Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Lunes, Marso 30, 2009

Nakakainis ka.

Kung kelan kita gustong librehin saka mo naman ako tinanggihan.
Kung kelan kita gustong makita saka ka naman hindi abot ng tanaw.
Kung kelan kita gustong makausap saka ka naman tulog o may ibang ginagawa.
Kung kelan kita gustong makasama saka ka naman may kasamang iba.
Kung kelan kita gusto, saka mo naman ako iniinis.
Nakakainis ka.

Martes, Marso 24, 2009

Walang laman.

[BABALA: ang lathalaing ito ay tungkol lamang sa mga crush at sa pag-ibig - na ako naman ay wala, sa ngayon.]

Ang hirap naman ng wala kang crush - o wala na.

Paano ba naman kasi, nakapalibot sa akin ang mga magkasintahan, magde-date ngayong linggo, mga may laman ang mga puso. Ako naman, walang wala. Walang laman.

Kahit na sabihin ko pang araw-araw kong mini-miss call (o kung ano mang tamang pandiwa ang para doon) ang aking dating crush magmula noong ikalawang taon sa hayskul para lang i-text niya ako kinalaunan ay hindi pa rin iyon. Wala na akong nararamdaman. Wala pa ulit akong nararamdaman. Ewan ko. Tila ba ay kontento na ako sa pagiging magkaibigan namin. Ganoon naman ang laging kinahahantungan e. Paano ba naman kasi, isa na akong self-declared torpe at wala akong napupusong maging crush sa ngayon at sadyang - oo na - torpe nga ako, kaya ganoon. O baka marahil takot lang akong lumampas sa pagiging magkaibigan. At natakot na ako dahil kay crush since first year high.

Oo, sa mga kaklase ko noong hayskul (na marahil ay naligaw o wala lang talagang magawa kaya't nagawi sa aking blogsite), alam niyo na kung sino iyon. Kung hindi, ewan ko na lang. Hindi na rin mahalaga kung sino siya.

Natakot na ako dahil nagustuhan ko siya noong nasa rurok na kami ng pagiging magkaibigan, 'yung mga panahong lagi kaming magkasama't nagtatawanan lang, tila walang pakialam sa mangyayari.

(Yana, hinding-hindi ko pa rin malilimutan 'yung gabing magkasama tayo sa paggawa ng eksperimento sa Microbiology, 'yung gabing iyon na pinakamasaya kong gabi sa hayskul.)

Batid kong wala siyang alam dati patungkol sa aking tunay na nararamdaman. Wala rin naman kasing mag-aakala. Matapos na lamang nang ibinulgar ko ito sa isang truth-or-dare section sa aking pseudo-barkada noong ikalawang taon namin sa hayskul ay saka nalaman ito ng buong mundo. Tulad ng inaasahan, marami na ang makakaalam. ('Yang mga kaibigan talaga, hinding hindi maaasahan.) Lumala ito noong patapos na ang ikalawang taon at napansin kong napakamadalang na lang kung kami'y mag-usap at magpansinan. Batid kong ayaw niyang magustuhan ko siya.

(Naaalala ko pa rin 'yung farewell party ng klase namin noong ikalawang taon kung saan bigla ka na  lamang nag-text noong gabing iyon at saglit tayong nakapag-usap tungkol sa mga bagay na wala naman talagang halaga. Masayang masaya rin ako noon. Akala ko naman kasi ay hinding hindi mo na ako kakausapin. Ngunit nag-text ka, at sapat na iyon para pangitiin ako ng dalawang araw.) 

