Magtatanghali na't ako pa ri'y nakadapa, nakahiga sa malaking kama. Nakabukas ang aking laptop, tumitingin sa mga larawan ng kasiyahan, litrato ng nakaraan. Wala ako sa mga litratong iyon, mga kaibigan ko lamang. Sa bawat pagtanaw ko sa kanilang mga mukha, sa kanilang kaligayahan, tila naramdaman ko ang aking pagkaligaw. Naliligaw ako sa bawat beses na pinagmamasdan ko sila. Tama ngang hindi nila ako kasama sa mga litratong iyon. Hindi ako kabilang sa kanila.
Kahit papaano ay naging matalik kitang kaibigan. Kaarawan mo iyon, bakit hindi mo ako isinama?
Minsan - hindi, lagi naman talaga - may mga tao talagang mas mahalaga kesa sa iyo. Ngunit para sa mundong ito na pambihira ang lawak ngunit kakaiba ang liit, mayroon pa bang maituturing na mahalaga? Sa bawat beses na tatanaw ako sa lalim ng iyong mga mata, sa bawat paghawak mo sa aking maninipis na braso at sa bawat pag-ihip ng hangin sa ating dalawa, ano pa ba ang mas hahalaga?
Hindi kita uutusan. Hindi kita pagsasabihan. Hindi naman kita pag-aari e. At kahit anong kagustuhan kong maging iyong-iyo, itutulak mo lamang ako papalayo, isusuka na parang mapait na prutas, bulok. Kung gayon ay ititigil ko na lamang ito, itong masakit na nararamdaman, dahil hindi naman ako kabilang, wala akong kasama. Kung hanggang ngayon ay mananatili ka, salamat. Ngunit lumisan ka na, mas kailangan ka marahil ng iyong mga kaibigan. Iwan mo na lamang ako rito. Wala kang pakialam sa sugatan kong damdamin.
At heto ako, nakahandusay sa kama. Ang laptop na dati'y nakabukas ay nakasara na. Huminto na ang awit. Naghihintay na lamang ang nakakapasong hangin.