Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Sabado, Enero 31, 2009

Dampi ng Pebrero.

ALERTO: Gusto ko nang magkaroon ng kasintahan. Ngayon na. ^^

Bukas ay Pebrero na. Sinabi ko pa naman sa sarili ko na ang unang araw ng Pebrero ang magiging unang araw ng AKING taon.

At ano naman ang gagawin ko sa bago kong taon?

[Tentative Schedule lamang ito.]

Pebrero 1:
pupunta ng SM North Edsa
mamimili ng mga gamit
titingin ng pwedeng ipang-wacky day
mananaghalian sa Mang Inasal
magsisimba sa Parish of the Holy Sacrifice (dapat unahin ko muna ito hindi ba?)
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 2:
makikipagkita sa mga kagrupo sa debate
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 3:
hindi magdadala ng pitaka
magdedebate sa Sosyolohiya 10
magsusulat ng notes
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 4:
dadalo ng ACLE (Alternative Classroom Learning Experience)
muling hindi magdadala ng pitaka
magsusulat ng notes
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Pebrero 5:
magsusulat ng notes
mag-aaral
gagawa ng mga paperworks

Ay naku. Pare-pareho na lang. Bahala na nga. Haha. ^^

Tundong.


Tundong, isang maikling pelikulang malaya ni Liryc Dela Cruz.

Hindi ko siya kilala, ngunit kilala ko yung isang babaeng naroroon sa pelikula: si Marikit Rojas Lizardo (slash.... never mind.) na kaklase ko noong elementarya't hayskul at matagal ko na ring malapit na kaibigan.
Kaninang hapon ay sinabi niya sa akin na panoorin ko raw ito. Hindi naman sumagi sa isipan kong naroon pala siya.
Artista talaga.

Ayon sa kanya, ipinalabas raw ang Tundong sa UP Cine Adarna noong ika-17 ng Enero. Hindi naman kasi ako masugid na manonood doon kaya't hindi ko alam. Nakakatuwa naman.
Nanalo ang pelikulang ito ng Bamboo Award mula kay Kidlat Tahimik at Best Musical Score Nominee, ayon na rin sa nakalagay na impormasyon sa kanilang You Tube site.
Maganda ang pelikula, kahit maikli lamang ito at kahit wala itong ipinadinig na dayalogo. Nanatiling epektibo ang bawat galaw ng mga tauhang hindi ipinakilala. Ngunit sa kabila naman noon ay nakilala naman natin ang isang parte ng pangunahing tauhan.

Ang pangunahing tauhan ay isang babaeng muslim, na tila ba'y ikinakahiya ang pagsuot ng tundong, ang pantakip sa buhok at ilang bahagi ng ulo ng mga babaeng muslim. Marahil ay matatalakay rito ang usapin ng diskriminasyon sa pagitan ng mga relihiyon, lalo na't higit na kapansin-pansin ang mga pamayanang Kristiyano sa isla ng Mindanao. Nakakalungkot ngang isipin sapagkat nangyayari talaga ang mga ganitong sitwasyon sa mga mamamayang Muslim sa Pilipinas. Kesyo ganito, kesyo ganyan. E ano naman? Walang dapat mamuong kaibahan kung ang isang babae man ay may gayak na tundong o wala. Ang pagiging mamamayan ay wala sa kaibihan sa relihiyon, o sa itsura o sa kung ano pa man. Sa totoo lang, wala dapat mamayaning kaibihan.

Miyerkules, Enero 28, 2009

Saglit lang.

Kung paano siya dumating sa buhay ko, ganoon na rin lang siya umalis: biglaan.
Nang iwan niya ang kanyang huling tapak sa aking buhay, hindi man lang ako nakabanggit ng "saglit lang!"
Bigla na lang siyang umalis na parang isang bagyong napadaan lamang sa tuyong-tuyo na lupa.
Hindi man lang siya nagpaalam.
Gano'n na lang iyon.
Lumisan siya matapos niya akong pagalingin sa isang sakit na matagal kong pinagdusahan.
Hindi ko alam kung ano ang nais niya pero ako lamang ay nalulungkot.

Martes, Enero 27, 2009

Umaga sa ilalim ng mga ulap.

Isa itong pangarap na nais kong mangyari: walang humpay na internet connection.
Ngunit ngayon ay gamit ko lang ang aking Smart Bro Wireless Prepaid. Ay.
Ang sarap sa pakiramdam na makapag-internet ng ganito kaaga. Wala lang. Masarap lang.
Kaso malamig. Hindi ko malaman kung anong nararamdaman ko. Malamig nga lang.

