat terminolohiya ng paksang pilit niyang iniintindi.
Maya-maya pa'y unti-unti siyang nanghihina.
Lahat ng lakas ay ninanakaw ng aklat, habang siya'y nakahandusay na sa kanyang kama, libro sa kamay.
Pikit ang mata, nadala na siya sa kanyang haraya.
Panaginip na lamang ang bumabalot sa kanyang katawang pagod sa buong araw na pag-aaral.

Martes, Marso 3, 2009

Baha sa ilalim ng dagat.

Ako ngayon ay nasa Gonzales Hall, ang main library ng UP Diliman. Kasalukuyan akong naghahanap ng mga lathalain (sa internet) tungkol sa epekto ng pagbaha sa mga hayop at halaman. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maganda ang mga nakukuha kong bagay.
Naiinggit ako sa aking roommate dahil mayroon na siyang bagong cell phone. Ako, wala pa rin. Pero sana nga ay mabibilhan na ako pagkatapos ng kalahati ng Marso. Nakakainis lamang talagang maghintay (ng ganoon katagal).
Nakakainip lamang talaga.
Ewan ko ba. Likas na akong naging maluho. O hindi naman talaga sa maluho. Hay naku.
Hikab na naman ako ng hikab.Pa'no ba naman kasi, nagpuyat na naman ako kagabi sapagkat inuna ko pa ang proyekto ng ibang tao kesa sa mga bagay (at marami pa iyon) na dapat kong gawin. Iyon din ang dahilan kung bakit napabisita na naman ako dito sa main library. Nakakainis. Ayoko nang gawin ang mga susunod na pabor na ipapaskil sa pagmumukha ko. Ayoko na. Gusto ko nang matulog ng maaga.

Lunes, Marso 2, 2009

Baka'y hibang lamang ako.

Kasalukuyan akong nakikinig ng mga kanta ng Sponge Cola sa aking Multiply site. Gusto ko na talagang magkaroon ng bagong cellphone (N79) para lagi na akong makikinig ng musika kahit saan man. (Ayaw kasi akong bilhan ni Papa ng iPod dahil mas mainam daw kapag cellphone na lang.) Ang naging kasunduan namin ni Mama noong Biyernes ay si Auntie na lamang ang bibili ng cellphone gamit ang kanyang credit card at babayaran na lamang nila di kalaunan. Pero - pero - hihintayin pa ni Mama ang cut-off para makatiyempo. E sa 15 pa iyon. Matagal pa. Naku. Naiinip na ako. Sabik na sabik na akong hagkan ang mundo ng musika.
Ilang araw na akong hindi nakapag-internet. Nakakainis lamang dahil walang oneksiyon sa dormitoryo nitong mga araw at may topak pa ang Smart Bro ko. Ay naku. Ewan ko ba. Nagkakasakit pa naman ako nitong linggo. Ayaw ko na. Isang gabi nga'y inisip ko talagang mamatay. Ewan ko ba. Kahit papaano, maayos na rin ako ngayon.

Biyernes, Pebrero 27, 2009

Buhay pa pala ako.

Kaarawan ngayon ng roommate ko. Nakakatuwa. Mabuti pa siya, may matatanggap na regalo at sangkatutak na mga pagbati. Sa pagkakaalam ko ay wala pa akong kaarawan na may natanggap akong regalo. Nakakainis lamang sapagkat kailangan ko pang mangulit at humingi ng bagay para lamang makatanggap ng regalo.
Laking gulat ko kaninang umaga na buhay pa rin ako. Akala ko ay ikamamatay ko na ang labis na paglamon ng tsokolate. Marahil ay kulang pa ang mga nakain ko.
Nakakainis. Sana naman ay ngayong araw ay may magandang mangyari.

Huwebes, Pebrero 26, 2009

Isang saglit na kamatayan.

Kani-kanina lamang ay natapos ako sa paglamon ng sangkatutak na tsokolate. Ang nasa isip ko ay mamamatay na ako bukas. Sa sandaling ito, gusto ko nang mawala at maglaho. Nakakaasar lamang dahil hindi umaayon ang lahat ng bagay sa nais kong mangyari. Marahil ay normal lang iyon ngunit nasa sandali na ako na gustong gusto ko nang bitiwan ang lahat ng ito at sumuko, mamatay na lang.
Hindi ko alam kung bakit gusto ko nang bumitaw. Ayoko na. Ayoko na talaga.

Miyerkules, Pebrero 25, 2009

Paglubog.

Unti-unti akong lumulubog,
dito sa aking karagatang
malawak,
malalim,
mahirap languyin.
Unti-unti akong nawawalan
ng patutunguhan,
ng gagawin,
ng tamang pag-iisip,
ng gabay,
ng kaibigan,
ng buhay.
Bawat pangarap ko'y
isa-isang sinisira.
Inuulanan ako ng pagsisisi
at binubuhusan ng luha bawat sandali.
Ginigiba
bawat saglit ng pag-asa.
Unti-unti ako'y
nawawala.
Nawa'y buksang muli
ang langit sa buhay kong sawi.
Sana'y manumbalik,
kulay,
ligaya,
pag-ibig,
pangarap,
lahat.
Sana mamaya'y aahon ako,
kahit unti-unti,
basta lang maligtas ko ang sarili ko
sa paglamon sa akin ng galit na tubig,
ng sakim na karagatan.

Martes, Pebrero 24, 2009

Isa kang panakit sa aking ulo.


Buwisit. Naiinis ako. (Paumanhin sa pagmumura.)
Galit ako. At tila ayoko nang dagdagan pa ang lathalaing ito. Paumanhin.

Isang tula para lamang sa iyo (kung sino ka man).

Ibigin mo ako, aking mahal
At dadalhin ko sa iyo hindi ang langit,
Kundi, ang katotohanan.
Hindi kita hahayaang masaktan,
kung katotohanan ma'y kasalanan.
Ililigtas kita, ipinapangako ko:
Ako'y magiging iyong-iyo.

Linggo, Pebrero 22, 2009

Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin alam.


Wala akong maisip. Marahil ay may sakit na naman ulit ako. Gusto ko tuloy kumain ng halo-halo. Iyong hindi lang ganyan ha. Basta 'yung masarap.
Ah, iyan na lamang muna. Medyo masakit na talaga ang ulo ko.

Biyernes, Pebrero 20, 2009

Mali.

Masidhi ang aking pagkainis sa isang aspeto ng araw na ito.
Wala namang naganap ang kinalamang Wacky Day ng Kalai dito.
Meron lamang akong isang malaking problema.

Gusto kong umiyak.
Gusto kong itulog na lang ang lahat at magising na lamang kapag nasa maayos na kondisyon na ang lahat.
Gusto kong sirain ang kabuuan ko.
Gusto kong mawalang parang bula.

Naiinis ako.
Umagang-umaga ay nasira ang aking camera.
Hindi na bumalik ang lens nito paloob.
Lens error daw.
Epal yan.

TIla ay ayoko na itong ipagpatuloy.
Naiiyak na ako.
Kung pwede lang ibura ang alaala, pagkatao, kabuuan, matagal na akong wala ngayon.
At sana wala na lang ako.

Huwebes, Pebrero 19, 2009

Bakit ka ba iibig sa isang pangarap?

Hindi ako mapakali. Hindi naman sa ganon. Hindi lang ako makapag-isip ng maayos sapagkat medyo masama ang pakiramdam ko at masakit pa ang ulo ko. Asar. Hanggang dito muna ako. Hindi ako makapag-isip e. ^^

Martes, Pebrero 17, 2009

Paligsahan.

Sa kasalukuyan ay may nagaganap na paligsahan sa kung saan ako naroroon. Kalai Week kasi. Sinadya kong hindi sumali sapagkat magulo ang isip ko sa nagaganap ding paligsahan sa utak ko.
N79 o E51?
Dalawang smartphone ang naglalaban sa aking isip. Hindi ko talaga malaman kung alin ang dapat piliin, kung maganda ba ito, kung hindi ba ako manghihinayang. Malamang nasa punto na ako na ayaw ko nang magkamali pa sa bawat daang tatahakin ko.
Tinawagan ako ni Papa kanina patungkol rito. Nasa mismong shop na sila. Bibilhan na ako. Kaso, mas makabubuti kung N79 ang bibilhin nila para sa akin sapagkat pwede ito sa deferred mode of payment sa loob ng 12 buwan. Sayang nga lang sapagkat tumutok na talaga ako sa Eseries kaya't nag-aalangan pa rin ako sa N79. Pero ayos na rin. Maganda rin naman iyon eh. Sana lang makabili na sila bukas at maipadala na ito ngayong linggo. Hindi na ako makapaghintay. ^^

Linggo, Pebrero 15, 2009

Natitirang sipi ng karamdaman.

Hindi ko mawari ang aking nararamdaman. Nakakainis sapagkat mukha akong nilalagnat kahit na hindi ako mainit. Kung baga, iba. Iba ang nararamdaman ko ngayon. Ewan ko ba.
Wala nga rin akong gana. 10 na ako ng umaga nagising at Jjamppong (ganito ba ang baybay?) lamang ang aking agahan/pananghalian. Baka nga kaya medyo masama ang pakiramdam ko ay dahil wala akong kinaing kanin o may carbohydrates.
Mula paggising ay nakatapat na ako sa aking libro sa Biology, iyong librong nilako sa 'min ng aming guro sa Natural Science II na punong-puno ng mga mailng salita. Dagdag pa doon, hindi siya kaaya-ayang basahin. Hindi ako naeengganyong basahin iyon. Sa katunayan, sumasakit pa lalo ang ulo ko sa pagbabasa.
Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Pakiramdam ko nga'y nakabitin lamang ang buhay ko sa gitna ng kawalan. Wala akong magawang mabuti. Wala. Walang wala.

Sabado, Pebrero 14, 2009

Lagot.

Nabalitaan na ni Mama ang nangyaring riot sa Loverage 3 kagabi, ang concert na nagpauwi sa akin sa dormitoryo ng ala una ng umaga. Nagsinungaling na naman ako, para lamang ay hindi tumaas ang presyon niya kapag mapapagalitan na niya ako. Nakakainis nga lang naman minsan na ang mga magulang ay sobrang nag-aalala sa kanilang mga anak. Hindi naman talaga iyon ang punto ko, ngunit kapag may nangyaring hindi masama sa pinuntahan ay iyon na ang magiging huling araw mo doon. Napagtanto ko nga kanina (habang ako'y naliligo) na paano na lamang iyon kapag tumanda na ang anak na hindi pa nararanasan ang mga bagay-bagay (tulad ng mga kaguluhang nangyari kagabi). Kapag ignorante siya sa ganoong bagay (at malamang ay hindi pa malaman ang dapat gawin), marahil ay isang malaking pagsubok ito kung nangyari ang isang masamang bagay sa panahong siya'y malaya na sa mahigpit na pagkakatali sa pamilya, at may pamilya na. Hindi ba'y nararapat na marami ka nang bagay na mararanasan habang bata ka pa lamang para alam mo na kung paano mo ito hahawakan pagdating ng panahon? Hindi naman tayo habang buhay na nakakabit sa ating mga magulang. Nararapat na tumayo na tayo sa ating mga paa, na wala nang ibang tinutuntungan kung hindi ang lupa. Hindi ba? Nalulungkot lamang ako dahil pakiramdam ko ay masyado nilang kinokontrol ang buhay ko. Mas nakakalungkot pa na ang panandaliang kalayaan ko mula sa pagkakahigpit na ito ay ang kasinungalingan.

Ang buwan sa itaas ng madaling araw.

Kakarating ko lang mula sa UP Sunken Garden kung saan ginanap ang Loverage 3, isang taunang concert ng UP Fair. Bale, hindi iyon ang tatalakayin ko ngayon, kahit na ang daming naganap.
Sa ngayon, ako lamang ay nakaupo (na halos patagilid na) sa may tapat ng pintuan ng Boy's Wing ng dormitoryo. Binabalak ko ngang gumawa ng bagong blogsite, na siyang sa ngayon naman ay nasa wikang Ingles.At maitataon ko naman siya sa Araw ng mga Puso. Wala na akong kongkretong plano ngayong araw na ito. Hindi ko na nga rin sigurado kung manonood pa ako mamaya ng pagtatanghal ng Boyce Avenue sa SM North Edsa - The Block. Araw ngayon ng mga puso, ngunit sana ay hindi naman iyon nakalaan sa mga magkasintahan lamang. Sana ay ilaan ito sa mga may puso.
Nakakalungkot nga lang kasi nagpalit na nga ng taon ay wala pa rin akong - oo na - girl friend. Nakakaasar. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang dapat kong gagawin. May gusto na ako, kaso ngayong linggo lang talaga kami nagkaroon ng maayos na talakayan. Waring nahihiya ako na gusto ko siya. Lingid pa rin ito sa kanyang kaalaman, at sa kaalaman ng karamihan. Siguro ay dahil masama ang naging karanasan ko ukol dito. Nakakainis. Ang sarap isuka ng nakaraan. Natatakot lamang ako sa maaari niyang maging reaksyon kung sakaling malaman niyang may gusto ako sa kanya, na kahit pa iyon ay mahirap nang paniwalaan.
Isa pa, wala pa akong lakas ng loob. Maaaring kaya ko na siyang kausapin ng panakaw, ngunit nahihiya pa rin ako na magsimula ng talakayan sa kanya. Hindi ko pa kasi siya lubusang kilala, marahil; ngunit hindi ba dapat ay mas lalo akong magsimulang kausapin siya? May gusto ako sa kanya, pero paano naman iyon kapag wala naman siyang pagnanasa sa akin? Ano na ang mangyayari? Mabubuwag ba ang aming pagkakaibigang nagsisimula pa lamang? (Tulad na lang rin ng naganap sa pagitan ko at ng aking crush noong hayskul. ) Nakakagambala. May mga katanungang nakabitin sa pagitan naming dalawa at sa aming tadhana. Hindi ko alam. Sana. Hanggang sana na lang kaya? Huwag naman.

Huwebes, Pebrero 12, 2009

Pagsapit ng dilim.

Ayoko talaga sa pulitika. Lagi na lamang akong may makakaaway kapag napag-uusupan na ang panahon ng pulitika, ang makasalanang pangangampanya, at ang madugong eleksyon. May mga taong maiinis sa iyo dahil hindi nila matanggap ang iyong opinyon. May mga tao namang pipilitin kang baguhin ang pananaw mo. May mga taong makikialam, may mga makikipag-away. Nakakainis talaga. Akala mo ba naman kung naiintindihan nila ang magiging dulot ng ginagawa nila. Nakakainis talaga. (Naulot ko na ba iyon?)
A basta. Nawa'y pagpasensyahan mo ang aking pagrereklamo. Sadyang naaasar lang talaga ako ngayon sapagkat kahit ang pulitika ay nakakasira din ng pagkakaibigan ng mga walang kinalaman dito.

Miyerkules, Pebrero 11, 2009

Muling Paghikab.

Ako'y humihikab muli sapagkat naputol ang aking unang lathalain.
Unti-unti na akong nahuhulog sa kanya. Grabe.
Kanina sa aking klase sa STS ay determinado na talaga akong maging environmentalist at sumali ng UP Haring Ibon sa susunod na semestre o sa summer. Si Carlos Primo C. David kasi ang nagsalita sa aming klase kanina, ukol sa mga ideya at sa kanyang ginagawa paukol sa krisis sa tubig. Isa lang ang masasabi ko du'n. Ang galing.
Sa Malikhaing Pagsulat naman ay nag-ulat kami ni Belle. Parang wala lang iyon, walang kahirap-hirap na ginawa. At nahihiya ako sa ginawa ko noon. Binigyan naman ako ni Will Ortiz ng isang libro dahil naging mahusay raw ang aking ginawang personal na sanaysay, ukol sa pelikulang 100. Ang librong iyon ay tila gabay sa paggawa ng mga personal na sanaysay, Turning Life into Fiction. Ugali naman raw ni Ma'am Will na magbigay ng mga libro sa kanyang mga estudyanteng nakita niyang mahusay sa klase. Kaya hindi lamang ako ang nabigyan ng libro. Nabigyan din ang dalawa ko pang kaklase, ng mga libro tungkol sa kwento sa Latin America.
Nakakatuwa ang araw na ito. Sobra. At plano kong matulog ng maaga (bandang 10.00 ng gabi dapat) para naman makabawi ako sa mga pagpupuyat na nagawa ko. Sana naman ay maging maayos pa rin ang lahat. Sige, magwawakas na ako rito.

