Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Biyernes, Disyembre 26, 2008

Alingawngaw.

Kung hindi lamang mala-prinsipe (o Juan Tamad) ang buhay ko rito sa tahanan ng aking tiyahin sa Pasig, hinding-hindi ko na gugustuhin na umapak pa sa bahay na ito. Laging sumasakit ang aking ulo at mga tenga dahil sa alingawngaw ng mga sigaw, pag-iyak, at kahit normal na tinig na sadyang makabasag ngala-ngala. Nakakainis sapagkat hindi ko talaga ito ginusto. Ngunit wala akong magagawa kundi magtiis at magtimpi muna. Iilang araw na lang din naman ang aking hihintayin bago ako muling bumalik sa aking dormitoryo. Liligaya rin ako.

Martes, Disyembre 23, 2008

Ako na si Iñigo Miguel.

Bago man ako umalis patungong Pasig noong ika-18 ng Disyembre ay bininyagan na ako ng aking kaibigan sa isang bagong ngalan: Iñigo Miguel. Nakakatuwa naman kasi kulang na lang na dugtungan ng Zobel de Ayala para tunog elitista na.
Sana nga lang talaga ay maging maayos na ng lubusan ang buhay ko. Mag-iipon na talaga ako. Basta. Mga ganoong bagay. Aayusin ko na talaga ang buhay ko
Kanina ay umandar na naman ang aking luho. Nakapabili ako ng bagong rubber shoes - Nike.
Hindi ko maintindihan ngunit ginusto ko lang ngayon na magkaroon na ng sapatos na Nike. Siguro ay dala na rin sa kalidad. Nagkaroon na ako ng mga sapatos mula sa Adidas, Accel, at Converse. Maging Bench nga ay pinagdiskitahan ko na. Pero mas pinili ko lang talaga sa ngayon ang Nike. Wala na akong ibang tiningnan pa.
Malapit na talagang mag-Pasko. Medyo kinakapos kami sa pera. Wala naman kaming magawa sapagkat ang kotse ng aking ama ay kasalukuyang nasa paayusan dahil hindi naman siya binayaran nung taong nakabangga sa kotse niya. Sanay ako dati na banggiting 'kotse namin' ngunit ngayon ay hindi naman ako nakakasakay dun kaya ayan na.
Ayun. Ewan. Gusto kong magkapera. Gusto kong kumita. Iniisip ko nga kung ayos lang bang magturo ako ng Ingles sa mga bata. Pero ewan ko. Hahayaan ko lang muna ang mga bagay. Bahala na.

Lunes, Disyembre 22, 2008

uy! pambansang t-shirt!

Mabuhay! Kaibigan, bisitahin mo naman ito: http://www.angpambansa.com
Ang astig talaga!XD

Uhog.

Humihingi ako ng paumanhin dahil sa pamagat ng aking lathalain ngayong araw.

Uhog.

Sinisipon pa rin ako ngayong araw at tila may kaunti pang init ng lagnat ang naiwan sa akin. Nakakairita. Matapos ang mahabang panahon ay ngayon lang ulit ako sinipon at nagkasakit. Ang mas masaklap pa, saka lang ako nagkasakit nang ako'y dumating dito sa tirahan ng aking tiyahin at hindi pa doon sa dormitoryo. Sana lamang ay mawala na kaagad ang sakit kong ito bago pa man mag-Pasko. Ngunit iilang araw na lang at Pasko na. Ito na nga ang walang-urungang Pasko ko na malayo kina Papa at Ate (dahil kasama ko naman dito si Mama).

Nakakainis talaga itong sipon na ito. Walang humpay. Walang tigil. Walang patawad. Hihinto muna ako rito. Kailangan ko pang suminga.

Linggo, Disyembre 21, 2008

Isa siyang panggasgas ng lalamunan.