Hindi ko siya maintindihan. Habang nasa ikalawang taon kami ay nagkagusto pa ako sa isa pang babae. Oo, 'yung lagi kong mini-miss call sa bawat araw para i-text niya ako at kamustahin ako, kung may nagbago na ba raw sa akin, kung kelan ako babalik, kung masaya ako, kung anu-ano pa. Noong nalaman niya ang balita, (salamat sa aking mga mapagpanggap na mga kaibigan - at tandang-tanda kong ikaw ang mastermind doon, Irish Meroy, hindi ako nakakalimot.) napansin ko at ng buong mundo na iniiwasan niya ako, bawat titig ko, bawat pagsalubong ko sa dinadaanan niya, bawat presensiya ng sarili ko sa mundo niya. Kasabay iyon ng hindi na pagpansin sa akin ng nauna, lalo pa't magkaibigan pa sila - na siya namang biglaan at hindi ko inaasahan. Dahil doon ay Nobyembre na ang naging pinakamalungkot kong buwan taun-taon. E nagustuhan ko ba naman kasi siya noong kami'y magkaibigan na, noong kami'y lagi nang magkasama at nag-uusap. Ngunit hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit sila'y umiiwas kapag nalaman nilang nagustuhan sila ng kaibigan nila. Sadya bang hindi lang talaga ako kanais-nais? O nahihibang na talaga ako para kwestyunin ang isang napakababaw na tanong?

(Ngunit Yana, hiningan mo ako ng tulong at alam na alam ko pa rin na sa akin - sa aking isipan - nagmula ang junior thesis mo at ng iyong partner: Antibacterial and Antifungal Activity of Virgin Coconut Oil. Masaya ako para sa iyo.)

Noong ikatlong taon ay alam na alam na na may crush ako sa nauna. Naging malapit na magkaibigan naman kami lalo ng pangalawa, dahil na rin siguro'y mapag-unawa siya at tila wala namang kaso iyon sa kanya kung magustuhan ko siya - hanggang ngayon. Hindi na talaga ako pinapansin ng nauna, at pansing-pansin na rin ito ng buong mundo. Hindi ko na alam kung anong mali ang nagawa ko. Kung kasalanan nga ang magkagusto sa isang kaibigan, malamang sa malamang ay nagkamali nga ako. (Weh. Corny nu'n ah.) Hindi niya ako pinapansin hanggang nakuha ko na ang ideyang ayaw na niya sa akin, ayaw na niya akong makita, makausap, makasama. Ni mga mata ko'y pilit niyang iniiwasan pa. Kung pwede nga lang siguro akong mabura sa mundo niya, matagal nang nangyari iyon. Ngunit hindi ko iyon hinayaang mangyari. Noong prom nga ay sinigurado kong siya ang first dance ko, at ako naman sa kanya. Hindi ko malilimutan ang kantang iyon: Tattooed on my Mind. Sinunod ko namang isinayaw ang pangalawa. Natatandaan ko pang inilagay pa niya ang aking mga kamay mula sa kanyang balikat patungo sa kanyang tagiliran. Mas komportable siya roon. Mas gusto ko rin naman iyon. Kelan ko kaya kayo makakasayaw muli, sa saliw ng malumanay na himig?

Ika-apat na taon na. Magkaklase na kami ulit at sa paglalaro ng tadhana ay nakaupo siya sa aking likuran. Ngunit ganoon pa rin. Iniiwasan pa rin niya ako tulad ng dati, na tila ay hindi ako inevitable. Noong retreat namin ay sinugod ko na siya. Doon sa portion na naroon kami sa loob ng chapel at magbibigay ng kahoy na pusong magkahati sa isang taong nakagalit o gustong pasalamatan. Kumuha ako ng bahagi ng pusong iyon at tumungo sa kanya. Umiiyak pa siya mula sa pakikipag-ayos sa isang kabarkada, sa pagkakatanda ko. Noong nakausap ko na siya, umiiyak na ako. Hindi. Humahagulgol. Tinanong ko siya kung bakit hindi niya ako pinapansin, ngunit sa isipan ko'y gusto kong sabihing 'miss na miss na kita, Yana' ngunit may kakaibang puwersang pumipigil sa akin para sambitin ang mga katagang iyon. Ang tugon naman niya sa aking tanong, na medyo tumatawa na rin ay sadyang weird lang raw talaga siya. Hindi naman ako nakuntento sa kanyang naging sagot kaya tinanong kong muli. Iginiit naman niyang weird nga siya. Oo nga naman. Para sa isang kaibigang hindi mo papansinin ng ilang taon ay weird nga itong tunay. Pero ganun-ganon na nga lang ba talaga iyon? Sinigurado kong papansinin niya na ako. "Okey na tayo ha?" "Oo lagi."