Hikab sa gitna ng hapon.

Naiinis ako sapagkat nagpuyat na naman ako kagabi (o kanina). Mas malala, nagising na ako ng 8.00 ng umaga, kahit na 6.30 pa nag-iingay ang mga cell phone ko. Asar, sabi ko sa aking sarili. Nakapangako na nga pala ako sa mga kasamahan ni Kuya Oyie na sasama ako sa pagkakampanya nila sa 8.30. Hindi naman ako makakahabol no'n, lalo na't sobrang inaantok pa talaga ako. Kaya ayun, humingi na lang ako ng paumanhin at sumang-ayon na bibisita sa kanilang booth mamaya-maya.
Nagbasa muna ako ng Palihan at naligo. Matapos no'n ay lumabas ako upang magbayad ng bayarin sa dormitoryo, mag-withdraw ng pera, magpa-repair ng polo, at 'yon lamang. Bumalik ako sa dormitoryo upang kumain ng tanghalian (kahit na 10.30 pa lamang iyon) at umalis na papunta sa klase.
Binigla ako ni *crush* sa pagsabay sa akin sa paglalakad. Alam ko naman na nasa likuran ko lang siya, pero hindi ko akalaing kakausapin niya nga talaga ako.
'Yan lang muna. Kritikal na ang kondisyon ng baterya ng laptop ko.

Lunes, Pebrero 9, 2009

Guho.

Blanko ang isip ko ngayon. Sa katunayan, masakit na naman ang ulo ko. Nakakainis talaga.
Ngayon ay tinitingnan ko na lang ang mga litrato na in-upload ko sa aking Multiply site. Wala lang. Nagbabalak na ibalik ang mga nawawalang nakaraan. Nagbabaka sakaling maging maayos ang lahat sa isang iglap.
Sa panahong ito ay tila hindi angkop ang pamagat ng blogsite ko. Wala akong ginagawa sa ngayon upang abutin ang mataas na kalangitan, ang mataas na pangarap.

Linggo, Pebrero 8, 2009

Sulok.

Hindi niya alam kung saan siya patutungo.
Wala siyang mapuntahan.
Lagi siyang bumabalik sa kanyang pinanggalingan.
Tila ba'y mayroon siyang pilit pinupuntahan, pilit tinatakasan.
At sa isang sulok siya namalagi sa pagsikat ng araw.
Bumuhos na ang ulan at wala pa rin siyang magawa.
Nakakulong lamang siya sa isang buhay na miserable.
Hanggang napagtanto niyang ako at siya pala ay iisa.

Sabado, Pebrero 7, 2009

Hugutin ang pusong pula.

Ang lungkot ko talaga ngayon. Tipong hanggang ngayon ay wala pa ring laman ang sarili ko. Parang espasyo lamang ang nasa loob ko. Malapit na nga rin pala ang araw ng mga puso. Wala naman akong makakasama sa araw na iyon. Hindi rin magiging mahalaga sa akin. Nakakalungkot nga naman sapagkat hanggang ngayon ay mag-isa pa rin ako. Hanggang ngayon ay hindi pa rin binibigyang sagot ng Diyos ang katanungan, kahilingan ko. Sana naman ay mabigyan na niya ako ngayon ng aking pangangailangan. Nalulungkot talaga ako. Tila ba'y ang puso ko'y hinuhugot palabas upang hindi na ito tumibok pa at upang maging miserable na ako habang buhay. Tulungan mo sana ako.

Paglalakbay sa walang hanggan.

Ramdam na ramdam ko ang matinding init dito sa kwartong itong punong-puno ng mga computer na naghihintay ng mga taong malugod na gagamit sa kanila upang mag-internet. Malungkot na naman ako, mag-isa, walang makasama. Hindi ko maintindihan ngunit ako lamang ay sadyang nangangailangan ng isang mabuting kaibigan. Hay ewan. Nalulungkot lamang talaga ako.

Biyernes, Pebrero 6, 2009

Ikaw at ako, magkatabi sa harap ng pisara.

Bigla ko lang naalala ang sandaling panahon na tayo'y nasa harapan ng pisara, magkatabi, noong tayo'y nasa hayskul pa lamang. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ayaw mo akong kausapin, kahit na lamang sa sandaling iyon. Hindi ko mabatid ang nais mong ipahiwatig sa iyong hindi pagkibo. Ang nasa isip ko lamang noon ay gusto kitang mahawakan, makausap muli. Isang kahihiyan nga ba ang nagpalayo sa ating dalawa? Gusto kitang tanungin. Bakit ka pilit na lumalayo sa akin ngayong gustong-gusto ko nang mapalapit sa iyo, mapasaiyo? Bakit ba naman ikaw lalayo - sa lahat ng panahon, ngayon pa, ngayon pang nahuhulog na ako sa iyo? Hindi mo ba ako kayang harapin, kahit na wala nang taong nakamasid sa mga kilos nating dalawa? Kung kasalanan mang nahulog ang loob ko sa iyo nang tayo'y malapit pa lang na magkaibigan, sana ay buong puso mo akong mapatawad. Sana ay tumingin ka sa aking muli, magtawanan tayo, maglakad maghapon. Sana ay hindi mo na ako layuan, ngayon pang tunay na tayong magkalayo sa piling ng isa't isa. Sana ay malugod kang sumagot sa mga pinapadala kong mensahe, sapagkat sabik na sabik na ako sa iyo. Huwag mo na sana silang pansinin, mga mapagmasid sa ating paligid, dahil mapapagod rin sila sa pagsubaybay sa ating kuwento. Sana ay maging tayo, tayong dalawa, lalo na't ngayo'y ako'y nangungulila. Yakapin mo sana ako ng mahigpit, dahil ako'y unti-unti nang nawawalan ng pag-asa, naglalaho na parang sikat ng araw sa nagbabadyang gabi.

Alikabok sa hangin.

Ngayon ay suot ko ang damit na inutang ko kay Pie ng 50 piso para mabili na ito agad. Mr. Snapshot. Hindi ko mawari kung bakit ko pa kailangan talagang umutang para lang mabili ang damit na ito. At sa dulo ng lahat, dumagdag lang rito ang panibagong utang na dapat kong bayaran. Ngunit mas lalong hindi ko mabatid ang 'ito' na aking nararamdaman. Tila ako'y bumubulusok, kahit na lumilipad pataas. Hindi ko talaga maintindihan ang sarili. Tila ba ay isa akong alikabok na patuloy na dinadala ng hangin sa panibagong pook, panibagong pakiramdam, panibagong karanasan. Ngunit wala akong ideya kung saan hahantong ang kahibangang ito. Hindi ko alam.

Miyerkules, Pebrero 4, 2009

Ikaw sa aking panaginip.

Nais kitang makita, mahawakan, mahalikan.
Nais kong ako'y mapasa'yo.
Ngunit kung hindi'y mas nanaisin ko pang maglaho, parang bulang mawawala sa paglayo sa iyo.
Sana ako'y iyong makita, mapakinggan.
Sana lamang ito.
Ngunit kung ika'y mananatiling nasa panaginip lamang,
nawa'y hindi na ako magising
upang makontento habang buhay sa iyong piling.

Lunes, Pebrero 2, 2009

Sa saliw ng musika ng mga kuliglig.

Katatapos ko lang kumain: hotdog silog ng Bogchi na inutang ko pa kay Gilbert. Walang-wala na akong pera. Inubos ko ito kanina sa pagbili ng tig-12 na turon habang hinihintay ang aking mga kagrupo sa aming magaganap na debate bukas. Hindi pa ako kinakabahan para doon, kahit na ako pa ang lider ng oposisyon sa gagawing pagtatalo - hindi pa.
Blogger, Plurk, Friendster, Multiply. Habang nag-iisip ako ng idaragdag sa lathalaing ito, tinitingnan ko ang Plurk profile ni Samjhoy (at hindi ko siya kilala) at ang mga larawan sa Friendster account ni Yvyz. Kasalukuyan ring tumutugtog ang 'Salamat' ni Yeng Constantino. Hindi ko naman siya gaanong gusto; nangyari lamang na naka-shuffle mode ang aking media player. 41.74 na ang karma ko sa aking Plurk account. At hindi pa rin mawala sa aking isipan ang pagkawalay. Hay. Nangangailangan ako ng isang matalik na kaibigan. At sa totoo lang, hindi ko pa siya nakikita ngayon. Naku.

Pagsibol ng liwanag sa nagbabadyang dilim.

Naiinggit ako kay Kuya Christian sapagkat nakatagpo na siya ng isang matalik na kaibigan.
Kelan ko kaya matatagpuan iyon?
Sa mga hindi nakakaalam, matagal na akong nagmamakaawa sa Diyos para doon. Siguro nagsimula pa noong nasa ikalawang taon ako ng sekondarya, nang tuluyan na akong nawalan ng kaibigang "matalik". Ewan ko ba. Ilang taon na rin ang hinintay ko para dito. Hindi pa rin ba ako magkakaroon?
Ay naku. Ang lungkot talaga ng buhay.
Sana nga dumating na siya bukas. O mamaya. Basta. Basta ngayon na.

Sabado, Enero 31, 2009

Dampi ng Pebrero.

ALERTO: Gusto ko nang magkaroon ng kasintahan. Ngayon na. ^^

Bukas ay Pebrero na. Sinabi ko pa naman sa sarili ko na ang unang araw ng Pebrero ang magiging unang araw ng AKING taon.

At ano naman ang gagawin ko sa bago kong taon?

[Tentative Schedule lamang ito.]

Pebrero 1:
pupunta ng SM North Edsa
mamimili ng mga gamit
titingin ng pwedeng ipang-wacky day
mananaghalian sa Mang Inasal
magsisimba sa Parish of the Holy Sacrifice (dapat unahin ko muna ito hindi ba?)
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 2:
makikipagkita sa mga kagrupo sa debate
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 3:
hindi magdadala ng pitaka
magdedebate sa Sosyolohiya 10
magsusulat ng notes
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 4:
dadalo ng ACLE (Alternative Classroom Learning Experience)
muling hindi magdadala ng pitaka
magsusulat ng notes
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 5:
magsusulat ng notes
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Ay naku. Pare-pareho na lang. Bahala na nga. Haha. ^^

Tundong.


Tundong, isang maikling pelikulang malaya ni Liryc Dela Cruz.

Hindi ko siya kilala, ngunit kilala ko yung isang babaeng naroroon sa pelikula: si Marikit Rojas Lizardo (slash.... never mind.) na kaklase ko noong elementarya't hayskul at matagal ko na ring malapit na kaibigan.
Kaninang hapon ay sinabi niya sa akin na panoorin ko raw ito. Hindi naman sumagi sa isipan kong naroon pala siya.
Artista talaga.

Ayon sa kanya, ipinalabas raw ang Tundong sa UP Cine Adarna noong ika-17 ng Enero. Hindi naman kasi ako masugid na manonood doon kaya't hindi ko alam. Nakakatuwa naman.
Nanalo ang pelikulang ito ng Bamboo Award mula kay Kidlat Tahimik at Best Musical Score Nominee, ayon na rin sa nakalagay na impormasyon sa kanilang You Tube site.
Maganda ang pelikula, kahit maikli lamang ito at kahit wala itong ipinadinig na dayalogo. Nanatiling epektibo ang bawat galaw ng mga tauhang hindi ipinakilala. Ngunit sa kabila naman noon ay nakilala naman natin ang isang parte ng pangunahing tauhan.

Ang pangunahing tauhan ay isang babaeng muslim, na tila ba'y ikinakahiya ang pagsuot ng tundong, ang pantakip sa buhok at ilang bahagi ng ulo ng mga babaeng muslim. Marahil ay matatalakay rito ang usapin ng diskriminasyon sa pagitan ng mga relihiyon, lalo na't higit na kapansin-pansin ang mga pamayanang Kristiyano sa isla ng Mindanao. Nakakalungkot ngang isipin sapagkat nangyayari talaga ang mga ganitong sitwasyon sa mga mamamayang Muslim sa Pilipinas. Kesyo ganito, kesyo ganyan. E ano naman? Walang dapat mamuong kaibahan kung ang isang babae man ay may gayak na tundong o wala. Ang pagiging mamamayan ay wala sa kaibihan sa relihiyon, o sa itsura o sa kung ano pa man. Sa totoo lang, wala dapat mamayaning kaibihan.

Miyerkules, Enero 28, 2009

Saglit lang.

Kung paano siya dumating sa buhay ko, ganoon na rin lang siya umalis: biglaan.
Nang iwan niya ang kanyang huling tapak sa aking buhay, hindi man lang ako nakabanggit ng "saglit lang!"
Bigla na lang siyang umalis na parang isang bagyong napadaan lamang sa tuyong-tuyo na lupa.
Hindi man lang siya nagpaalam.
Gano'n na lang iyon.
Lumisan siya matapos niya akong pagalingin sa isang sakit na matagal kong pinagdusahan.
Hindi ko alam kung ano ang nais niya pero ako lamang ay nalulungkot.

Martes, Enero 27, 2009

Umaga sa ilalim ng mga ulap.

Isa itong pangarap na nais kong mangyari: walang humpay na internet connection.
Ngunit ngayon ay gamit ko lang ang aking Smart Bro Wireless Prepaid. Ay.
Ang sarap sa pakiramdam na makapag-internet ng ganito kaaga. Wala lang. Masarap lang.
Kaso malamig. Hindi ko malaman kung anong nararamdaman ko. Malamig nga lang.

Lunes, Enero 26, 2009

Pagliban sa isang tungkulin.

Kung Hei Fa Cai!

Ngayong araw ay ipinagdiriwang ng ating mga kaibigang Intsik o Tsinoy ang pagpapalit ng taon sa kanilang kalendaryo. Ang taong ito ay sinasabing taon ng Ox (ngunit nakalimutan ko kung anong klase. Parang earth ox yata.) at medyo maswerte raw ang mga Gemini na katulad ko. Sana nga.

Kaninang umaga ay ginanap ang aming eksamen sa Math 100. Ewan ko. Sumakit nga yung ulo ko dun eh.

Kanina naman ay pumunta kami (ako, si Gilbert, at si Christopher) sa SM Mall of Asia bilang bahagi ng isang reward system. Ngunit naubos nga talagang tunay ang pera ko sa reward system na iyon.

Kahapon kasi ay nag-almusal ako sa McDonald's Trinoma at napabili na rin ako ng librong nagkakahalagang 350 piso. E kakasabi ko lang noon na ang bibilhin ko ay hindi dapat lumampas ng 200 piso. At kakasabi ko lang din noon na hindi ko gaanong gusto si Jessica Zafra. Ngunit ang binili ko ay ang The Flip Reader, inedit ni Jessica Zafra na may foreword pa ni Jaime Augusto Zobel de Ayala.

Sayang nga lang at hindi namin nakita ang naganap na annular solar eclipse kaninang hapon.

Hindi ko na alam. Tila ba isang sakit ang mabilisang pagkaubos ng salapi. Pero dapat ngayong bagong taon, matapos na ang pagpapaliban ko sa bawat tungkulin. Dapat ay nakatutok na ako sa aking mga dapat gawin, sa mga ambisyong pilit kinakamit. Siguro nga ay panahon na ng isang bagong simula.

Sabado, Enero 24, 2009

Baboy sa kawalan.

Isang baboy sa kawalan ang siyang napadaan sa aking mundo.
Isa siyang baboy na

mataba
maitim
malandi
mayabang
mataray
mapapel
mapang-abuso
mahilig mang-iwan
walang pakialam
walang kwenta.

Ano pa ba ang silbi ng baboy na ganito?
Ang dapat sa kanila,

binabalatan
tinutuhog
kinakatay
hinihiwa sa leeg
binubuksan ang tiyan
sinusunog
nililitson
nilalaga
pinapakulo
tinatanggalan ng mata
inaalis ang batikolon
ginagawang sinigang
sinasahog
pinapatay.

Pasensya na. Batid kong masidhing galit ang naipapakita ko ngayon. Ako lamang ay naiinis sa isang kaibigang lumalapit lamang sa akin kapag may kinakailangan.
Para saan pa ba ang isang "kaibigang"

abusado
nang-iiwan
manggagamit
manloloko
walang hiya.

Ang dapat sa kanya, ewan ko. Baka kung ano pa ang masabi ko. :D

Biyernes, Enero 23, 2009

Muling pagtanggi sa init ng panahon.

Hindi ko mabatid kung bakit ganito ang aking nararamdaman. Tila ba isang malaking kumot ng init ang bumabalot sa aking katawang nanlalamig na.Ako'y tinataklob sa isang espasyong mainit, masakit, mahapdi. Ang mga sugat sa aking balat ay unti-unting napapaso, na para bang preskong karneng niluluto sa isang kawaling puno ng kumukulong mantika. Kulang na lang siguro ay mabuhusan na ako ng mainit na tubig habang ako'y nagugulumihanan. Ayoko na, sabi ko sa aking sarili. Hindi ko mawari kung ano ang dapat kong gawin. Hindi ko matanto kung ano ang dapat isipin. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Hindi ko maramdaman ang pakiramdam na dapat kong maramdaman. Marahil ay nagmimistula akong mainit na aspaltong ibinubuhos sa isang uhaw na kalsada sa tabi ng plantasyon ng isang libong pinya. Baka naman ako ay ang napapasong metal na pilit tumatayo sa ilalim ng araw upang maipakita ang malaking patalastas ng nag-iinit na kape. Para na akong bagang malapit nang maging abo sa pagliyab ng apoy upang maluto ang hinihintay na isang pirasong galunggong na paghahatian ng isang pamilya. Sana naman ay lumamig muli. Nag-iinit ang aking loob. Pakiramdam ko'y magkakalagnat na ako. O 'di kaya'y ako'y bigla na lamang mahihimatay sa gitna ng daan dahil sa sobrang sakit na nararamdaman.

Martes, Enero 20, 2009

Pera.

Kung bakit ba ay kailangan pa ng tao ang magkapera, iyan ang malaki kong problema.

Kumbaga, financially challenged ako.
Halos wala na akong pera sa ngayon. Walang laman ang aking pitaka.
Kailangang maghigpit. Kailangang mag-ayos.

Maraming kailangang bayaran.
Maraming kailangang gawin.
Maraming kailang paigtingin.

Kung kahapon (o noong isa pang araw) ay tinamaan ako ng matinding kalungkutan, ngayon naman ay tinamaan ako ng matinding kawalan.

Pakiramdam ko ang sama ko na.

Tatlong damit ang binili ko sa loob ng isang linggo.
Marami rin akong nagastos para sa pagkaing hindi ko naman talaga kailangan.
Basta, marami akong ginastos.
Yun yun.

Ewan ko ba.
Kelangan ko ng tulong.

Lunes, Enero 19, 2009

Paglingap.

Isa itong pagmamadali sapagkat mauubusan na ng enerhiya ang aking laptop.

Ang tindi. Akala ko kanina ay guguho na ang aking mundo.
Wala akong pera.
Tumambad sa akin ang aking mga utang.
Tumambad sa akin ang mga requirement, eksamen, asignatura.

Akala ko ay mababaliw na ako sa sobrang depresyon.
Ngunit hanggang ngayon ay depressed pa rin ako.
Tila ba'y may nagawa akong isang malaking kamalian.
Isang malaking kawalan ang naganap sa aking buhay.
Ewan ko ba.
Gusto ko nang masabit patiwarik.
Gusto kong magpahinga ngunit wala talaga.

Walang nangyayaring maganda.
Kelangan ko ng isang malaking tulong.

Linggo, Enero 18, 2009

Problema.

Malaki ang aking problema.
O hindi kaya'y marami akong problema.

Wala na akong pera. (Naghihirap na talaga ako!)
Hindi ko pa nababayaran ang 90 piso kong utang kay Chin Rivera para sa load pang-internet.
Hindi pa ako nakakapagbayad sa kontribusyon namin sa grupo ng aming rehiyon para naman sa naganap na Pasa Fest. [At wala pa akong pambayad sa inyo! XD]
Nakautang ako kay Pie Dellosa ng 50 piso dahil naenganyo akong bumili ng damit sa The Perfect White Shirt.
Malabo akong mapadalhan ng pera ngayong linggo.

Hindi ko na alam ang dapat kong gawin.

Hindi pa ako nakakapagsimulang mag-aral muli.
May eksamen kami sa Nat Sci 2 sa darating na huwebes.
Nalulungkot ako. [sapagkat wala pa rin akong matalik na kaibigan]
Wala pa rin akong nililigawan. [Problema ba iyon? XD]
Hindi ko pa ginagawa ang mga bagay na dapat kong gawin.

Hindi ko na talaga alam!
Kung maaari, tulungan mo ako. Sige na naman o.

Sabado, Enero 17, 2009

Tinta sa hangin.

Ngayon ay pinipilit kong maging malapit sa 'yo. Sadyang hindi ko alam kung bakit ganito ang nangyayari. Wala akong alam. Pasensya ka na.

Biyernes, Enero 16, 2009

Pagbabalik.

Muli ko na namang binuksan ang aking Facebook at Plurk account matapos ang humigit-kumulang isang buwan ng hindi pagbukas nito. At ngayon, nakakapagod silang i-manage ngunit mukhang ayos lang rin naman. Sayang naman yung mga account ko, hindi ba? Hay naku. May gagawin pa pala ako. Hindi ko pa nasusulat ang aking takdan-aralin sa Matematika. Ano ba naman yan. :D

Miyerkules, Enero 14, 2009

Bidyo.


Nakakatuwa naman. Tawa ako ng tawa ng nakita ko ito sa unang pagkakataon.
[Nais ko nga palang magpasalamat sa aking kaibigang si Edward Yee para sa kanyang handag na ringtone nito at sa isa pang remix na inilathala niya sa kanyang blogsite.]
Hindi naman sa dapat ikutya ang naitanghal na Binibining Pilipinas '08, ngunit naging maugong ang kontrobersiya ng kanyang pagkapanalo, lalo na't natatangi siya sa mga manlalahok sapagkat tunay ngang nakakatuwa (o minsan pa'y nakakatawa) ang kanyang pagsagot. Kapansin-pansin ang kanyang mala-carabao english na siya namang naging trademark ng mga Pilipino, pati na rin ang paggamit ng wikang taglish. Maaari na hindi naging maayos ang edukasyong natamasa ni Janina [kahit na UE pa ito, malay natin.] at tila ba'y mahinang repleksiyon lang ito ng mababang kalidad ng edukasyon na natatamasa ng mga mag-aaral sa kani-kanilang mga paaralan, lalong lalo na sa mga remote area. Maaari ding tingnan ang punta ng kaniyang pagiging confident at baguhan sa isang patimpalak. Maaari namang may angking talino talaga siya at natameme lamang doon. Maging ano pa man, nanalo na siya. Hayaan na natin ang naging desisyon. [Total naman, hindi naman siya ang nagrepresenta sa Miss World sapagkat namatay ang kanyang lola noon.]
Beauty with a purpose. Haha. XD

Martes, Enero 13, 2009

Iritable.

Naiinis ako ngayon sapagkat sadyang nagbabagal ang aking koneksyon sa internet. Kung anu-ano nang klase ng pagmumura ang nababanggit ko dito sa aking kwarto. Mabuti na lamang ay tulog na aking roommate at malamang sa malamang ay hindi niya ako maririnig.Kulang na lamang ay umiyak na talaga ako dito dahil sa sobrang pagkamuhi. Nakakainis talaga sapagkat magtatalong oras na akong naka-connect sa internet gamit ang aking Smart Bro at mabagal talaga. Puno na nga yung signal nito ngunit mahina talaga yung rate ng koneksiyon. At ngayon lang ito nangyari. At sampung litrato pa lang ng Pasa Fest ang aking na-upload sa aking Multiply site. Nakakaasar dahil sinisira nito ang plano ko. Nagpaload na ako ng sandaan para marami pa akong magawa sa internet! Walang hiya talaga. Naaasar ako.

Lunes, Enero 12, 2009

Sandaling Kapayapaan.