Sobrang sakit ng aking lalamunan. E kasi naman, mukhang may lagnat ako ngayong araw. Sobrang tagal ko nang nagising kaninang umaga, bandang 11 ng umaga. At lagi pa akong natutulog nun. Sadyang masakit pa ang aking ulo pati na ang buo kong katawan. Tila ngang masarap gumapang ngayong araw. Nakakapagod tumayo at umupo. Nakakapagod nga ring mag-internet. Kung hindi lang marami ang aking kailangang i-upload na mga litrato sa aking Multiply site ay marahil hindi na ako mag-iinternet muna.
Sandali, kaibigan. May alam ka bang site na mapagkukunan ng libreng English-Filipino Dictionary software? Kailangan ko kasi e. Pa'no ba naman, walang kwenta ang mga talatinigan at diksiyonaryong Pilipino lalo na kapag hindi iyon yung UO Diksiyonaryong Pilipino.

Sabado, Disyembre 20, 2008

Ano ba ang salitang 'propose' sa wikang Filipino?

Ang hirap talaga ng walang application ng diksiyonaryong Pilipino. Kapag nakaluwag ako sa pera, bibili na talaga ako ng bonggang-bonggang UP Diksiyonaryong Pilipino, 'yung malaki at makapal.
Noong 18 ay "umuwi" na ako sa tirahan ng aking tiyahin sa lungsod ng Pasig. Hindi ko naman talaga mararamdaman ang pagka-Pasig ng lugar dahil mas malapit pa kami sa mga lungsod ng Cainta at Marikina. Kanina ng hapon ay dumating na ang aking ina, lulan ng Philippine Airlines mula sa lungsod ng Heneral Santos.
Dala niya ang aking hiling na Smart Bro Prepaid, na siyang gamit ko naman habang ako ay nag-iinternet sa mga oras na ito. Nakakainis lamang dahil walang 3G signal dito sa bahay. Sana lang ay malakas naman ang sa dormitoryo. Sobrang hina ng koneksiyon. Mas mahina pa yata ito kesa sa dial-up.
Ano ba ang salitang propose sa wikang Filipino? Nakakahiya man ngunit hindi ko talaga alam, o marahil ay nakalimutan ko lamang. Ito na marahil ang parusa ng pagiging konyo, ang laging paggamit ng wikang Taglish at Englog (wikang predominantly English). Nakakahiya talaga dahil marami sa mga kabataang Pilipino (at maging sa matatanda na rin) ang hindi alam ang maraming salita sa wikang Filipino. Ang nakakalungkot pa roon, mas magaling pa tayong magsalita ng wikang banyaga (tulad ng wikang Ingles) kaysa pagsalita ng wikang Filipino, o kahit wikang bernakular man lamang. Kung minsan pa'y nakakaasar naman talaga.
Sana naman ay magkaroon na ng malakas na 3G signal sa kinaroroonan ko. Parang awa naman sana ng Smart Telecommunications. (At sana isalin naman nila sa wikang Filipino ang mga korporasyong Pilipino sa bansa.)

Martes, Disyembre 16, 2008

Lito.

Hindi ko na naman maintindihan ang aking sarili. Sa totoo lang, wala naman talaga akong iniintindi sa panahong ito. Ngunit sadyang lito lamang ako. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Marahil ay may gusto nga ako ngayong mga sandaling ito ngunit hindi ko talaga alam. Kung iyong mapapansin ay lagi na lamang akong ganito: nalilito at hindi alam ang gagawin. Marahil ay sadyang ganito na nga lang talaga ako. Pero sana naman, kahit papaano, ay lumigaya ako.

Lunes, Disyembre 15, 2008

Walang humpay na pag-ikot ng mundo.

Marahil ay mukhang marami akong bakanteng oras sa araw na ito ngunit napakaplanado na ng araw ko. Sa pagsapit ng 10 ng umaga, dapat ay nasa mall na ako upang mamili ng mga gamit ang ng bagay na ireregalo ko sa aking kaibigan (at hindi ko talaga alam kung ano ang dapat kong ibigay). Dapat ay nakabalik na ako ng 1.30 ng hapon dahil sa 3 ng hapon ay may papanoorin ulit akong event. Sa gabi ay dapat na akong mag-aral para sa aking nagbabadyang eksamen sa Nat Sci 2. Wala na nga siguro akong panahon pang huminga ng maluwag ngayong araw na ito.
Kagabi ay tinawagan ako ng aking kaibigan. Gabing-gabi na nang mangyari iyon at tila ay napakaingay ko sa aming kwarto. Natulog na ako ng 1 ng umaga para maaga akong makagising at para may tamang lakas pa ako para sa araw na ito.
Nasasabik na ako sa darating na pasko. Ang paskong ito ay kaiba talaga sa lahat ng paskong napagdaanan ko. Hindi ako uuwi sa amin. Kasama ng aking ina, ako ay magpapasko sa lungsod ng Pasig, kaya kung iyong mapapansin, nakalagay rin ang lungsod ng Pasig sa itaas. Hindi ko malaman kung magiging masaya ang pasko kong ito. Sina papa at ate ay maiiwan sa amin at wala akong ibang mapagpipilian kundi ang maging maligaya. Sana nga lang ay matupad lahat ng mga kahilingan ko. Ang dami kong gustong ipamili. Ang dami kong gustong gawin. Ngunit sana lamang ay tugunan na ng Diyos ang aking pinakamataas na kahilngan. XD