Lunes, Enero 26, 2009

Pagliban sa isang tungkulin.

Kung Hei Fa Cai!

Ngayong araw ay ipinagdiriwang ng ating mga kaibigang Intsik o Tsinoy ang pagpapalit ng taon sa kanilang kalendaryo. Ang taong ito ay sinasabing taon ng Ox (ngunit nakalimutan ko kung anong klase. Parang earth ox yata.) at medyo maswerte raw ang mga Gemini na katulad ko. Sana nga.

Kaninang umaga ay ginanap ang aming eksamen sa Math 100. Ewan ko. Sumakit nga yung ulo ko dun eh.

Kanina naman ay pumunta kami (ako, si Gilbert, at si Christopher) sa SM Mall of Asia bilang bahagi ng isang reward system. Ngunit naubos nga talagang tunay ang pera ko sa reward system na iyon.

Kahapon kasi ay nag-almusal ako sa McDonald's Trinoma at napabili na rin ako ng librong nagkakahalagang 350 piso. E kakasabi ko lang noon na ang bibilhin ko ay hindi dapat lumampas ng 200 piso. At kakasabi ko lang din noon na hindi ko gaanong gusto si Jessica Zafra. Ngunit ang binili ko ay ang The Flip Reader, inedit ni Jessica Zafra na may foreword pa ni Jaime Augusto Zobel de Ayala.

Sayang nga lang at hindi namin nakita ang naganap na annular solar eclipse kaninang hapon.

Hindi ko na alam. Tila ba isang sakit ang mabilisang pagkaubos ng salapi. Pero dapat ngayong bagong taon, matapos na ang pagpapaliban ko sa bawat tungkulin. Dapat ay nakatutok na ako sa aking mga dapat gawin, sa mga ambisyong pilit kinakamit. Siguro nga ay panahon na ng isang bagong simula.

Sabado, Enero 24, 2009

Baboy sa kawalan.

Isang baboy sa kawalan ang siyang napadaan sa aking mundo.
Isa siyang baboy na

mataba
maitim
malandi
mayabang
mataray
mapapel
mapang-abuso
mahilig mang-iwan
walang pakialam
walang kwenta.

Ano pa ba ang silbi ng baboy na ganito?
Ang dapat sa kanila,

binabalatan
tinutuhog
kinakatay
hinihiwa sa leeg
binubuksan ang tiyan
sinusunog
nililitson
nilalaga
pinapakulo
tinatanggalan ng mata
inaalis ang batikolon
ginagawang sinigang
sinasahog
pinapatay.

Pasensya na. Batid kong masidhing galit ang naipapakita ko ngayon. Ako lamang ay naiinis sa isang kaibigang lumalapit lamang sa akin kapag may kinakailangan.
Para saan pa ba ang isang "kaibigang"

abusado
nang-iiwan
manggagamit
manloloko
walang hiya.

Ang dapat sa kanya, ewan ko. Baka kung ano pa ang masabi ko. :D

Biyernes, Enero 23, 2009

Muling pagtanggi sa init ng panahon.

Hindi ko mabatid kung bakit ganito ang aking nararamdaman. Tila ba isang malaking kumot ng init ang bumabalot sa aking katawang nanlalamig na.Ako'y tinataklob sa isang espasyong mainit, masakit, mahapdi. Ang mga sugat sa aking balat ay unti-unting napapaso, na para bang preskong karneng niluluto sa isang kawaling puno ng kumukulong mantika. Kulang na lang siguro ay mabuhusan na ako ng mainit na tubig habang ako'y nagugulumihanan. Ayoko na, sabi ko sa aking sarili. Hindi ko mawari kung ano ang dapat kong gawin. Hindi ko matanto kung ano ang dapat isipin. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Hindi ko maramdaman ang pakiramdam na dapat kong maramdaman. Marahil ay nagmimistula akong mainit na aspaltong ibinubuhos sa isang uhaw na kalsada sa tabi ng plantasyon ng isang libong pinya. Baka naman ako ay ang napapasong metal na pilit tumatayo sa ilalim ng araw upang maipakita ang malaking patalastas ng nag-iinit na kape. Para na akong bagang malapit nang maging abo sa pagliyab ng apoy upang maluto ang hinihintay na isang pirasong galunggong na paghahatian ng isang pamilya. Sana naman ay lumamig muli. Nag-iinit ang aking loob. Pakiramdam ko'y magkakalagnat na ako. O 'di kaya'y ako'y bigla na lamang mahihimatay sa gitna ng daan dahil sa sobrang sakit na nararamdaman.