Iyon ang kailangan ko. Matindi ang aking pagkapagod at marami pa rin akong mga bagay na dapat gawin. Pagkatapos ng linggong ito ay gugustuhin ko nang gumapang at maibitin patiwarik. Ewan ko ba. Susubuikan ko ang reward system na binabanggit ni Gilbert. Matapos ang aking eksamen sa Bio 1 ay mag-iinternet ako kinagabihan para i-upload ang mga litrato namin noong Pasalubong Festival sa aking Multiply site. Kani-kanina lamang ay pinadala ko na ang order form sa universiteeshirts. Sa ika-20 ng Enero ay makukuha ko na ang bibilhin kong iamoble shirt. hindi na ako makapaghintay. :)
Ngunit sa oras na ito ay kailangang kailangan ko talaga ang sandaling kapayapaan. Sadyang napakasakit na ng aking katawan at ang aking ulo ay sumasakit na rin. Hindi ko na alam ang mangyayari sa akin. Ewan ko na ba. Sana nga ay maging maayos rin ang lahat.

Linggo, Enero 11, 2009

Tulirong-tuliro.

Nakakaasar.
Ako na nama'y nakararanas ng matinding sakit ng katawan: sa bandang likuran at sa mga braso.
Tila ba'y nag-physical fitness test ako. Doon lamang naman yata ako nakararanas ng ganito.
Ngunit ngayon, ako'y tulirong-tuliro. :)
At wala na akong ibang masabi.
Nawalang bigla lahat ng iniisip ko.

Tuliro.

Nagkaroon na naman ng isang pagtatagpo.
Ngunit ito'y nasa ibang panahon, sa nagbagong persona.
Ito'y pagtatagpo ng dalawang taong nawalan ng alaala.
Siguro nga ay ganoon na lamang iyon.
Matagal na siyang nawala.
At bigla-bigla na lang kaming ipinagtagpo ng tadhana.
Ano naman ngayon?
Nakakatuwa na sana.
Kaso hindi ko na siya kilala.
Hindi na niya ako maalala.
Tila ba nagsisimula kami sa blankong papel,
isang papel na walang simula, walang katapusan;
isang pagkakataong walang nakaraan, walang hinaharap.
Tila ba kami ay nakapaloob lamang sa isang sandali.
Ngunit marahil ay matatawag iyong saglit, sapagkat napakabilis ng mga nangyari.
Wari'y bigla lang kaming magkakilala sa maikling panahong iyon, ngunit walang bukas na nagbabadya.
Subalit hindi naman rin masasabing waring magkakilala kami sa sandaling iyon.
Ramdam ko pa rin ang pagkailang, ang pagbabago.
Ngunit hindi ko naman siya matanto.
Hindi ko maramdaman ang ibig niyang ipaalam.
Hindi ko nga malaman kung may ibig nga siyang ipaalam.
Nakakalito, nakakatuliro.
Pero maligaya pa rin ako sa kahapong laman ng sandaling iyon.
Isa itong bagong pagtatagpo, bagong alaala.
Sana lamang ay dinggin ang aking walang tigil na hiling.

Biyernes, Enero 9, 2009

langit at lupa.

Tila nasira ng isang kapabayaan ang plano ko para sa buong linggo. Iyon ay dahil hindi ako nakasama sa palihan namin kanina sapagkat hindi ko nadala ang aking kongkretong tula. Naaasar ako. Pakiramdam ko'y nawalan ako ng lugar, ng patutunguhan, dahil sa isang ganon. Nakakaasar talaga. Ewan. Gusto kong mabitay patiwarik.

Huwebes, Enero 8, 2009

Patak.

Umuulan na naman dito sa Diliman. Katamaran na naman ang dala ng panahon. Kani-kanina ay sinusubukan kong mag-aral para makapaghanda na sa aking eksamen sa Bayolohiya 1, sa itinaguriang lucky thirteen. Inaantok na naman ako sapagkat 6.30 na ako ng umaga nagising, at hindi na 7.00. Gusto ko lang namang subukang magising ng maaga ngunit ramdam ko ang pagod at ang kakulangan sa tulog. Kulang na kulang yata ako sa lakas. Hindi ko maintindihan. Sa unti-unting pagpatak ng ulan ay unti-unti ring lumalamig ang aking mga kamay. Tila lumalamig na rin ang buo kong katawan. Naiinip na ako. Dapat ay sa ano mang oras ngayong las otso ay dumating na yung manggagawang mag-aayos ng ilaw sa mesa ko. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Hindi ko na yata siya maaasahan pa. Nakakinis naman.

Miyerkules, Enero 7, 2009

Banidoso.

Ang lathalaing ito ay tungkol sa aking pagkabanidoso o vain. Sinadya kong tanggalin ang aking litrato sa dati nitong kinalalagyan sa aking blogsite para magbigay daan sa limang litratong inilagay ko sa lathalaing ito.
Wala lang kasi akong magawa. At ginagawa ko lang ito para hindi ako makapag-aral. :)


Dingding.

Marahil walang istrukturang dulot ng arkitektura na walang dingding. Iyon ang nagsisilbing haligi ng isang gusali, o kung ano pa mang istrukturang may direksyong pataas. Maganda na mayroong dingding. Ito ay nagsisilbing proteksiyon at sandigan. Ang sarap ng pakiramdam nito. Madalas, ang pamilya at mga mahal sa buhay ang nagsisilbing dingding ng isang tao. Sila ang mga gumagabay at sumusubaybay sa bawat paggalaw at pagkakamali, pagkasaya at pagluha. Masarap ang pakiramdam. Ngunit pag ito ay nabuwag, malamang sa malamang ay mabubuwag din ang mundo ng indibidwal. Pero hindi naman ito dapat pangambahan. Walang gusaling bumabagsak na hindi maitatayong muli. :)

Lunes, Enero 5, 2009

Pagbabago.

Ngayong araw ay muli akong nagbalik sa dormitoryo sa aking kwarto, sa aking buhay esudyante. At ganoon pa rin naman. Wala pa ring nagbago sa mga oras na inilagi ko rito. Hindi pa rin kami nag-uusap. Nagtatampo pa rin ako sa kanya. Buhok lang ang nasilayan ko sa kanya. Hindi ko siya pinansin. [Iba-ibang tao ang tinutukoy ko rito.]
Wala gaanong mahalagang bagay ang naganap sa akin sa loob ng dormitoryo ngayon. Tila wala lang. Bahala na lang, iyon na ang inisip ko. Sabi nga nung pari noong nakaraang linggo, hahayaan ko na lang na bulagain ako ng Panginoon. Bahala na siya.
Hindi tiyak ang buhay ko. Ngunit walang humpay. Hay ewan.

Biyernes, Disyembre 26, 2008

Alingawngaw.

Kung hindi lamang mala-prinsipe (o Juan Tamad) ang buhay ko rito sa tahanan ng aking tiyahin sa Pasig, hinding-hindi ko na gugustuhin na umapak pa sa bahay na ito. Laging sumasakit ang aking ulo at mga tenga dahil sa alingawngaw ng mga sigaw, pag-iyak, at kahit normal na tinig na sadyang makabasag ngala-ngala. Nakakainis sapagkat hindi ko talaga ito ginusto. Ngunit wala akong magagawa kundi magtiis at magtimpi muna. Iilang araw na lang din naman ang aking hihintayin bago ako muling bumalik sa aking dormitoryo. Liligaya rin ako.

Martes, Disyembre 23, 2008

Ako na si Iñigo Miguel.

Bago man ako umalis patungong Pasig noong ika-18 ng Disyembre ay bininyagan na ako ng aking kaibigan sa isang bagong ngalan: Iñigo Miguel. Nakakatuwa naman kasi kulang na lang na dugtungan ng Zobel de Ayala para tunog elitista na.
Sana nga lang talaga ay maging maayos na ng lubusan ang buhay ko. Mag-iipon na talaga ako. Basta. Mga ganoong bagay. Aayusin ko na talaga ang buhay ko
Kanina ay umandar na naman ang aking luho. Nakapabili ako ng bagong rubber shoes - Nike.
Hindi ko maintindihan ngunit ginusto ko lang ngayon na magkaroon na ng sapatos na Nike. Siguro ay dala na rin sa kalidad. Nagkaroon na ako ng mga sapatos mula sa Adidas, Accel, at Converse. Maging Bench nga ay pinagdiskitahan ko na. Pero mas pinili ko lang talaga sa ngayon ang Nike. Wala na akong ibang tiningnan pa.
Malapit na talagang mag-Pasko. Medyo kinakapos kami sa pera. Wala naman kaming magawa sapagkat ang kotse ng aking ama ay kasalukuyang nasa paayusan dahil hindi naman siya binayaran nung taong nakabangga sa kotse niya. Sanay ako dati na banggiting 'kotse namin' ngunit ngayon ay hindi naman ako nakakasakay dun kaya ayan na.
Ayun. Ewan. Gusto kong magkapera. Gusto kong kumita. Iniisip ko nga kung ayos lang bang magturo ako ng Ingles sa mga bata. Pero ewan ko. Hahayaan ko lang muna ang mga bagay. Bahala na.