Biyernes, Disyembre 12, 2008

Pagtatakam sa Tsokolate.

Ako ngayon ay nahuhulog ang loob sa isang babaeng hindi ko naman lubusang kilala.
Batid kong hindi rin niya ako lubusang kilala.
Natutuwa lang talaga ako kapag nakikita ko siya.

Oo na, may crush na nga talaga ako sa kanya.
[At mabuti naman ay nakahanap na rin ako ng iba.]

Sa totoo lang, wala pa akong ibang nasasabihan tungkol rito.
Wala pang nakakaalam kung sino siya.
At marahil ay wala nga muna talaga akong ipapaalam.
Titingnan ko muna kung saan ako dadalhin ng kahibangang ito.

Sa ngayon ay natatakam ako sa chocolate cake.
Gutom na nga ako.
At hindi ko rin maintindihan kung bakit iniugnay ko sa tsokolate ang lathalaing ito.

Kanina lamang ay naiisip ko na ang aking kalagayan sa nagbabadyang bakasyon.
Hindi ko nga rin mahusgahan kung masama ba ito o maganda: ang mamalagi sa piling ng aking ina at tiyahin sa lungsod ng Pasig kesa umuwi at buong pamilyang magdidiwang ng kapaskuhan.
Hindi ko pa alam sa ngayon.

Pero ako'y nangangamba.
Baka mas lalo lang akong malungkot.
Baka hindi ko makuha ang mga bagay na hinihiling ko.
Ewan.

Isang maikling buntong-hininga.

Wala ako sa matinong pag-iisip ngayon. Mistula nga yatang hindi talaga ako nag-iisip sa ngayon. Wala akong alam. Hindi ko alam ang aking gagawin. isa na lamang akong maliit na hayop na parang daga na walang tigil sa pagtakbo sa loob ng isang gulong. Pabalik-balik na lang ako. Hindi ko na alam. Ewan.
Pagpasensyahan niyo na lang muna ako. :)

Lunes, Disyembre 8, 2008

Lagapak.

Matapos ko man marinig ang mga nakakainsulto at nakakatanggal-kaluluwang mga salita sa harap ng aking pagmumukha ay narito pa rin ako at bumabalik na naman sa dati kong mga pagkakamali. Marahil ay tanga na talaga ako at hindi na nga talaga natuto. Naiinis man ako ay parang wala na nga rin talaga akong magagawa pa. Sinasayang ko ang bawat pagkakataon at bawat bagay na naibigay sa akin. Kung pahihintulutin man nga ng Diyos, maaari na talaga akong ibitin patiwarik. Hindi ko na talaga alam ang dapat kong gawin. Marami na akong naging pagkakamali. At ang mga pagkakamaling iyon ay lagi ring nauulit. Naiinis na ako. Kung matutulungan mo ako, kung maaari lamang, tulungan mo na ako ngayon.

Sino ka na ba?

[isa itong handog sa aking unang naging kaibigan sa kolehiyo, na ngayon ay mistulang hindi ko na nga talaga kilala pa.]

Aking binibini, sino ka na ba?
Hindi na kita kilala.
Hindi mo na ako nilalapitan pa.
Hindi mo na nga ako kinakausap pa.
Marahil ay naninibago lamang ako.
Ngunit hindi na talaga kita kilala pa.
Wari'y dapat na kitang layuan.
Marami ka namang mga bagong natagpuan na mga kaibigan e.
Marahil nga ay mas may silbi pa sila sa iyo kesa sa akin.
Pero basta.
Bahala ka na.
Sino ba naman ako, hindi ba?

