Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Linggo, Nobyembre 30, 2008

Sa aking pag-iisa.

Narito akong muli sa Gloria Jean's Coffees (The Block) upang uminom ng mainit na tsokolate at mag-internet ng bonggang-bongga. Magtatanghali pa lang ngayon.Hanggang sa mga oras na ito ay wala pa rin akong maayos na almusal o kahit tanghalian na man lang. Nagising ako ng 9.00 ng umaga. Binalak ko talagang pumunta ng maaga sa SM City North Edsa dahil magpapakita ang tanging paborito kong pusa sa balat ng lupa - si Doraemon. Free admission nga, ngunit dahil ako'y nag-iisa lamang at ang karamihan ay nasa iba't ibang mall upang manood ng Twilight. Naiinis na naman ako sa buhay kong ito. Hanggang ngayon ay mag-isa pa rin ako. Nasa kolehiyo na nga lang ako ay nag-iisa pa rin ako. Naiinis ako. Nakakalungkot. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Kung alam mo, parang awa mo na, tulungan mo ako.

Biyernes, Nobyembre 28, 2008

Sa ibabaw ng mga dahon ay may kalangitang matatanaw.



Sa ngayon ay muli na naman akong tumatambay sa UP Computer Center. Wala lang. Pwede na ulit akong mag-friendster dito dahil 5.00 na ng hapon. Ang litrato sa bandang kanan ng akdang ito ay ang tanawin sa may Bulwagang Melchor at Bulwagang Gonzales. Kinunan ko ang litratong ito noong Martes, at kung maaalala mo ay iyon yung nasa lathalain kong 'Ang Aking Pagkamangha sa Himpapawid'. Nilibot ko sa araw na iyon ang Academic Oval at nagnilay-nilay, matapos kong kausapin ang Diyos sa Sunken Garden. Nakakamangha ang tanawing ito. Natutuwa ako dahil ang ganda talaga niya. Marahil ay marami pang ganito kung saan-saan (at naaalala ko rin na may ganito rin sa paaralan ko noong ako ay hayskul pa lamang) ngunit hindi naman talaga natin gaanong napapansin. Siguro nga ay panahon na upang magmasid tayo sa ating kapaligiran at silayan ang mga nakakatuwa at nakakamanghang bagay na mumunti lamang ngunit isa nga palang malaking biyaya. Sana lang ay lagi natin itong maalala. Naiisip ko na naman ang mga ganitong bagay, marahil ay dahil na rin sa muli kong pagbasa sa akda ni Antoine de Saint Exupery na The Little Prince. Sabi ko nga sa aking sarili, kapag ako ang naging presidente ng Pilipinas, dapat ay mabasa ito ng bawat Pilipino. Bakit? Dahil itong libro lang naman ang nakapag-udyok sa akin upang managinip at umambisyon. Isa itong magandang bagay, sa aking palagay. At mukhang wala na akong ibang masabi pa. Nawalan na ako ng mga ideyang ilalagay pa sa lathalaing ito. :)

Isang Paghihintay.

Sa semestreng ito, ganito na nga dapat ang aking buhay tuwing Miyerkules at Biyernes.
Sa ngayon ay hindi pa ako nakakapag-almusal.
Nagising na ako ng 6.14 ng umaga, ayon sa aking cellphone.
Nasilayan ko ang aking roommate na buksan ang ilaw, dahil siya ay magbabasa.
Wala naman akong problema sa pagtulog ng may ilaw o wala.
Sa katunayan, gustong-gusto kong matulog na hindi nakapatay ang mga ilaw.
Napansin kong siya'y lalabas upang kumain na.
'Ang aga naman.' naisip ko.
Pero oo nga naman, maaga rin pala ang una niyang klase.
Ako naman, matagal pang aalis.
Natulog akong muli.
Nagising ulit ako dahil sa alarm ng aking cellphone.
Hindi ko na pinalitan pa ang oras ng pag-alarm nito.
Araw-araw na nga yata akong nagpapagising ng 7.00 ng umaga, o matagal-tagal pa.
Tulad ngayon, matagal nga talaga akong gumising.
Batid kong wala na ang aking roommate sapagkat mayroon na siyang klase.
Mabuti pa siya.
O marahil, mabuti pa ako.
Nakatulog akong muli, tulad ng dati, dahil minsan ay 7.30 na ako ng umaga lumalabas ng kwarto upang mag-almusal.
Ngunit ngayon ay iba.
Siguro dahil sadyang nakaramdam ako ng matinding pagod kahapon, nagising na ako na malapit nang mag-8.00 ng umaga.
Naisip ko na hindi na ako makakahabol pa sa almusal.
Kaya naman humiga muna akong muli.
Hindi ko alam ang dapat kong unahin.
Ngunit ako'y naligo na lang muna upang matino na akong makalabas ng dormitoryo upang bumili ng croissant para sa aking almusal.
Pagkatingin ko sa tindahan, wala pa ang croissant na madalas kong ginagawang almusal kapag hindi ako nagising ng maaga.
Kaya bago pa man ako madatnan ng gutom ay dumeretso na ako sa internet cafe at kasalukuyang nagta-type ng lathalaing ito.
Nakakabagot nga naman talagang maghintay.
Ewan ko ba kung bakit.
Ayos na rin siguro sa akin na 11.30 pa ang simula ng aking klase.
Mayroon akong mahabang paghahanda.
Ngunit sa ngayon ay sadya lamang akong tinatamad upang maghanda at mag-aral.
Pangako, mamayang gabi ay mag-aaral na talaga ako.
Kailangan kong pagbutihin ang pag-aaral ko.
Mahirap nang bumabang muli ang grado.