Martes, Enero 20, 2009

Pera.

Kung bakit ba ay kailangan pa ng tao ang magkapera, iyan ang malaki kong problema.

Kumbaga, financially challenged ako.
Halos wala na akong pera sa ngayon. Walang laman ang aking pitaka.
Kailangang maghigpit. Kailangang mag-ayos.

Maraming kailangang bayaran.
Maraming kailangang gawin.
Maraming kailang paigtingin.

Kung kahapon (o noong isa pang araw) ay tinamaan ako ng matinding kalungkutan, ngayon naman ay tinamaan ako ng matinding kawalan.

Pakiramdam ko ang sama ko na.

Tatlong damit ang binili ko sa loob ng isang linggo.
Marami rin akong nagastos para sa pagkaing hindi ko naman talaga kailangan.
Basta, marami akong ginastos.
Yun yun.

Ewan ko ba.
Kelangan ko ng tulong.

Lunes, Enero 19, 2009

Paglingap.

Isa itong pagmamadali sapagkat mauubusan na ng enerhiya ang aking laptop.

Ang tindi. Akala ko kanina ay guguho na ang aking mundo.
Wala akong pera.
Tumambad sa akin ang aking mga utang.
Tumambad sa akin ang mga requirement, eksamen, asignatura.

Akala ko ay mababaliw na ako sa sobrang depresyon.
Ngunit hanggang ngayon ay depressed pa rin ako.
Tila ba'y may nagawa akong isang malaking kamalian.
Isang malaking kawalan ang naganap sa aking buhay.
Ewan ko ba.
Gusto ko nang masabit patiwarik.
Gusto kong magpahinga ngunit wala talaga.

Walang nangyayaring maganda.
Kelangan ko ng isang malaking tulong.

Linggo, Enero 18, 2009

Problema.

Malaki ang aking problema.
O hindi kaya'y marami akong problema.

Wala na akong pera. (Naghihirap na talaga ako!)
Hindi ko pa nababayaran ang 90 piso kong utang kay Chin Rivera para sa load pang-internet.
Hindi pa ako nakakapagbayad sa kontribusyon namin sa grupo ng aming rehiyon para naman sa naganap na Pasa Fest. [At wala pa akong pambayad sa inyo! XD]
Nakautang ako kay Pie Dellosa ng 50 piso dahil naenganyo akong bumili ng damit sa The Perfect White Shirt.
Malabo akong mapadalhan ng pera ngayong linggo.

Hindi ko na alam ang dapat kong gawin.

Hindi pa ako nakakapagsimulang mag-aral muli.
May eksamen kami sa Nat Sci 2 sa darating na huwebes.
Nalulungkot ako. [sapagkat wala pa rin akong matalik na kaibigan]
Wala pa rin akong nililigawan. [Problema ba iyon? XD]
Hindi ko pa ginagawa ang mga bagay na dapat kong gawin.

Hindi ko na talaga alam!
Kung maaari, tulungan mo ako. Sige na naman o.

Sabado, Enero 17, 2009

Tinta sa hangin.

Ngayon ay pinipilit kong maging malapit sa 'yo. Sadyang hindi ko alam kung bakit ganito ang nangyayari. Wala akong alam. Pasensya ka na.

Biyernes, Enero 16, 2009

Pagbabalik.

Muli ko na namang binuksan ang aking Facebook at Plurk account matapos ang humigit-kumulang isang buwan ng hindi pagbukas nito. At ngayon, nakakapagod silang i-manage ngunit mukhang ayos lang rin naman. Sayang naman yung mga account ko, hindi ba? Hay naku. May gagawin pa pala ako. Hindi ko pa nasusulat ang aking takdan-aralin sa Matematika. Ano ba naman yan. :D

Miyerkules, Enero 14, 2009

Bidyo.


Nakakatuwa naman. Tawa ako ng tawa ng nakita ko ito sa unang pagkakataon.
[Nais ko nga palang magpasalamat sa aking kaibigang si Edward Yee para sa kanyang handag na ringtone nito at sa isa pang remix na inilathala niya sa kanyang blogsite.]
Hindi naman sa dapat ikutya ang naitanghal na Binibining Pilipinas '08, ngunit naging maugong ang kontrobersiya ng kanyang pagkapanalo, lalo na't natatangi siya sa mga manlalahok sapagkat tunay ngang nakakatuwa (o minsan pa'y nakakatawa) ang kanyang pagsagot. Kapansin-pansin ang kanyang mala-carabao english na siya namang naging trademark ng mga Pilipino, pati na rin ang paggamit ng wikang taglish. Maaari na hindi naging maayos ang edukasyong natamasa ni Janina [kahit na UE pa ito, malay natin.] at tila ba'y mahinang repleksiyon lang ito ng mababang kalidad ng edukasyon na natatamasa ng mga mag-aaral sa kani-kanilang mga paaralan, lalong lalo na sa mga remote area. Maaari ding tingnan ang punta ng kaniyang pagiging confident at baguhan sa isang patimpalak. Maaari namang may angking talino talaga siya at natameme lamang doon. Maging ano pa man, nanalo na siya. Hayaan na natin ang naging desisyon. [Total naman, hindi naman siya ang nagrepresenta sa Miss World sapagkat namatay ang kanyang lola noon.]
Beauty with a purpose. Haha. XD

Martes, Enero 13, 2009

Iritable.

Naiinis ako ngayon sapagkat sadyang nagbabagal ang aking koneksyon sa internet. Kung anu-ano nang klase ng pagmumura ang nababanggit ko dito sa aking kwarto. Mabuti na lamang ay tulog na aking roommate at malamang sa malamang ay hindi niya ako maririnig.Kulang na lamang ay umiyak na talaga ako dito dahil sa sobrang pagkamuhi. Nakakainis talaga sapagkat magtatalong oras na akong naka-connect sa internet gamit ang aking Smart Bro at mabagal talaga. Puno na nga yung signal nito ngunit mahina talaga yung rate ng koneksiyon. At ngayon lang ito nangyari. At sampung litrato pa lang ng Pasa Fest ang aking na-upload sa aking Multiply site. Nakakaasar dahil sinisira nito ang plano ko. Nagpaload na ako ng sandaan para marami pa akong magawa sa internet! Walang hiya talaga. Naaasar ako.

Lunes, Enero 12, 2009

Sandaling Kapayapaan.

Iyon ang kailangan ko. Matindi ang aking pagkapagod at marami pa rin akong mga bagay na dapat gawin. Pagkatapos ng linggong ito ay gugustuhin ko nang gumapang at maibitin patiwarik. Ewan ko ba. Susubuikan ko ang reward system na binabanggit ni Gilbert. Matapos ang aking eksamen sa Bio 1 ay mag-iinternet ako kinagabihan para i-upload ang mga litrato namin noong Pasalubong Festival sa aking Multiply site. Kani-kanina lamang ay pinadala ko na ang order form sa universiteeshirts. Sa ika-20 ng Enero ay makukuha ko na ang bibilhin kong iamoble shirt. hindi na ako makapaghintay. :)
Ngunit sa oras na ito ay kailangang kailangan ko talaga ang sandaling kapayapaan. Sadyang napakasakit na ng aking katawan at ang aking ulo ay sumasakit na rin. Hindi ko na alam ang mangyayari sa akin. Ewan ko na ba. Sana nga ay maging maayos rin ang lahat.

Linggo, Enero 11, 2009

Tulirong-tuliro.

Nakakaasar.
Ako na nama'y nakararanas ng matinding sakit ng katawan: sa bandang likuran at sa mga braso.
Tila ba'y nag-physical fitness test ako. Doon lamang naman yata ako nakararanas ng ganito.
Ngunit ngayon, ako'y tulirong-tuliro. :)
At wala na akong ibang masabi.
Nawalang bigla lahat ng iniisip ko.

Tuliro.