Sabado, Disyembre 6, 2008

Kakulangan [sa pera at pagkain].

Ako ngayo'y inaatake ng matinding gutom. Naubos ko na ang kakabili ko lamang na croissant ngunit hindi ito sapat para pawiin ang aking nararamdaman. Hindi ko maintindihan. Ako'y sadyang gutom.
Nitong linggo ay ang dami talagang naganap sa akin. Nakapasa ako sa eksamen sa Sigaw (opisyal na dyaryo ng Kalayaan) bilang pangalawa at napasok ang ginawa kong disenyo ng t-shirt (para rin sa Kalayaan) sa tatlong pinakamagagandang disenyo.Bukod pa doon, marami pa akong natanggap, mapabalita man lang o kung ano pa.
Biyaya nga sigurong maituturing, ngunit bakit hanggang ngayon ay ramdam na ramdam ko pa rin ang kakulangan sa aking sarili na tuluyan pa ring gumugulo sa akin?
Hindi ko talaga maintindihan. Wari ay ito na ang tanging bagay na bumabagabag at babagabag pa rin sa akin sa paglipas ng panahon.
At ngayon naman ay tinatamad ako. Hindi ko malaman kung ano ang aking kailangan. Ewan. Bahala na.

Huwebes, Disyembre 4, 2008

Biglaan.

Kung iyong mapapansin, masyado na akong nagiging emosyonal at tahimik ngayong linggo. Hindi ko naman alam kung bakit. Marahil ay dahil naghihintay ako ng kasagutan mula sa Diyos. Pero sa gitna ng aking kalungkutan ay may mga regalong ibinigay sa akin ang Diyos. At biglaan ito.
At hindi ko alam kung saan ako magsisimula.
Noong isang gabi ay pinaramdam ko sa isang (malapit ngunit hindi naman talaga) kaibigan ang aking pagkainis sa kanya dahil pakiramdam ko naman ay inaabuso lang niya ako. Kung baga, Kung hindi ako laptop sa paningin niya ay mukha naman akong printer. Bilang mabawi ang kanyang naging 'kakulangan', nilibre niya ako kahapon. Ayos na rin ako sa kanya. Alam ko namang maaari ulit akong mainis sa kanya, ngunit sadyang ganoon na nga talaga ang buhay ko kaya't mabuti pa ay hayaan ko na lang ito.
Kagabi naman ay tuwang-tuwa ako sa reaksiyon ng isang tao (at sana naman hindi niya ito mabasa). Simula na naman ba kaya iyon? Natutuwa ako. :)
Kagabi rin ay nakausap ko ang aking ama at pumayag siyang bilhan ako ng Smart Bro Wireless Prepaid sa Enero ng susunod na taon (ngunit yun ay kung may pera nga). Natuwa ako dahiil kahit papaano ay pinaliligaya (at pinaaasa) ako ng aking ama, hindi tulad ng aking ina na masyadong praktikal at hindi binibigyan ng konsiderasyon ang aking mga kagustuhan at pangangailangan sa aking sarili.
Kanina naman ay bigla ko na lamang nakita ang aking pangalan na nakaimprenta sa isang papel na nakalagay sa labasan. Nakapasa ako sa eksamen para sa Sigaw na nangyari noong huling linggo (at hindi ko naman talaga alam kung ano na ang mangyayai niyan at nakapasok ako). Natutuwa pa rin ako.
Ang daming biyaya na binibigay sa akin ngayon ang Diyos. Natutuwa talaga ako. Nagagalak ako. Sobra. :)

Miyerkules, Disyembre 3, 2008

Ang patuloy na pagsunod sa isang nakaraang nais mabago.

Ako marahil ay naiinis sa ngayon (pero noon pa man) dahil sa taong ito na nag-uugnay sa aking malayong nakaraan at sa aking malabong kasalukuyan.

(AT SANA HINDI MO ITO MABASA.)

Hindi ba dapat siya ang maging lagi kong kasama dahil siya lang ang kilala ko sa mundong aking kinagagalawan? Hindi ba dapat ay ---

Teka nga. Mukhang nabubulag na ako ng mga bagay na nais kong mangyari.

Nais kong muling maiugnay ang sarili ko sa iyo. Nais kong maging malapit sa iyo.
Ngunit ika'y sadya pa ring malayo.

Ikaw na tinuring kong best friend noong tayo'y wala pang ipinagkaiba sa mga musmos na bata ay hindi na ako kilala ngayon.
Hindi naman kita masisisi.
Wala namang may kasalanan sa nangyari (at hindi rin naman talaga iyon maituturing na kasalanan).

Pero, ang saklap hindi ba?
Hindi ko alam. Sa totoo lang ay nalilito pa rin ako hanggang ngayon.

Bakit?
Marahil ay dahil pilit kong ibinabalik ang kanyang dating sarili sa kasalukuyan kung saan hanggang sa mga tingin, na hindi maipaliwanag kung ano ang ibig sabihin, na lang ang aming komunikasyon.

Hindi ko siya maintindihan. Alam ko rin na hindi niya rin ako maintindihan.
Marahil ay kahit ikaw: hindi mo rin ako maiintindihan.

Hindi ko alam ang dapat kong gawin.
Pakiramdam ko ay may posibilidad pa rin na mangyari ang aking nais.
Ngunit batid kong sadyang mahirap nga ito.

Iba na siya.
Hindi ko na siya kilala.
Hindi na siya ang dating taong nagsilbing kaibigan ko na laging nariyan para sa akin.

Marahil ay dapat ko na siyang kausapin at iugnay muli ang aking sarili.
O baka naman dapat ko nang kalimutan ang kahibangan na ito at manatili sa mundong dapat kong kalagyan.

Ngunit bago ko pa man dumating ang sagot sa dapat kong gawin, patuloy muna akong susunod sa nakaraang nais kong mabago - at balikan.

Linggo, Nobyembre 30, 2008

Sa aking pag-iisa.

Narito akong muli sa Gloria Jean's Coffees (The Block) upang uminom ng mainit na tsokolate at mag-internet ng bonggang-bongga. Magtatanghali pa lang ngayon.Hanggang sa mga oras na ito ay wala pa rin akong maayos na almusal o kahit tanghalian na man lang. Nagising ako ng 9.00 ng umaga. Binalak ko talagang pumunta ng maaga sa SM City North Edsa dahil magpapakita ang tanging paborito kong pusa sa balat ng lupa - si Doraemon. Free admission nga, ngunit dahil ako'y nag-iisa lamang at ang karamihan ay nasa iba't ibang mall upang manood ng Twilight. Naiinis na naman ako sa buhay kong ito. Hanggang ngayon ay mag-isa pa rin ako. Nasa kolehiyo na nga lang ako ay nag-iisa pa rin ako. Naiinis ako. Nakakalungkot. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Kung alam mo, parang awa mo na, tulungan mo ako.

Biyernes, Nobyembre 28, 2008

Sa ibabaw ng mga dahon ay may kalangitang matatanaw.



Sa ngayon ay muli na naman akong tumatambay sa UP Computer Center. Wala lang. Pwede na ulit akong mag-friendster dito dahil 5.00 na ng hapon. Ang litrato sa bandang kanan ng akdang ito ay ang tanawin sa may Bulwagang Melchor at Bulwagang Gonzales. Kinunan ko ang litratong ito noong Martes, at kung maaalala mo ay iyon yung nasa lathalain kong 'Ang Aking Pagkamangha sa Himpapawid'. Nilibot ko sa araw na iyon ang Academic Oval at nagnilay-nilay, matapos kong kausapin ang Diyos sa Sunken Garden. Nakakamangha ang tanawing ito. Natutuwa ako dahil ang ganda talaga niya. Marahil ay marami pang ganito kung saan-saan (at naaalala ko rin na may ganito rin sa paaralan ko noong ako ay hayskul pa lamang) ngunit hindi naman talaga natin gaanong napapansin. Siguro nga ay panahon na upang magmasid tayo sa ating kapaligiran at silayan ang mga nakakatuwa at nakakamanghang bagay na mumunti lamang ngunit isa nga palang malaking biyaya. Sana lang ay lagi natin itong maalala. Naiisip ko na naman ang mga ganitong bagay, marahil ay dahil na rin sa muli kong pagbasa sa akda ni Antoine de Saint Exupery na The Little Prince. Sabi ko nga sa aking sarili, kapag ako ang naging presidente ng Pilipinas, dapat ay mabasa ito ng bawat Pilipino. Bakit? Dahil itong libro lang naman ang nakapag-udyok sa akin upang managinip at umambisyon. Isa itong magandang bagay, sa aking palagay. At mukhang wala na akong ibang masabi pa. Nawalan na ako ng mga ideyang ilalagay pa sa lathalaing ito. :)