Kinabukasan yata iyon o makalawa ay naganap ang prom. Sinigurado ko namang maka-first dance siyang muli. Ngunit kailangan niya palang makasayaw muna ang kanyang nakababatang kapatid. Sige. Naghintay ako. Ayun. Sinayaw ko na rin siya. Hindi ko na maalala kung may sinabi siya sa akin sa mga sandaling iyon. Ang tanging gusto ko lamang noon ay pabagalin pang lalo ang oras para matagal ko siyang makasama, makasayaw sa saliw ng musika. Ngunit hindi. Ipinunta pa niya ako sa bahaging hindi gaanong naiilawan, para hindi kami mapansin ng mga tao. Marahil ay takot siyang mahirang kami bilang sweetest pair, na batid kong hindi naman talaga mangyayari. Napakablanko kasi ng ekspresyon ng mukha niya. Hindi ko mabasa ang kanyang mga mata. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sandali lang kaming nagsayaw at ang bilis ng panahon at sa sumunod na linggo ay ilang pa rin kami sa isa't isa at hirap na magsalita. Hindi ko maintindihan.

Batid ko naman na hindi pa rin siya komportable na kausapin ako, at ako na rin kung hindi siya. Nakakalungkot lamang isipin na ganoon na lamang ang kinahantungan noon.

Mabuti na lamang at nakuha ko ang numero niya. Nagpalit na kasi siya ng numero noong mag-third year kami. Naka-text ko pa rin naman siya, noong pasko, kung saan nagpadala ako ng mensahe sa lahat ng taong nasa contacts ko. Nag-reply siya sa aking greeting at binalita pa kung gaano kagrabe ang naganap na lindol. Mabuti naman at tila maayos siya. Ngunit ganoon na lamang iyon. Maayos sila sa kanilang kinalalagyan, at marahil ay may mga mangingibig nang hindi ko pa nakikilala, habang ako naman dito, wala pa ring nahahanap na crush, takot pa ring manligaw.

(Natatandaan ko 'yung araw na palagay ko'y pursigido na akong ligawan si Yana. Humingi ako ng signos sa Diyos at ito ang marinig ang salitang 'Go'. Nung araw na iyon ay narinig ko nga, umagang umaga pa. Paano ba naman kasi, may misa noong umagang iyon at narinig ko ang 'Go' na hinihingi ko sa huling bahagi ng misa: Go in peace to love and serve the Lord. Pinaglalaruan ba ako ng tadhana? Hindi na rin ako tumuloy sa binalak kong panliligaw noon sapagkat hindi nga niya ako pinansin. Baka sumama lang lalo ang loob ko. Pero sana ngayon Yana, habang ikaw ay maligaya na, sana'y ako rin ay lumigaya na ng lubos at mahanap na ang matagal na hinahanap, na siya namang hindi mo talaga binigay sa akin.)

Sabado, Marso 21, 2009

Naaalala mo pa ba ako?

Nangangamba lang ako na baka hindi na nila ako naaalala. Pa'no ba naman kasi, wala namang nagpapadala sa akin ng mensahe, sa Friendster, Multiply, o kahit sa cell phone man lang. (Tiningnan ko kasi yung mga Friendster profile ng mga kaibigan ko. Bakit ako, hindi nila binibigyan ng comment?) Naisip ko lang, ano nang nangyari sa mga kaibigan ko?
Malamang, baka ay abalang abala sila. Ngunit bakit ganoon? Ni kailanman ay hindi man lang ako nakakaramdam ng magandang pangangamusta. Hindi ko maintindihan kung sadyang hindi ako kanais-nais o minalas lang talaga ako sa mga naging mga kaibigan ko dahil hindi man lang nila ako magawang kamustahin. Hay naku. Ganyan kayo ha.
Pero kahit ako rin nama'y bihira lang rin mangamusta. Kung mangamusta naman ako'y nasa maling pagkakataon, o 'di kaya'y hindi lang talaga magandang kausapin ang makakamusta ko. O marahil hindi lang talaga kaaya-aya ang aking nakaraan.
Wala na akong maituturing na matalik na kaibigan, wala na akong contact sa kanila, o 'di kaya'y ibang network ang gamit nila kaya hindi kami makapag-usap sa text. Wala rin naman akong pormal na barkada. Sabi ko nga kay Marikit noong maghahayskul pa lamang kami (tandang-tanda ko pa iyon, iyong bakasyong nakakailang oras kami sa telepono araw-araw na hindi kalaunan ay naging madalang na lang), para akong amorseko: kani-kanino na lang dikit ng dikit. Mayroon pa namang mga naiinis sa akin kapag mukha akong asong sunod ng sunod sa kanila.
E sa kailangan ko lang naman talaga ng makakasama.
Subalit hindi ko maintindihan at hanggang ngayon, ngayong nakatakas na ako sa mapait kong kabataan at nagsisimulang muli sa kolehiyo, ay wala pa rin. Hindi pa rin ako kuntento.
Hindi pa rin ako masaya sa mga taong nakapalibot, hindi pa rin ako kuntento sa kanila. Hindi ko alam kung ako lang ito, o baka dahil wala lang talagang nagtatrato sa akin bilang mahalaga. Tingin ko nga ay hindi naman ako mahalaga.
Hindi naman talaga ako mahalaga.
Hindi rin naman ako nagpapapansin lang.
Malungkot lamang ako.
Malungkot lamang ako dahil wala akong makausap, makasama.
Malungkot lamang ako dahil walang nangangamusta sa akin, wala man lang yatang nakakaalala, walang kumakausap sa akin, wala.
Nawa'y ibigay na sa akin ng Diyos ang aking matagal nang kahilingan para hindi ako nagdadrama nang ganito. Ang lungkot kaya.

Linggo, Marso 15, 2009

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Bigla lang tumugtog sa aking isipan ang kantang "Kwarto" ng Sugarfree. Nakakatuwa.