Lunes, Disyembre 22, 2008

uy! pambansang t-shirt!

Mabuhay! Kaibigan, bisitahin mo naman ito: http://www.angpambansa.com
Ang astig talaga!XD

Uhog.

Humihingi ako ng paumanhin dahil sa pamagat ng aking lathalain ngayong araw.

Uhog.

Sinisipon pa rin ako ngayong araw at tila may kaunti pang init ng lagnat ang naiwan sa akin. Nakakairita. Matapos ang mahabang panahon ay ngayon lang ulit ako sinipon at nagkasakit. Ang mas masaklap pa, saka lang ako nagkasakit nang ako'y dumating dito sa tirahan ng aking tiyahin at hindi pa doon sa dormitoryo. Sana lamang ay mawala na kaagad ang sakit kong ito bago pa man mag-Pasko. Ngunit iilang araw na lang at Pasko na. Ito na nga ang walang-urungang Pasko ko na malayo kina Papa at Ate (dahil kasama ko naman dito si Mama).

Nakakainis talaga itong sipon na ito. Walang humpay. Walang tigil. Walang patawad. Hihinto muna ako rito. Kailangan ko pang suminga.

Linggo, Disyembre 21, 2008

Isa siyang panggasgas ng lalamunan.

Sobrang sakit ng aking lalamunan. E kasi naman, mukhang may lagnat ako ngayong araw. Sobrang tagal ko nang nagising kaninang umaga, bandang 11 ng umaga. At lagi pa akong natutulog nun. Sadyang masakit pa ang aking ulo pati na ang buo kong katawan. Tila ngang masarap gumapang ngayong araw. Nakakapagod tumayo at umupo. Nakakapagod nga ring mag-internet. Kung hindi lang marami ang aking kailangang i-upload na mga litrato sa aking Multiply site ay marahil hindi na ako mag-iinternet muna.
Sandali, kaibigan. May alam ka bang site na mapagkukunan ng libreng English-Filipino Dictionary software? Kailangan ko kasi e. Pa'no ba naman, walang kwenta ang mga talatinigan at diksiyonaryong Pilipino lalo na kapag hindi iyon yung UO Diksiyonaryong Pilipino.

Sabado, Disyembre 20, 2008

Ano ba ang salitang 'propose' sa wikang Filipino?

Ang hirap talaga ng walang application ng diksiyonaryong Pilipino. Kapag nakaluwag ako sa pera, bibili na talaga ako ng bonggang-bonggang UP Diksiyonaryong Pilipino, 'yung malaki at makapal.
Noong 18 ay "umuwi" na ako sa tirahan ng aking tiyahin sa lungsod ng Pasig. Hindi ko naman talaga mararamdaman ang pagka-Pasig ng lugar dahil mas malapit pa kami sa mga lungsod ng Cainta at Marikina. Kanina ng hapon ay dumating na ang aking ina, lulan ng Philippine Airlines mula sa lungsod ng Heneral Santos.
Dala niya ang aking hiling na Smart Bro Prepaid, na siyang gamit ko naman habang ako ay nag-iinternet sa mga oras na ito. Nakakainis lamang dahil walang 3G signal dito sa bahay. Sana lang ay malakas naman ang sa dormitoryo. Sobrang hina ng koneksiyon. Mas mahina pa yata ito kesa sa dial-up.
Ano ba ang salitang propose sa wikang Filipino? Nakakahiya man ngunit hindi ko talaga alam, o marahil ay nakalimutan ko lamang. Ito na marahil ang parusa ng pagiging konyo, ang laging paggamit ng wikang Taglish at Englog (wikang predominantly English). Nakakahiya talaga dahil marami sa mga kabataang Pilipino (at maging sa matatanda na rin) ang hindi alam ang maraming salita sa wikang Filipino. Ang nakakalungkot pa roon, mas magaling pa tayong magsalita ng wikang banyaga (tulad ng wikang Ingles) kaysa pagsalita ng wikang Filipino, o kahit wikang bernakular man lamang. Kung minsan pa'y nakakaasar naman talaga.
Sana naman ay magkaroon na ng malakas na 3G signal sa kinaroroonan ko. Parang awa naman sana ng Smart Telecommunications. (At sana isalin naman nila sa wikang Filipino ang mga korporasyong Pilipino sa bansa.)

Martes, Disyembre 16, 2008

Lito.

Hindi ko na naman maintindihan ang aking sarili. Sa totoo lang, wala naman talaga akong iniintindi sa panahong ito. Ngunit sadyang lito lamang ako. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Marahil ay may gusto nga ako ngayong mga sandaling ito ngunit hindi ko talaga alam. Kung iyong mapapansin ay lagi na lamang akong ganito: nalilito at hindi alam ang gagawin. Marahil ay sadyang ganito na nga lang talaga ako. Pero sana naman, kahit papaano, ay lumigaya ako.

Lunes, Disyembre 15, 2008

Walang humpay na pag-ikot ng mundo.

Marahil ay mukhang marami akong bakanteng oras sa araw na ito ngunit napakaplanado na ng araw ko. Sa pagsapit ng 10 ng umaga, dapat ay nasa mall na ako upang mamili ng mga gamit ang ng bagay na ireregalo ko sa aking kaibigan (at hindi ko talaga alam kung ano ang dapat kong ibigay). Dapat ay nakabalik na ako ng 1.30 ng hapon dahil sa 3 ng hapon ay may papanoorin ulit akong event. Sa gabi ay dapat na akong mag-aral para sa aking nagbabadyang eksamen sa Nat Sci 2. Wala na nga siguro akong panahon pang huminga ng maluwag ngayong araw na ito.
Kagabi ay tinawagan ako ng aking kaibigan. Gabing-gabi na nang mangyari iyon at tila ay napakaingay ko sa aming kwarto. Natulog na ako ng 1 ng umaga para maaga akong makagising at para may tamang lakas pa ako para sa araw na ito.
Nasasabik na ako sa darating na pasko. Ang paskong ito ay kaiba talaga sa lahat ng paskong napagdaanan ko. Hindi ako uuwi sa amin. Kasama ng aking ina, ako ay magpapasko sa lungsod ng Pasig, kaya kung iyong mapapansin, nakalagay rin ang lungsod ng Pasig sa itaas. Hindi ko malaman kung magiging masaya ang pasko kong ito. Sina papa at ate ay maiiwan sa amin at wala akong ibang mapagpipilian kundi ang maging maligaya. Sana nga lang ay matupad lahat ng mga kahilingan ko. Ang dami kong gustong ipamili. Ang dami kong gustong gawin. Ngunit sana lamang ay tugunan na ng Diyos ang aking pinakamataas na kahilngan. XD

Biyernes, Disyembre 12, 2008

Pagtatakam sa Tsokolate.

Ako ngayon ay nahuhulog ang loob sa isang babaeng hindi ko naman lubusang kilala.
Batid kong hindi rin niya ako lubusang kilala.
Natutuwa lang talaga ako kapag nakikita ko siya.

Oo na, may crush na nga talaga ako sa kanya.
[At mabuti naman ay nakahanap na rin ako ng iba.]

Sa totoo lang, wala pa akong ibang nasasabihan tungkol rito.
Wala pang nakakaalam kung sino siya.
At marahil ay wala nga muna talaga akong ipapaalam.
Titingnan ko muna kung saan ako dadalhin ng kahibangang ito.

Sa ngayon ay natatakam ako sa chocolate cake.
Gutom na nga ako.
At hindi ko rin maintindihan kung bakit iniugnay ko sa tsokolate ang lathalaing ito.