Isang Paghihintay.

Sa semestreng ito, ganito na nga dapat ang aking buhay tuwing Miyerkules at Biyernes.
Sa ngayon ay hindi pa ako nakakapag-almusal.
Nagising na ako ng 6.14 ng umaga, ayon sa aking cellphone.
Nasilayan ko ang aking roommate na buksan ang ilaw, dahil siya ay magbabasa.
Wala naman akong problema sa pagtulog ng may ilaw o wala.
Sa katunayan, gustong-gusto kong matulog na hindi nakapatay ang mga ilaw.
Napansin kong siya'y lalabas upang kumain na.
'Ang aga naman.' naisip ko.
Pero oo nga naman, maaga rin pala ang una niyang klase.
Ako naman, matagal pang aalis.
Natulog akong muli.
Nagising ulit ako dahil sa alarm ng aking cellphone.
Hindi ko na pinalitan pa ang oras ng pag-alarm nito.
Araw-araw na nga yata akong nagpapagising ng 7.00 ng umaga, o matagal-tagal pa.
Tulad ngayon, matagal nga talaga akong gumising.
Batid kong wala na ang aking roommate sapagkat mayroon na siyang klase.
Mabuti pa siya.
O marahil, mabuti pa ako.
Nakatulog akong muli, tulad ng dati, dahil minsan ay 7.30 na ako ng umaga lumalabas ng kwarto upang mag-almusal.
Ngunit ngayon ay iba.
Siguro dahil sadyang nakaramdam ako ng matinding pagod kahapon, nagising na ako na malapit nang mag-8.00 ng umaga.
Naisip ko na hindi na ako makakahabol pa sa almusal.
Kaya naman humiga muna akong muli.
Hindi ko alam ang dapat kong unahin.
Ngunit ako'y naligo na lang muna upang matino na akong makalabas ng dormitoryo upang bumili ng croissant para sa aking almusal.
Pagkatingin ko sa tindahan, wala pa ang croissant na madalas kong ginagawang almusal kapag hindi ako nagising ng maaga.
Kaya bago pa man ako madatnan ng gutom ay dumeretso na ako sa internet cafe at kasalukuyang nagta-type ng lathalaing ito.
Nakakabagot nga naman talagang maghintay.
Ewan ko ba kung bakit.
Ayos na rin siguro sa akin na 11.30 pa ang simula ng aking klase.
Mayroon akong mahabang paghahanda.
Ngunit sa ngayon ay sadya lamang akong tinatamad upang maghanda at mag-aral.
Pangako, mamayang gabi ay mag-aaral na talaga ako.
Kailangan kong pagbutihin ang pag-aaral ko.
Mahirap nang bumabang muli ang grado.

Huwebes, Nobyembre 27, 2008

Ano Ako?

Kaninang hapon, nang ako ay naglalakad patungong Palma Hall, napansin ko yung damit ng isang babae na dumaan sa direksiyong kaiba sa tinatahak ko.
(Mahilig lang rin talaga akong tumingin ng iba't ibang damit.)
Nakasulat sa kanyang damit ang mga katagang 'Bicolano ako'.
Kung makikita mo rin itong damit na ito, mapapansin mong nakapula ang 'ano ako'.

Bicolano
ako
Ganyan ang kaniyang itsura.
Sa pagkakakita ko nito ay tumatak sa akin ang mga salitang 'ano ako'.
Tamang tama nga naman, dahil ang aming paksa kanina sa Sosyolohiya 10 (na susunod kong klase nung makita ko ang damit na iyon) ay 'Who Are You?' o 'Sino Ka Ba?'.
Nakakatuwa naman iyon.