Huwebes, Nobyembre 27, 2008

Ano Ako?

Kaninang hapon, nang ako ay naglalakad patungong Palma Hall, napansin ko yung damit ng isang babae na dumaan sa direksiyong kaiba sa tinatahak ko.
(Mahilig lang rin talaga akong tumingin ng iba't ibang damit.)
Nakasulat sa kanyang damit ang mga katagang 'Bicolano ako'.
Kung makikita mo rin itong damit na ito, mapapansin mong nakapula ang 'ano ako'.

Bicolano
ako
Ganyan ang kaniyang itsura.
Sa pagkakakita ko nito ay tumatak sa akin ang mga salitang 'ano ako'.
Tamang tama nga naman, dahil ang aming paksa kanina sa Sosyolohiya 10 (na susunod kong klase nung makita ko ang damit na iyon) ay 'Who Are You?' o 'Sino Ka Ba?'.
Nakakatuwa naman iyon.

Ngunit naisip ko lang, hindi ko pa kilala ang aking sarili.

Sino ba ako?
Ano ba ako?
Ano ba ang halaga ko sa mundong ito?

'Ika nga nila, ito na ang tinatawag na identity crisis.
Hindi ko naman masyadong iniintindi ang sinasabi nilang identity crisis ngunit nangangamba lamang ako para sa aking sarili dahil kahit ako man ay hindi pa lubusang kilala ang sarili.

Marahil ay dapat na maglaan na ako ng oras hindi lamang para sa aking sarili, ngunit para alamin ko ang aking sarili.
Bakit?
Dahil sa totoo lang, naguguluhan na ako sa mga nangyayari.
Hindi ko alam kung wala lang ba talaga akong pakialam sa mga bagay-bagay o kaya'y takot lang akong ilabas ang aking saloobin.
Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong nagugustuhang babae. :)
Hindi ko alam kung bakit masyado na akong nagiging magastos, ngunit hindi naman talaga ako makapaglaan sa mga bagay na gustong gusto ko.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin.
Hindi ko alam.
Sa salitang kolokyal, ewan ko.

Ano Ako?
Sino Ako?

Kaibigan, hindi ko pa talaga alam.

Miyerkules, Nobyembre 26, 2008

ang aking pagkamangha sa himpapawid.

Kahapon ay muli kong sinubukang hanapin ang aking sarili.
Nakakatawa man itong pakinggan, waring ako nga ay nawawala sa sarili.
Matapos ang aking klase ay nalakad-lakad muna ako.
Sa totoo lang, minabuti ko nang hindi umuwi agad dahil baka makaladkad ako ng mga kaibigan ko sa dormitoryo sa kanilang pupuntahang engkwentro.
Marahil ay ayoko nga.
O baka hindi lang talaga ako handang mahimatay sa oras na mahawakan na ako ng pastor o kung sino man iyon.
Hindi ko pa gusto ang ganoong bagay.
Sa aking pag-iisa ay gumawa ako ng sarili kong 'divine intervention'.

Umupo ako sa damuhan at tumingin sa aking paligid.
Batid kong silang lahat na naroroon ay may mga kasama, at tila ako lamang ang mag-isa.
Ngunit alam kong hindi ako nag-iisa.
Kausap ko sa hapong iyon ang Diyos.

Nilabas ko si Mixo, ang aking kwadernong pampersonal, at doon ako ay nagsulat.
Kausap ko nga ang Diyos sa hapong iyon.
Ang sabi ko sa kanya, "Gusto ko ng makakasama, yung totoo, yung tao, yung katulad ko."
Ngunit hindi ko malaman kung ano ang kanyang sinagot.
Hindi ko nga rin alam kung sinagot nya ba talaga iyon.
Ilang sandali pa ng pagmumuni-muni ay winika ko, "Alam ko pong may panahon Kayo para sa aking hiling. Pero sana po ibigay Niyo na sa akin ngayon din."
Sa isip ko ay parang ginawa kong Genie ang Diyos.
Ngunit alam kong mayroon siyang sagot na nakalaan para sa akin.
Hindi ko lang malaman kung kelan iyon.

