Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Martes, Hunyo 30, 2009

Sana.

Ipagdarasal mo na lang ako.
Gano'n na lang iyon.
Ipagdarasal mo na lang na sana ay maging maayos na ako at malutas ko na ang mga problema ko,
hindi dahil iyon lang ang kaya mong gawin
kundi iyon lang ang gusto mong gawin.

Kung tutuusin, ayaw mo naman talaga akong tulungan.
Wala ka naman talagang pakialam kung ano nang nangyayari sa akin.
Hindi mo na kailangang magpanggap na tila nag-aalala
dahil tapos mo na akong gamitin.
Tapos na ang pakay mo sa akin.
Tapos na ang lahat.

Gusto mo na akong kalimutan 'di ba?
E ano 'tong ginagawa mo?

Sana hindi mo na ako tanungin kung okay lang ako.
Alam kong alam mong hindi naman talaga ako maayos.
Ang tanging gusto ko lang sanang sabihin sa iyo ay
ikaw ang dahilan kung bakit.

Kung gaano kita gustong sapakin, tirisin, himay-himayin, patayin,
ay siya namang gusto kitang hagkan, halikan, makasama.

Sana.

Biyernes, Hunyo 19, 2009

Naghahabol.

[Ang mga nakasaad dito ay pawang kathang-isip lamang. Pero kung gusto niyo itong paniwalaan, bahala kayo.]

Patuloy akong tumatakbo.
Kung saan man paroroon ay hindi ko matiyak.
Hindi ko mapigilan ang pag-udyok sa aking mga paa upang umalis, takasan ang lahat ng ito, at maghabol.

Maghabol.

Ngayon ay hinahabol ko pa rin siya, isang taong minahal, nagmahal, at lumayo.
Nariyan lang siya.
Nasa harapan ko.
Ngunit hindi kami magkatagpo.
Hindi ko siya mahagilap.
Hindi ko siya maintindihan.

Kung bakit ba naman kasi kailangan pa niya akong iwang mag-isa?
Bakit ngayon pa kung kelan ko siya gustong gusto na makasama, makita, mahagkan?
Bakit ngayon pa kung kelan kailangan ko siya?

Kumbaga, para lamang akong panandaliang aliw.
At tila sa kanya'y hanggang doon na lamang iyon.

Ngunit sa mga oras na ito ay gusto ko siyang makausap, kahit na gusto ko rin siyang suntukin ng malakas sa mukha at gulpihin para makabawi siya sa sakit at sama ng loob na idinulot niya sa akin.
Gusto ko siyang magdusa, kahit na gusto ko siya.

At kung sana lang ay mabalik ko ang oras, ang panahon bago kami naging malapit sa isa't isa.
At sana sa oras na iyon ay alam ko na ang magiging kahihinatnan kung may mangyari man.
At sana sa oras na iyon ay hindi na ako mahulog sa kanya muli.

Lahat ng iyon dahil ayaw ko nang maghabol.
Ayaw ko nang habulin pa ang isang taong wala nang pakialam sa akin.
Ayaw ko nang maging tanga.

Ngunit kahit anong gawin ko, tila ay hahabulin at hahabulin ko pa rin siya.

Miyerkules, Hunyo 10, 2009

Pirasong bubog

Hindi ko maintindihan ang aking sarili.

Marahil ay nahihibang lamang ako.

Marahil ay hindi lamang ako makapumiglas.

Marahil ay tulad na rin ako ng iba: mga hibang na umiibig sa isang alaala.

Marahil ay hindi ko gustong mawala sa akin ang panaginip na ito: isang pangarap, isang pagkakataon.

Pakiramdam ko’y umiibig ako ngunit baka naman ay hindi sa isang tao, ngunit doon sa alaalang hatid nito.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hawak-hawak ko pa rin ng mahigpit ang alaalang ito.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ko siya kayang bitawan, pakawalan.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit araw-araw ko pa rin itong hinahagkan, mula pagbangon hanggang pagtulog.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ganito.

Tila ito’y isang pirasong bubog na pilit ko pa ring kinakapitan kahit na nasasaktan, nasusugatan na ako.

Lunes, Hunyo 8, 2009

Hingang Malalim.

Kapag wala ka namang pormal na gusto sa isang babae at nakita mo gamit ang sarili mong mga mata na nilalandi siya ng isa pa niyang malapit na kaibigan sa iyong harapan - at nagseselos ka, anong tawag dun?

Hindi ko alam ang aking nararamdaman. Hindi ko mabatid. Hindi ko matanto. Ewan.
Hindi ko alam kung may gusto na ako sa kanya, o baka naman marahil ay minamadali ko lang ang sarili ko dahil nadagdagan na ako ng isang taon, o baka marahil ay totoo na nga. Pero kahit ano pa man, wala rin akong magagawa, wala rin akong pag-asa. Ito ang problema sa pagkakaibigan.

Hay, ewan. Bahala na.