Ngunit naisip ko lang, hindi ko pa kilala ang aking sarili.

Sino ba ako?
Ano ba ako?
Ano ba ang halaga ko sa mundong ito?

'Ika nga nila, ito na ang tinatawag na identity crisis.
Hindi ko naman masyadong iniintindi ang sinasabi nilang identity crisis ngunit nangangamba lamang ako para sa aking sarili dahil kahit ako man ay hindi pa lubusang kilala ang sarili.

Marahil ay dapat na maglaan na ako ng oras hindi lamang para sa aking sarili, ngunit para alamin ko ang aking sarili.
Bakit?
Dahil sa totoo lang, naguguluhan na ako sa mga nangyayari.
Hindi ko alam kung wala lang ba talaga akong pakialam sa mga bagay-bagay o kaya'y takot lang akong ilabas ang aking saloobin.
Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong nagugustuhang babae. :)
Hindi ko alam kung bakit masyado na akong nagiging magastos, ngunit hindi naman talaga ako makapaglaan sa mga bagay na gustong gusto ko.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin.
Hindi ko alam.
Sa salitang kolokyal, ewan ko.

Ano Ako?
Sino Ako?

Kaibigan, hindi ko pa talaga alam.

Miyerkules, Nobyembre 26, 2008

ang aking pagkamangha sa himpapawid.

Kahapon ay muli kong sinubukang hanapin ang aking sarili.
Nakakatawa man itong pakinggan, waring ako nga ay nawawala sa sarili.
Matapos ang aking klase ay nalakad-lakad muna ako.
Sa totoo lang, minabuti ko nang hindi umuwi agad dahil baka makaladkad ako ng mga kaibigan ko sa dormitoryo sa kanilang pupuntahang engkwentro.
Marahil ay ayoko nga.
O baka hindi lang talaga ako handang mahimatay sa oras na mahawakan na ako ng pastor o kung sino man iyon.
Hindi ko pa gusto ang ganoong bagay.
Sa aking pag-iisa ay gumawa ako ng sarili kong 'divine intervention'.

Umupo ako sa damuhan at tumingin sa aking paligid.
Batid kong silang lahat na naroroon ay may mga kasama, at tila ako lamang ang mag-isa.
Ngunit alam kong hindi ako nag-iisa.
Kausap ko sa hapong iyon ang Diyos.

Nilabas ko si Mixo, ang aking kwadernong pampersonal, at doon ako ay nagsulat.
Kausap ko nga ang Diyos sa hapong iyon.
Ang sabi ko sa kanya, "Gusto ko ng makakasama, yung totoo, yung tao, yung katulad ko."
Ngunit hindi ko malaman kung ano ang kanyang sinagot.
Hindi ko nga rin alam kung sinagot nya ba talaga iyon.
Ilang sandali pa ng pagmumuni-muni ay winika ko, "Alam ko pong may panahon Kayo para sa aking hiling. Pero sana po ibigay Niyo na sa akin ngayon din."
Sa isip ko ay parang ginawa kong Genie ang Diyos.
Ngunit alam kong mayroon siyang sagot na nakalaan para sa akin.
Hindi ko lang malaman kung kelan iyon.

Naniniwala pa rin ako sa sinabi sa akin ni Marjorie noong kami ay nag-retreat.
"Alam ni God ang pangangailangan mo. Ibibigay Niya sa iyo ang lahat ng kailangan mo, pero baka hindi pa ngayon, baka in His time."
Marjorie, salamat.
Naniniwala pa rin ako.

Sa totoo lang, ngayong Linggo lang ako muling nakapagsimba,marahil matapos o bago pa man ang huling eksamen namin sa Matematika.
Ngunit sinisikap ko namang kausapin ang Diyos bago ako matulog, o kahit habang naglalakad ako o nakaupo.

Pero hindi naman Siya isang Genie.
Meron Siyang sarilig oras.
Oo nga naman.
Kahit ako man ay may sariling oras para sa Kaniya.
Sino nga ba naman ako, hindi ba?
Marahil ay tuldok lamang ako sa planetang ito, ngunit kahit mga tuldok lamang ay gugustuhing may makakasama. (Ang labo!)