Naniniwala pa rin ako sa sinabi sa akin ni Marjorie noong kami ay nag-retreat.
"Alam ni God ang pangangailangan mo. Ibibigay Niya sa iyo ang lahat ng kailangan mo, pero baka hindi pa ngayon, baka in His time."
Marjorie, salamat.
Naniniwala pa rin ako.

Sa totoo lang, ngayong Linggo lang ako muling nakapagsimba,marahil matapos o bago pa man ang huling eksamen namin sa Matematika.
Ngunit sinisikap ko namang kausapin ang Diyos bago ako matulog, o kahit habang naglalakad ako o nakaupo.

Pero hindi naman Siya isang Genie.
Meron Siyang sarilig oras.
Oo nga naman.
Kahit ako man ay may sariling oras para sa Kaniya.
Sino nga ba naman ako, hindi ba?
Marahil ay tuldok lamang ako sa planetang ito, ngunit kahit mga tuldok lamang ay gugustuhing may makakasama. (Ang labo!)

Bago pa man maging isang malaking biruan ang aking akdang ito, tatapusin ko na siya ngayon.
Salamat sa pagbabasa. :)

Lunes, Nobyembre 24, 2008

Sa madilim na sinag.

Ang litratong ito ay kinuha kahapon, sa bulwagang Quezon, habang kami ay nagpapahinga mula sa aming paglalakad mula sa Philcoa patungo sa loob ng Unibersidad. Kahapon rin ay nanggaling kami sa Fairview/Novaliches upang magliwaliw.
Kahapon ay araw ng Linggo, at ako ay sadyang naipit sa dalawang gawain. Ang una ay ang pananghalian sa isang kainan sa kahabaan ng Katipunan kasama ang mga kaibigan. Ang pangalawa naman ay ang pagliliwaliw sa SM City Fairview. Medyo nagsisisi nga naman talaga ako kung bakit ang pagliliwaliw mismo ang pinili ko.
Una sa lahat, sadyang napakamahal naman kasi ng pananghaliang gusto ng aking mga kaibigan at mukhang masama naman sa aking loob na gumastos ng isang daan at mahigit para lamang sa isang pananghalian. Hindi ko pa kayang bumili ng makakain sa halagang katumbas ng panonood ng sine dito sa Maynila. Mukhang ayos na rin lang naman na nagliwaliw na lang ako. Nadiskubre ko ang mga lugar na hindi ko pa napupuntahan, at ngayon alam ko na kung gaano kadelikado ang mga ito. Sabi ko nga kahapon, sa susunod ay magma-Makati na lang kami.
Bumili ako ng maliliit (tigdalawahan kasi) na mga asong kulay kayumanggi na pwedeng isabit sa kung saan-saan. Kinagabihan, binigay ko ang isa (dahil aanhin ko naman ang dalawa?) sa aking roommate.
Bumili rin ako ng isang maliit na keychain ng Rubik's Cube, dahil nasira (hindi naman talaga nasira; binalatan ko lang talaga iyon) iyong dati kong keychain.
Gusto kong bumalik dun sa litrato. Nakakamangha ito dahil nung kinunan iyon ay balot na balot ng maiitim na ulap ang kalangitan. Laking bigla ko nang makita ang kinalabasan ng litrato. Ni hindi ko masilayan ng tama ang aking mukha. Kung baga, ako ay nagmistulang multo (o anghel kaya?) sa larawang ito. Kulay rosas ang damit ko riyan ngunit sa kakaibang lighting ng kalikasan ay nagkaroon agad ng instant special effects ang aking litrato. Nakakatuwa lamang iyon isipin.
Nakamamangha.
Ngayon ko lang naisip na kahit gaano pa kadilim ang kapaligiran, may sinag pa ring lilitaw na siyang magbibigay liwanag sa madilim mong mundo. :)

Ang pagbagsak ng ulan sa ibabaw ng lupa.

Sa ngayon ay bumubuhos pa rin ang ulan sa buong ka-Diliman-an.
Kasama ko ang isang kaibigan na makulong sa tambayan sa harapan ng isang dormitoryo.
Wala kang rehas na matatanaw sa paligid ngunit pinapalibutan kami ng isang malaking dingding ng tubig-ulan.
Wala rin kaming dalang payong.
Humihina ang ulan at bigla na lamang lalakas.
Unti-unti na ring nababasa ang aking laptop.
Hindi ko na alam ang dapat kong gawin.
Wala kaming panangga sa malakas na ulan.
Sa madaling salita, na-stranded kami sa ilalim ng atip ng isang hapag na kinabitan ng dalawang pahabang upuan.

Batid kong uulan nga ngunit sa pag-aakala kong sa dilim pa babagsak ang mga ulap, malakas ang loob kong hindi magdala ng payong, o kahit ang lalagyan man lang ng aking laptop.
Para sa akin, isang delubyo na ngang matatawag ang insidenteng ito.
Palagay ko ay matatagalan pa kami sa kulungang ito, hangga't hindi pa tuluyang tumitigil ang pagbuhos ng ulan.
Hihintayin ko na lamang ang sandaling iyon.