Kanina lamang ay naiisip ko na ang aking kalagayan sa nagbabadyang bakasyon.
Hindi ko nga rin mahusgahan kung masama ba ito o maganda: ang mamalagi sa piling ng aking ina at tiyahin sa lungsod ng Pasig kesa umuwi at buong pamilyang magdidiwang ng kapaskuhan.
Hindi ko pa alam sa ngayon.

Pero ako'y nangangamba.
Baka mas lalo lang akong malungkot.
Baka hindi ko makuha ang mga bagay na hinihiling ko.
Ewan.

Isang maikling buntong-hininga.

Wala ako sa matinong pag-iisip ngayon. Mistula nga yatang hindi talaga ako nag-iisip sa ngayon. Wala akong alam. Hindi ko alam ang aking gagawin. isa na lamang akong maliit na hayop na parang daga na walang tigil sa pagtakbo sa loob ng isang gulong. Pabalik-balik na lang ako. Hindi ko na alam. Ewan.
Pagpasensyahan niyo na lang muna ako. :)

Lunes, Disyembre 8, 2008

Lagapak.

Matapos ko man marinig ang mga nakakainsulto at nakakatanggal-kaluluwang mga salita sa harap ng aking pagmumukha ay narito pa rin ako at bumabalik na naman sa dati kong mga pagkakamali. Marahil ay tanga na talaga ako at hindi na nga talaga natuto. Naiinis man ako ay parang wala na nga rin talaga akong magagawa pa. Sinasayang ko ang bawat pagkakataon at bawat bagay na naibigay sa akin. Kung pahihintulutin man nga ng Diyos, maaari na talaga akong ibitin patiwarik. Hindi ko na talaga alam ang dapat kong gawin. Marami na akong naging pagkakamali. At ang mga pagkakamaling iyon ay lagi ring nauulit. Naiinis na ako. Kung matutulungan mo ako, kung maaari lamang, tulungan mo na ako ngayon.

Sino ka na ba?

[isa itong handog sa aking unang naging kaibigan sa kolehiyo, na ngayon ay mistulang hindi ko na nga talaga kilala pa.]

Aking binibini, sino ka na ba?
Hindi na kita kilala.
Hindi mo na ako nilalapitan pa.
Hindi mo na nga ako kinakausap pa.
Marahil ay naninibago lamang ako.
Ngunit hindi na talaga kita kilala pa.
Wari'y dapat na kitang layuan.
Marami ka namang mga bagong natagpuan na mga kaibigan e.
Marahil nga ay mas may silbi pa sila sa iyo kesa sa akin.
Pero basta.
Bahala ka na.
Sino ba naman ako, hindi ba?

Sabado, Disyembre 6, 2008

Kakulangan [sa pera at pagkain].

Ako ngayo'y inaatake ng matinding gutom. Naubos ko na ang kakabili ko lamang na croissant ngunit hindi ito sapat para pawiin ang aking nararamdaman. Hindi ko maintindihan. Ako'y sadyang gutom.
Nitong linggo ay ang dami talagang naganap sa akin. Nakapasa ako sa eksamen sa Sigaw (opisyal na dyaryo ng Kalayaan) bilang pangalawa at napasok ang ginawa kong disenyo ng t-shirt (para rin sa Kalayaan) sa tatlong pinakamagagandang disenyo.Bukod pa doon, marami pa akong natanggap, mapabalita man lang o kung ano pa.
Biyaya nga sigurong maituturing, ngunit bakit hanggang ngayon ay ramdam na ramdam ko pa rin ang kakulangan sa aking sarili na tuluyan pa ring gumugulo sa akin?
Hindi ko talaga maintindihan. Wari ay ito na ang tanging bagay na bumabagabag at babagabag pa rin sa akin sa paglipas ng panahon.
At ngayon naman ay tinatamad ako. Hindi ko malaman kung ano ang aking kailangan. Ewan. Bahala na.

Huwebes, Disyembre 4, 2008

Biglaan.

Kung iyong mapapansin, masyado na akong nagiging emosyonal at tahimik ngayong linggo. Hindi ko naman alam kung bakit. Marahil ay dahil naghihintay ako ng kasagutan mula sa Diyos. Pero sa gitna ng aking kalungkutan ay may mga regalong ibinigay sa akin ang Diyos. At biglaan ito.
At hindi ko alam kung saan ako magsisimula.
Noong isang gabi ay pinaramdam ko sa isang (malapit ngunit hindi naman talaga) kaibigan ang aking pagkainis sa kanya dahil pakiramdam ko naman ay inaabuso lang niya ako. Kung baga, Kung hindi ako laptop sa paningin niya ay mukha naman akong printer. Bilang mabawi ang kanyang naging 'kakulangan', nilibre niya ako kahapon. Ayos na rin ako sa kanya. Alam ko namang maaari ulit akong mainis sa kanya, ngunit sadyang ganoon na nga talaga ang buhay ko kaya't mabuti pa ay hayaan ko na lang ito.
Kagabi naman ay tuwang-tuwa ako sa reaksiyon ng isang tao (at sana naman hindi niya ito mabasa). Simula na naman ba kaya iyon? Natutuwa ako. :)
Kagabi rin ay nakausap ko ang aking ama at pumayag siyang bilhan ako ng Smart Bro Wireless Prepaid sa Enero ng susunod na taon (ngunit yun ay kung may pera nga). Natuwa ako dahiil kahit papaano ay pinaliligaya (at pinaaasa) ako ng aking ama, hindi tulad ng aking ina na masyadong praktikal at hindi binibigyan ng konsiderasyon ang aking mga kagustuhan at pangangailangan sa aking sarili.
Kanina naman ay bigla ko na lamang nakita ang aking pangalan na nakaimprenta sa isang papel na nakalagay sa labasan. Nakapasa ako sa eksamen para sa Sigaw na nangyari noong huling linggo (at hindi ko naman talaga alam kung ano na ang mangyayai niyan at nakapasok ako). Natutuwa pa rin ako.
Ang daming biyaya na binibigay sa akin ngayon ang Diyos. Natutuwa talaga ako. Nagagalak ako. Sobra. :)

Miyerkules, Disyembre 3, 2008

Ang patuloy na pagsunod sa isang nakaraang nais mabago.

Ako marahil ay naiinis sa ngayon (pero noon pa man) dahil sa taong ito na nag-uugnay sa aking malayong nakaraan at sa aking malabong kasalukuyan.

(AT SANA HINDI MO ITO MABASA.)

Hindi ba dapat siya ang maging lagi kong kasama dahil siya lang ang kilala ko sa mundong aking kinagagalawan? Hindi ba dapat ay ---

Teka nga. Mukhang nabubulag na ako ng mga bagay na nais kong mangyari.

Nais kong muling maiugnay ang sarili ko sa iyo. Nais kong maging malapit sa iyo.
Ngunit ika'y sadya pa ring malayo.

Ikaw na tinuring kong best friend noong tayo'y wala pang ipinagkaiba sa mga musmos na bata ay hindi na ako kilala ngayon.
Hindi naman kita masisisi.
Wala namang may kasalanan sa nangyari (at hindi rin naman talaga iyon maituturing na kasalanan).

Pero, ang saklap hindi ba?
Hindi ko alam. Sa totoo lang ay nalilito pa rin ako hanggang ngayon.

Bakit?
Marahil ay dahil pilit kong ibinabalik ang kanyang dating sarili sa kasalukuyan kung saan hanggang sa mga tingin, na hindi maipaliwanag kung ano ang ibig sabihin, na lang ang aming komunikasyon.

Hindi ko siya maintindihan. Alam ko rin na hindi niya rin ako maintindihan.
Marahil ay kahit ikaw: hindi mo rin ako maiintindihan.

Hindi ko alam ang dapat kong gawin.
Pakiramdam ko ay may posibilidad pa rin na mangyari ang aking nais.
Ngunit batid kong sadyang mahirap nga ito.

Iba na siya.
Hindi ko na siya kilala.
Hindi na siya ang dating taong nagsilbing kaibigan ko na laging nariyan para sa akin.

Marahil ay dapat ko na siyang kausapin at iugnay muli ang aking sarili.
O baka naman dapat ko nang kalimutan ang kahibangan na ito at manatili sa mundong dapat kong kalagyan.

Ngunit bago ko pa man dumating ang sagot sa dapat kong gawin, patuloy muna akong susunod sa nakaraang nais kong mabago - at balikan.