Bago pa man maging isang malaking biruan ang aking akdang ito, tatapusin ko na siya ngayon.
Salamat sa pagbabasa. :)

Lunes, Nobyembre 24, 2008

Sa madilim na sinag.

Ang litratong ito ay kinuha kahapon, sa bulwagang Quezon, habang kami ay nagpapahinga mula sa aming paglalakad mula sa Philcoa patungo sa loob ng Unibersidad. Kahapon rin ay nanggaling kami sa Fairview/Novaliches upang magliwaliw.
Kahapon ay araw ng Linggo, at ako ay sadyang naipit sa dalawang gawain. Ang una ay ang pananghalian sa isang kainan sa kahabaan ng Katipunan kasama ang mga kaibigan. Ang pangalawa naman ay ang pagliliwaliw sa SM City Fairview. Medyo nagsisisi nga naman talaga ako kung bakit ang pagliliwaliw mismo ang pinili ko.
Una sa lahat, sadyang napakamahal naman kasi ng pananghaliang gusto ng aking mga kaibigan at mukhang masama naman sa aking loob na gumastos ng isang daan at mahigit para lamang sa isang pananghalian. Hindi ko pa kayang bumili ng makakain sa halagang katumbas ng panonood ng sine dito sa Maynila. Mukhang ayos na rin lang naman na nagliwaliw na lang ako. Nadiskubre ko ang mga lugar na hindi ko pa napupuntahan, at ngayon alam ko na kung gaano kadelikado ang mga ito. Sabi ko nga kahapon, sa susunod ay magma-Makati na lang kami.
Bumili ako ng maliliit (tigdalawahan kasi) na mga asong kulay kayumanggi na pwedeng isabit sa kung saan-saan. Kinagabihan, binigay ko ang isa (dahil aanhin ko naman ang dalawa?) sa aking roommate.
Bumili rin ako ng isang maliit na keychain ng Rubik's Cube, dahil nasira (hindi naman talaga nasira; binalatan ko lang talaga iyon) iyong dati kong keychain.
Gusto kong bumalik dun sa litrato. Nakakamangha ito dahil nung kinunan iyon ay balot na balot ng maiitim na ulap ang kalangitan. Laking bigla ko nang makita ang kinalabasan ng litrato. Ni hindi ko masilayan ng tama ang aking mukha. Kung baga, ako ay nagmistulang multo (o anghel kaya?) sa larawang ito. Kulay rosas ang damit ko riyan ngunit sa kakaibang lighting ng kalikasan ay nagkaroon agad ng instant special effects ang aking litrato. Nakakatuwa lamang iyon isipin.
Nakamamangha.
Ngayon ko lang naisip na kahit gaano pa kadilim ang kapaligiran, may sinag pa ring lilitaw na siyang magbibigay liwanag sa madilim mong mundo. :)

Ang pagbagsak ng ulan sa ibabaw ng lupa.

Sa ngayon ay bumubuhos pa rin ang ulan sa buong ka-Diliman-an.
Kasama ko ang isang kaibigan na makulong sa tambayan sa harapan ng isang dormitoryo.
Wala kang rehas na matatanaw sa paligid ngunit pinapalibutan kami ng isang malaking dingding ng tubig-ulan.
Wala rin kaming dalang payong.
Humihina ang ulan at bigla na lamang lalakas.
Unti-unti na ring nababasa ang aking laptop.
Hindi ko na alam ang dapat kong gawin.
Wala kaming panangga sa malakas na ulan.
Sa madaling salita, na-stranded kami sa ilalim ng atip ng isang hapag na kinabitan ng dalawang pahabang upuan.

Batid kong uulan nga ngunit sa pag-aakala kong sa dilim pa babagsak ang mga ulap, malakas ang loob kong hindi magdala ng payong, o kahit ang lalagyan man lang ng aking laptop.
Para sa akin, isang delubyo na ngang matatawag ang insidenteng ito.
Palagay ko ay matatagalan pa kami sa kulungang ito, hangga't hindi pa tuluyang tumitigil ang pagbuhos ng ulan.
Hihintayin ko na lamang ang sandaling iyon.