Nagkaroon na naman ng isang pagtatagpo.
Ngunit ito'y nasa ibang panahon, sa nagbagong persona.
Ito'y pagtatagpo ng dalawang taong nawalan ng alaala.
Siguro nga ay ganoon na lamang iyon.
Matagal na siyang nawala.
At bigla-bigla na lang kaming ipinagtagpo ng tadhana.
Ano naman ngayon?
Nakakatuwa na sana.
Kaso hindi ko na siya kilala.
Hindi na niya ako maalala.
Tila ba nagsisimula kami sa blankong papel,
isang papel na walang simula, walang katapusan;
isang pagkakataong walang nakaraan, walang hinaharap.
Tila ba kami ay nakapaloob lamang sa isang sandali.
Ngunit marahil ay matatawag iyong saglit, sapagkat napakabilis ng mga nangyari.
Wari'y bigla lang kaming magkakilala sa maikling panahong iyon, ngunit walang bukas na nagbabadya.
Subalit hindi naman rin masasabing waring magkakilala kami sa sandaling iyon.
Ramdam ko pa rin ang pagkailang, ang pagbabago.
Ngunit hindi ko naman siya matanto.
Hindi ko maramdaman ang ibig niyang ipaalam.
Hindi ko nga malaman kung may ibig nga siyang ipaalam.
Nakakalito, nakakatuliro.
Pero maligaya pa rin ako sa kahapong laman ng sandaling iyon.
Isa itong bagong pagtatagpo, bagong alaala.
Sana lamang ay dinggin ang aking walang tigil na hiling.

Biyernes, Enero 9, 2009

langit at lupa.

Tila nasira ng isang kapabayaan ang plano ko para sa buong linggo. Iyon ay dahil hindi ako nakasama sa palihan namin kanina sapagkat hindi ko nadala ang aking kongkretong tula. Naaasar ako. Pakiramdam ko'y nawalan ako ng lugar, ng patutunguhan, dahil sa isang ganon. Nakakaasar talaga. Ewan. Gusto kong mabitay patiwarik.

Huwebes, Enero 8, 2009

Patak.

Umuulan na naman dito sa Diliman. Katamaran na naman ang dala ng panahon. Kani-kanina ay sinusubukan kong mag-aral para makapaghanda na sa aking eksamen sa Bayolohiya 1, sa itinaguriang lucky thirteen. Inaantok na naman ako sapagkat 6.30 na ako ng umaga nagising, at hindi na 7.00. Gusto ko lang namang subukang magising ng maaga ngunit ramdam ko ang pagod at ang kakulangan sa tulog. Kulang na kulang yata ako sa lakas. Hindi ko maintindihan. Sa unti-unting pagpatak ng ulan ay unti-unti ring lumalamig ang aking mga kamay. Tila lumalamig na rin ang buo kong katawan. Naiinip na ako. Dapat ay sa ano mang oras ngayong las otso ay dumating na yung manggagawang mag-aayos ng ilaw sa mesa ko. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Hindi ko na yata siya maaasahan pa. Nakakinis naman.

Miyerkules, Enero 7, 2009

Banidoso.

Ang lathalaing ito ay tungkol sa aking pagkabanidoso o vain. Sinadya kong tanggalin ang aking litrato sa dati nitong kinalalagyan sa aking blogsite para magbigay daan sa limang litratong inilagay ko sa lathalaing ito.
Wala lang kasi akong magawa. At ginagawa ko lang ito para hindi ako makapag-aral. :)


Dingding.

Marahil walang istrukturang dulot ng arkitektura na walang dingding. Iyon ang nagsisilbing haligi ng isang gusali, o kung ano pa mang istrukturang may direksyong pataas. Maganda na mayroong dingding. Ito ay nagsisilbing proteksiyon at sandigan. Ang sarap ng pakiramdam nito. Madalas, ang pamilya at mga mahal sa buhay ang nagsisilbing dingding ng isang tao. Sila ang mga gumagabay at sumusubaybay sa bawat paggalaw at pagkakamali, pagkasaya at pagluha. Masarap ang pakiramdam. Ngunit pag ito ay nabuwag, malamang sa malamang ay mabubuwag din ang mundo ng indibidwal. Pero hindi naman ito dapat pangambahan. Walang gusaling bumabagsak na hindi maitatayong muli. :)

Lunes, Enero 5, 2009

Pagbabago.

Ngayong araw ay muli akong nagbalik sa dormitoryo sa aking kwarto, sa aking buhay esudyante. At ganoon pa rin naman. Wala pa ring nagbago sa mga oras na inilagi ko rito. Hindi pa rin kami nag-uusap. Nagtatampo pa rin ako sa kanya. Buhok lang ang nasilayan ko sa kanya. Hindi ko siya pinansin. [Iba-ibang tao ang tinutukoy ko rito.]
Wala gaanong mahalagang bagay ang naganap sa akin sa loob ng dormitoryo ngayon. Tila wala lang. Bahala na lang, iyon na ang inisip ko. Sabi nga nung pari noong nakaraang linggo, hahayaan ko na lang na bulagain ako ng Panginoon. Bahala na siya.
Hindi tiyak ang buhay ko. Ngunit walang humpay. Hay ewan.