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Hindi ko mawari kung bakit siya biglang tumugtog. Marahil ay nalalapit na ang aming (o kanilang) pag-alis (sapagkat magsa-summer class pa ako) sa dormitoryo ng Kalayaan. Nakagawa na ako ng ganitong klaseng lathalain sa blogsite ko sa Ingles at dorm prophecy naman ang akda ko sa Sigaw, ang magasin ng aming dormitoryo.
Nakakabaliw na.
Ewan. Wala akong gaanong masabi. Hindi naman gaanong sayang ang aking pagtutuloy sa dormitoryo, ngunit nakapanghihinayang lamang sapagkat hindi man lang kami naging gaanong malapit ng aking roommate. (Ano ba naman iyan. Lagi mo na nga lang nakakasama hindi mo pa nakakausap. Anong klase naman iyon hindi ba?)
Hay. Ewan ko talaga. Wari'y may lihim siyang pag-ayaw sa akin na hindi ko naman mabatid kung ano. Ano nga ba? Hindi ko alam. Dati pa ay hinihintay ko na lamang siyang magsalita at kausapin ako, sapagkat kapag kinakausap ko siya'y napapansin kong hindi naman talaga siya interesado. Maikli ang bawat sagot; bitin ang bawat salita. Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Lunes bago kami umalis ay binigyan ko pa siya ng regalo. (Siyempre, hindi naman ako umaasa na bibigyan niya ako. Sanay naman akong hindi binibigyan ng regalo, kahit malungkot ang ganoon. Kaso kakaiba nga lang sa pakiramdam na magbigay ng isang regalong taos-puso sa isang taong hindi mo naman gaanong kilala.)
Medyo pinakapal ko na nga lang ang pagmumukha ko at in-add siya sa Friendster ngunit iyon lang iyon. Habang nalalapit ang aming paghihiwalay ay mas lalong wala na akong gustong mangyari pa. Nakakasawa namang kumilos na lamang lagi. Nakakatamad. Nakakapagod. Ewan ko. Hindi naman ako ganito. Pero ibang kaso kasi ito ngayon. Ewan ko talaga. maging ako'y hindi ko maintindihan.
Ang saklap nga lamang dahil sa sampung buwan naming pagsasama ay hindi ko man lang siya lubusang nakilala. Maging ang kanyang lubusang pagkamatalino ay kailangan ko pang malaman sa ibang tao. Kahit ang kanyang pagkainis sa akin dahil hindi ko pinapatay ang ilaw tuwing gabi (dahil mas masarap para sa aking matulog na nakasindi ang ilaw) ay kailangan pang iparating sa akin ng iba. Para iyon na nga lang, hindi pa kayang sabihin sa akin? Ewan ko ba. Naaasar ako sa tuwing naaalala ko ang sakit na aking naramdaman nang malaman ko iyon sa isang nagpapanggap na kaibigan. Parang pakiramdam ko'y tinatraydor ako, kahit hindi naman talaga. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit hindi niya ako magawang kausapin. Kinakausap naman niya ang iba, ngunit bakit ako pa'y hindi e araw-araw naman kaming nagkikita?
Oo, subalit ang araw-araw na iyon ay laging panahon ng pagtulog, paggising. Iyon lang. Sa pagpasok nga sa aming kwarto ay agad na mahahalatang hindi siya laging namamalagi sa aming kwarto. Tila tulugan lamang ito. Magkikita na lamang kami sa silid na ito kapag siya'y matutulog na, o tulog na mismo. Nakakaasar talaga. Wala man lang akong panahong makausap siya ng masinsinan at makilala siya, o basta ganoon.
Siguro'y dalawang beses lamang kaming nagkasabay na kumain, walang imikan. Noong una kaming nagpagupit ay sabay rin kami, wala ring imikan. Ngunit noong mga unang araw ay maayos naman ang lahat, tila sumusunod sa mga gusto kong mangyari. Nanood kami ng pelikula, at wala rin namang imikan pero ayos lang; nag-usap kami tungkol sa relihiyon at sa mga ganoong bagay; nung isang gabing wala siya'y sandali ko siyang naka-text, nang namali ako ng pag-send ng mensahe't sa kanya nakarating. Ngunit ang ngayon ay hindi na dati. Ang bilis. Nakakabigla, kung tutuusin. Parang unti-unting lumalayo sa akin ang mga alon ng nagmumukmok na dagat.
Naiinis ako sa sarili ko. Naiinis ako dahil hindi ko naabot ang aking mga nais mangyari para sa aking pamamalagi sa dormitoryo na naglalaro na sa aking haraya noong tag-init pa lamang. Akala ko nga'y makakatagpo ng best friend dito, kahit man lang hindi sa katauhan niya.
Nakakaasar. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin. Paminsan-minsan ay nagagawa ko namang kausapin siya, sa tulong ng mga pagtatanong, ngunit lagi na lamang maiikli ang kanyang mga salita, na tila'y nagpapahiwatig na walang dapat umusbong na usapin tungkol roon. Parang bawat sagot ay may nakatagong "Manahimik ka nga" o "Huwag mo akong kakausapin". O 'di kaya'y medyo nahihibang lamang ako?
Naiinis ako dahil hindi ako yaong ma-pride na tao. Lagi na lang nagbabaka-sakali; lagi na lang may pangalawang pagkakataon. Ngunit sa bawat pagkakataon, lagi na lang walang nangyayari, tila isang normal na araw na lang na dadaan at sasagasain ang iyong pantasya.
Sa mga sandaling ito'y naiiyak na ako. Gusto ko nang lumipas ang panahon, makaalis sa silid na ito at makalipat na ng dormitoryo. Pero ewan. Pakiramdam ko lamang ay masaklap sa akin ang pagkakataon at tila wala na akong magagawa upang mabaliktad iyon.

Miyerkules, Marso 11, 2009

Sa tahanan.

Ngayong tag-init ay tila hindi na talaga ako makakauwi sa isang lugar na nais kong balik-balikan: ang tahanan. Noong semestral break pa akong huling nakauwi at tila ang huling linggo na lamang ng Mayo ang tanging pagkakataong makauwi ulit ako. Isang linggo lang. Malabo na ring mangyari iyon.


Lunes, Marso 9, 2009

Yakap.

Yakapin mo ako.
Yakapin mo ako nang walang maliw.
Yakapin mo ako nang buong-buo,
nang may bukod-tanging pagmamahal,
nang walang hanggang pananabik at pagnanasa.
Yakapin mo ako na tila ako'y iyong iniibig,
taong ikamamatay mo kapag naglaho.
Yakapin mo ako nang walang pagsisisi,
walang duda,
walang pagkakamali.
Yakapin mo ako dahil ako'y iyong-iyo.
Yakapin mo ako,
wala na akong pakialam.
Yakapin mo lang ako.

Sabado, Marso 7, 2009

Lamig sa ilalim ng nagbabagang araw.

May lamig sa ilalim ng araw,
na nag-iinit, nagbabaga.
May lamig sa ilalim ng araw,
at tuyong-tuyo ang bawat kanal,
bawat irigasyon,
bawat lupa,
bawat lalamunan,
bawat puso.
May lamig sa ilalim ng araw,
at lalo pang tumitindi ang apoy na nagliliyab sa mala-impyernong langit.

Biyernes, Marso 6, 2009

Ewan ko kung bakit ika'y sensitibo.

Nakakainis ka naman.
Batid kong mayroong gumugulo sa iyong isipan na hindi ko mawari kung ano.
Ngunit sadyang napakasensitibo mo.
Konting salita, bigla kang masasaktan.
Sandaling maling tono ko lang, maiinis ka naman.
Ewan ko sa'yo.

Miyerkules, Marso 4, 2009

Pahina.

Sa bawat pagbuklat niya sa mga pahina ng kanyang libro ay unti-unti siyang naghihina.
Hinihigop siya ng bawat salita, bawat terminolohiya ng paksang pilit niyang iniintindi.
Maya-maya pa'y unti-unti siyang nanghihina.
Lahat ng lakas ay ninanakaw ng aklat, habang siya'y nakahandusay na sa kanyang kama, libro sa kamay.
Pikit ang mata, nadala na siya sa kanyang haraya.
Panaginip na lamang ang bumabalot sa kanyang katawang pagod sa buong araw na pag-aaral.

Martes, Marso 3, 2009

Baha sa ilalim ng dagat.

Ako ngayon ay nasa Gonzales Hall, ang main library ng UP Diliman. Kasalukuyan akong naghahanap ng mga lathalain (sa internet) tungkol sa epekto ng pagbaha sa mga hayop at halaman. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maganda ang mga nakukuha kong bagay.
Naiinggit ako sa aking roommate dahil mayroon na siyang bagong cell phone. Ako, wala pa rin. Pero sana nga ay mabibilhan na ako pagkatapos ng kalahati ng Marso. Nakakainis lamang talagang maghintay (ng ganoon katagal).
Nakakainip lamang talaga.
Ewan ko ba. Likas na akong naging maluho. O hindi naman talaga sa maluho. Hay naku.
Hikab na naman ako ng hikab.Pa'no ba naman kasi, nagpuyat na naman ako kagabi sapagkat inuna ko pa ang proyekto ng ibang tao kesa sa mga bagay (at marami pa iyon) na dapat kong gawin. Iyon din ang dahilan kung bakit napabisita na naman ako dito sa main library. Nakakainis. Ayoko nang gawin ang mga susunod na pabor na ipapaskil sa pagmumukha ko. Ayoko na. Gusto ko nang matulog ng maaga.

Lunes, Marso 2, 2009

Baka'y hibang lamang ako.

Kasalukuyan akong nakikinig ng mga kanta ng Sponge Cola sa aking Multiply site. Gusto ko na talagang magkaroon ng bagong cellphone (N79) para lagi na akong makikinig ng musika kahit saan man. (Ayaw kasi akong bilhan ni Papa ng iPod dahil mas mainam daw kapag cellphone na lang.) Ang naging kasunduan namin ni Mama noong Biyernes ay si Auntie na lamang ang bibili ng cellphone gamit ang kanyang credit card at babayaran na lamang nila di kalaunan. Pero - pero - hihintayin pa ni Mama ang cut-off para makatiyempo. E sa 15 pa iyon. Matagal pa. Naku. Naiinip na ako. Sabik na sabik na akong hagkan ang mundo ng musika.
Ilang araw na akong hindi nakapag-internet. Nakakainis lamang dahil walang oneksiyon sa dormitoryo nitong mga araw at may topak pa ang Smart Bro ko. Ay naku. Ewan ko ba. Nagkakasakit pa naman ako nitong linggo. Ayaw ko na. Isang gabi nga'y inisip ko talagang mamatay. Ewan ko ba. Kahit papaano, maayos na rin ako ngayon.