Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Lunes, Abril 27, 2009

Pakikipaghabulan sa hangin.

Ngayon ako'y nakikipaghabulan sa hangin. Wala akong nararamdaman. Walang pagod, walang kaba, walang ligaya. Walang-wala. Kung sa latin pa ay isa lamang akong tabula rasa. Blangko ako ngayon.
Ngunit gusto ko lamang na may kahalik ngayong gabi. Hahaha! Oo. Ewan ko ba ngunit gusto ko lang maramdaman ang pagmamahal.
Sa ngayon ay wala pa rin akong iniibig na babae at hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit.
Tila nga'y ako'y nililipad lang, hinihipan ng hangin at dinadala sa kung saan man nito gustong magpunta. Ewan ko ba. Magiging maayos din ang lahat.

Linggo, Abril 19, 2009

Pangarap. Panaginip. Pagkakataon

Ang ewan. Hindi ko maintindihan ang sarili ko habang dumaraan ang mga araw sa kakasimula lamang na summer classes. Hindi ko talaga maintindihan. Kung iisipin, tila nga ako'y nanigas (uy, mukhang mali pero 'yun lang ang maisip kong termino) sa sandaling ito. Wala akong maintindihan. Kung sana lang ay hindi madamay pati ang mga dapat kong mapag-aralan sa pagkawala ng malay ko.
Hindi ko maintindihan. Hindi ko mabatid. Hindi ko mawari. Ewan. Ewan.

Martes, Abril 7, 2009

Giliw Kong Bayan.

Kaytagal kong hinintay na dumating

Sikat ng araw sa asul mong dagat

Akala ko’y tutugon sa ‘king hiling

Na pagsibol ng dahon sa ‘yong gubat

 

Nilisan kita upang iligtas ka

Sa kahirapang iyong dinaranas

Ngunit kami rin pala’y nagdurusa

Pangungulila na wala nang lunas

 

Nais kong ngayo’y umuwi, bumalik

Panoorin ang ‘yong langit na bughaw

Pagtitiis ay mapawi sa halik

Nang ang pangarap ay hindi malusaw

 

Sa pagbabalik nawa ay matugon

Ikaw aking bayan, iyong pagbangon

Lunes, Abril 6, 2009

Pader

Kaninang umaga ay may mag-ina akong nakita

Walang saplot ang bagong silang na sanggol

At ang babae’y may hawak na lata.

Pinasandal ko ang ginang sa akin

At nang walang nakisimpatya ay

Hinayaan ko nang umalis.

 

May kotseng dumaan, bughaw na Volvo.

Pinanood kong lumabas ang lalake,

Nakagayak-Amerikana sa mainit na tanghali.

Tumambad sa akin ang kanyang mukha

Nang halos idikit sa akin ang katawan

Upang diligan ang nag-iinit kong semento.

 

Bumisita sa akin ang isang binatang

May dala na pulang pintura.

Wala akong magawa nang dungisan niya

Ang aking puting mukha.

“Ang panghi naman dito!”

Reklamo pa niya.

 

Nahihimbing ako sa aking siyesta

Nang tumigil ang sandaang aktibista:

Nag-iingay, sumisigaw, nag-aalsa.

Wala na namang mangyayari,

Wala na naman itong patutunguhan,

Iyon ang tumakbo sa isip ko.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

May dambuhalang sasakyang

Nagpaalis sa mga walang hiya.

Mas masahol pa pala ito nang

Walang prenong dumiretso

Sa aking pinagsamantalahang estruktura

At unti-unti na akong giniba.

 

Maya-maya pa’y naglabasan

Ang sandamakmak na sako ng semento.

Hindi ako makatakbo, makatakas,

Sapagkat dikit pa rin sa lupa

Ang kalahating ako,

Ang kapirasong ako.

 

“May mall na namang ipapatayo.”

Dinig kong sinabi ng babae,

Hawak ang kanyang lata at hubad na anak.

Sa tabi ko, ng kapirasong ako,

Dali-dali siyang naghukay sa lupa at

Inilibing ang kanyang patay nang kerubin.

 

Doon sa tabi ko,

Ng kapirasong ako,

Sa tabi ng natitirang ako.

Linggo, Abril 5, 2009

Isa itong haiku pampasko.

Ningning do’n sa may dahon,

Sa isang iglap

Dala’y liwanag sa ’tin.