Malamang, baka ay abalang abala sila. Ngunit bakit ganoon? Ni kailanman ay hindi man lang ako nakakaramdam ng magandang pangangamusta. Hindi ko maintindihan kung sadyang hindi ako kanais-nais o minalas lang talaga ako sa mga naging mga kaibigan ko dahil hindi man lang nila ako magawang kamustahin. Hay naku. Ganyan kayo ha.
Pero kahit ako rin nama'y bihira lang rin mangamusta. Kung mangamusta naman ako'y nasa maling pagkakataon, o 'di kaya'y hindi lang talaga magandang kausapin ang makakamusta ko. O marahil hindi lang talaga kaaya-aya ang aking nakaraan.
Wala na akong maituturing na matalik na kaibigan, wala na akong contact sa kanila, o 'di kaya'y ibang network ang gamit nila kaya hindi kami makapag-usap sa text. Wala rin naman akong pormal na barkada. Sabi ko nga kay Marikit noong maghahayskul pa lamang kami (tandang-tanda ko pa iyon, iyong bakasyong nakakailang oras kami sa telepono araw-araw na hindi kalaunan ay naging madalang na lang), para akong amorseko: kani-kanino na lang dikit ng dikit. Mayroon pa namang mga naiinis sa akin kapag mukha akong asong sunod ng sunod sa kanila.
E sa kailangan ko lang naman talaga ng makakasama.
Subalit hindi ko maintindihan at hanggang ngayon, ngayong nakatakas na ako sa mapait kong kabataan at nagsisimulang muli sa kolehiyo, ay wala pa rin. Hindi pa rin ako kuntento.
Hindi pa rin ako masaya sa mga taong nakapalibot, hindi pa rin ako kuntento sa kanila. Hindi ko alam kung ako lang ito, o baka dahil wala lang talagang nagtatrato sa akin bilang mahalaga. Tingin ko nga ay hindi naman ako mahalaga.
Hindi naman talaga ako mahalaga.
Hindi rin naman ako nagpapapansin lang.
Malungkot lamang ako.
Malungkot lamang ako dahil wala akong makausap, makasama.
Malungkot lamang ako dahil walang nangangamusta sa akin, wala man lang yatang nakakaalala, walang kumakausap sa akin, wala.
Nawa'y ibigay na sa akin ng Diyos ang aking matagal nang kahilingan para hindi ako nagdadrama nang ganito. Ang lungkot kaya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento