Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Martes, Marso 24, 2009

Walang laman.

[BABALA: ang lathalaing ito ay tungkol lamang sa mga crush at sa pag-ibig - na ako naman ay wala, sa ngayon.]

Ang hirap naman ng wala kang crush - o wala na.

Paano ba naman kasi, nakapalibot sa akin ang mga magkasintahan, magde-date ngayong linggo, mga may laman ang mga puso. Ako naman, walang wala. Walang laman.

Kahit na sabihin ko pang araw-araw kong mini-miss call (o kung ano mang tamang pandiwa ang para doon) ang aking dating crush magmula noong ikalawang taon sa hayskul para lang i-text niya ako kinalaunan ay hindi pa rin iyon. Wala na akong nararamdaman. Wala pa ulit akong nararamdaman. Ewan ko. Tila ba ay kontento na ako sa pagiging magkaibigan namin. Ganoon naman ang laging kinahahantungan e. Paano ba naman kasi, isa na akong self-declared torpe at wala akong napupusong maging crush sa ngayon at sadyang - oo na - torpe nga ako, kaya ganoon. O baka marahil takot lang akong lumampas sa pagiging magkaibigan. At natakot na ako dahil kay crush since first year high.

Oo, sa mga kaklase ko noong hayskul (na marahil ay naligaw o wala lang talagang magawa kaya't nagawi sa aking blogsite), alam niyo na kung sino iyon. Kung hindi, ewan ko na lang. Hindi na rin mahalaga kung sino siya.

Natakot na ako dahil nagustuhan ko siya noong nasa rurok na kami ng pagiging magkaibigan, 'yung mga panahong lagi kaming magkasama't nagtatawanan lang, tila walang pakialam sa mangyayari.

(Yana, hinding-hindi ko pa rin malilimutan 'yung gabing magkasama tayo sa paggawa ng eksperimento sa Microbiology, 'yung gabing iyon na pinakamasaya kong gabi sa hayskul.)

Batid kong wala siyang alam dati patungkol sa aking tunay na nararamdaman. Wala rin naman kasing mag-aakala. Matapos na lamang nang ibinulgar ko ito sa isang truth-or-dare section sa aking pseudo-barkada noong ikalawang taon namin sa hayskul ay saka nalaman ito ng buong mundo. Tulad ng inaasahan, marami na ang makakaalam. ('Yang mga kaibigan talaga, hinding hindi maaasahan.) Lumala ito noong patapos na ang ikalawang taon at napansin kong napakamadalang na lang kung kami'y mag-usap at magpansinan. Batid kong ayaw niyang magustuhan ko siya.

(Naaalala ko pa rin 'yung farewell party ng klase namin noong ikalawang taon kung saan bigla ka na  lamang nag-text noong gabing iyon at saglit tayong nakapag-usap tungkol sa mga bagay na wala naman talagang halaga. Masayang masaya rin ako noon. Akala ko naman kasi ay hinding hindi mo na ako kakausapin. Ngunit nag-text ka, at sapat na iyon para pangitiin ako ng dalawang araw.) 

Hindi ko siya maintindihan. Habang nasa ikalawang taon kami ay nagkagusto pa ako sa isa pang babae. Oo, 'yung lagi kong mini-miss call sa bawat araw para i-text niya ako at kamustahin ako, kung may nagbago na ba raw sa akin, kung kelan ako babalik, kung masaya ako, kung anu-ano pa. Noong nalaman niya ang balita, (salamat sa aking mga mapagpanggap na mga kaibigan - at tandang-tanda kong ikaw ang mastermind doon, Irish Meroy, hindi ako nakakalimot.) napansin ko at ng buong mundo na iniiwasan niya ako, bawat titig ko, bawat pagsalubong ko sa dinadaanan niya, bawat presensiya ng sarili ko sa mundo niya. Kasabay iyon ng hindi na pagpansin sa akin ng nauna, lalo pa't magkaibigan pa sila - na siya namang biglaan at hindi ko inaasahan. Dahil doon ay Nobyembre na ang naging pinakamalungkot kong buwan taun-taon. E nagustuhan ko ba naman kasi siya noong kami'y magkaibigan na, noong kami'y lagi nang magkasama at nag-uusap. Ngunit hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit sila'y umiiwas kapag nalaman nilang nagustuhan sila ng kaibigan nila. Sadya bang hindi lang talaga ako kanais-nais? O nahihibang na talaga ako para kwestyunin ang isang napakababaw na tanong?

(Ngunit Yana, hiningan mo ako ng tulong at alam na alam ko pa rin na sa akin - sa aking isipan - nagmula ang junior thesis mo at ng iyong partner: Antibacterial and Antifungal Activity of Virgin Coconut Oil. Masaya ako para sa iyo.)

Noong ikatlong taon ay alam na alam na na may crush ako sa nauna. Naging malapit na magkaibigan naman kami lalo ng pangalawa, dahil na rin siguro'y mapag-unawa siya at tila wala namang kaso iyon sa kanya kung magustuhan ko siya - hanggang ngayon. Hindi na talaga ako pinapansin ng nauna, at pansing-pansin na rin ito ng buong mundo. Hindi ko na alam kung anong mali ang nagawa ko. Kung kasalanan nga ang magkagusto sa isang kaibigan, malamang sa malamang ay nagkamali nga ako. (Weh. Corny nu'n ah.) Hindi niya ako pinapansin hanggang nakuha ko na ang ideyang ayaw na niya sa akin, ayaw na niya akong makita, makausap, makasama. Ni mga mata ko'y pilit niyang iniiwasan pa. Kung pwede nga lang siguro akong mabura sa mundo niya, matagal nang nangyari iyon. Ngunit hindi ko iyon hinayaang mangyari. Noong prom nga ay sinigurado kong siya ang first dance ko, at ako naman sa kanya. Hindi ko malilimutan ang kantang iyon: Tattooed on my Mind. Sinunod ko namang isinayaw ang pangalawa. Natatandaan ko pang inilagay pa niya ang aking mga kamay mula sa kanyang balikat patungo sa kanyang tagiliran. Mas komportable siya roon. Mas gusto ko rin naman iyon. Kelan ko kaya kayo makakasayaw muli, sa saliw ng malumanay na himig?

Ika-apat na taon na. Magkaklase na kami ulit at sa paglalaro ng tadhana ay nakaupo siya sa aking likuran. Ngunit ganoon pa rin. Iniiwasan pa rin niya ako tulad ng dati, na tila ay hindi ako inevitable. Noong retreat namin ay sinugod ko na siya. Doon sa portion na naroon kami sa loob ng chapel at magbibigay ng kahoy na pusong magkahati sa isang taong nakagalit o gustong pasalamatan. Kumuha ako ng bahagi ng pusong iyon at tumungo sa kanya. Umiiyak pa siya mula sa pakikipag-ayos sa isang kabarkada, sa pagkakatanda ko. Noong nakausap ko na siya, umiiyak na ako. Hindi. Humahagulgol. Tinanong ko siya kung bakit hindi niya ako pinapansin, ngunit sa isipan ko'y gusto kong sabihing 'miss na miss na kita, Yana' ngunit may kakaibang puwersang pumipigil sa akin para sambitin ang mga katagang iyon. Ang tugon naman niya sa aking tanong, na medyo tumatawa na rin ay sadyang weird lang raw talaga siya. Hindi naman ako nakuntento sa kanyang naging sagot kaya tinanong kong muli. Iginiit naman niyang weird nga siya. Oo nga naman. Para sa isang kaibigang hindi mo papansinin ng ilang taon ay weird nga itong tunay. Pero ganun-ganon na nga lang ba talaga iyon? Sinigurado kong papansinin niya na ako. "Okey na tayo ha?" "Oo lagi."

Kinabukasan yata iyon o makalawa ay naganap ang prom. Sinigurado ko namang maka-first dance siyang muli. Ngunit kailangan niya palang makasayaw muna ang kanyang nakababatang kapatid. Sige. Naghintay ako. Ayun. Sinayaw ko na rin siya. Hindi ko na maalala kung may sinabi siya sa akin sa mga sandaling iyon. Ang tanging gusto ko lamang noon ay pabagalin pang lalo ang oras para matagal ko siyang makasama, makasayaw sa saliw ng musika. Ngunit hindi. Ipinunta pa niya ako sa bahaging hindi gaanong naiilawan, para hindi kami mapansin ng mga tao. Marahil ay takot siyang mahirang kami bilang sweetest pair, na batid kong hindi naman talaga mangyayari. Napakablanko kasi ng ekspresyon ng mukha niya. Hindi ko mabasa ang kanyang mga mata. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sandali lang kaming nagsayaw at ang bilis ng panahon at sa sumunod na linggo ay ilang pa rin kami sa isa't isa at hirap na magsalita. Hindi ko maintindihan.

Batid ko naman na hindi pa rin siya komportable na kausapin ako, at ako na rin kung hindi siya. Nakakalungkot lamang isipin na ganoon na lamang ang kinahantungan noon.

Mabuti na lamang at nakuha ko ang numero niya. Nagpalit na kasi siya ng numero noong mag-third year kami. Naka-text ko pa rin naman siya, noong pasko, kung saan nagpadala ako ng mensahe sa lahat ng taong nasa contacts ko. Nag-reply siya sa aking greeting at binalita pa kung gaano kagrabe ang naganap na lindol. Mabuti naman at tila maayos siya. Ngunit ganoon na lamang iyon. Maayos sila sa kanilang kinalalagyan, at marahil ay may mga mangingibig nang hindi ko pa nakikilala, habang ako naman dito, wala pa ring nahahanap na crush, takot pa ring manligaw.

(Natatandaan ko 'yung araw na palagay ko'y pursigido na akong ligawan si Yana. Humingi ako ng signos sa Diyos at ito ang marinig ang salitang 'Go'. Nung araw na iyon ay narinig ko nga, umagang umaga pa. Paano ba naman kasi, may misa noong umagang iyon at narinig ko ang 'Go' na hinihingi ko sa huling bahagi ng misa: Go in peace to love and serve the Lord. Pinaglalaruan ba ako ng tadhana? Hindi na rin ako tumuloy sa binalak kong panliligaw noon sapagkat hindi nga niya ako pinansin. Baka sumama lang lalo ang loob ko. Pero sana ngayon Yana, habang ikaw ay maligaya na, sana'y ako rin ay lumigaya na ng lubos at mahanap na ang matagal na hinahanap, na siya namang hindi mo talaga binigay sa akin.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento