Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Miyerkules, Marso 10, 2010

Mortuaryo. [Monologue]

Naisulat naman natin ang ating huling pahina, hindi ba?
Hindi ba't inilatag na natin sa walang kamalay-malay na papel na iyon ang ating huling salita?
Nasaan na ang aklat na ating isinabuhay?
Nasaan na ang aklat, nais ko itong mabasang muli!
Nais kong isaalaala nang makailang ulit pa ang ating pagsasama.
Nasaan na ito, sabihin mo!
Nais ko itong makita, mahagkan, halik-halikan bawat titik na ating isinahugis gamit ang iyong pluma.
Oo!
Ang iyong plumang itinusok mo pa sa iyong braso para magkaro'n ng tinta, tinta na siyang sagisag ng iyong buhay, ng iyong pagkatao.
Hindi ba't naisunog ko na rin ang plumang iyon?
Bakit ay buong buo ko pa itong naaalala, nakikita sa aking isipan?
Diyos ko, hindi ako makapaniwala!
Hawak mo sa iyong mga kamay ang plumang aking itinutukoy, at sa dulo nito'y umaagos pa rin ang iyong dugo.
Naririto ka ngayon sa harap ko!
Hindi ba't patay ka na?
Sigurado ako do'n!
Matapos nating ipahid ang huling tinta ay itinulak kita papalayo sa akin at inihagos patusok sa iyo ang iyong pluma!
Kitang-kita ko iyon, malinaw pa sa aking alaala, na dumiin ito sa gitna ng iyong leeg na siya namang naglabas ng marami pang dugo, maraming marami!
Patay ka na!
Huwag mo na akong takutin pa!
Lubayan mo na ako kung maaari, ayaw ko nang magambala pa ng iyong presensiya, kahit ika'y patay na!
Apoy?
Bakit ka nagpapasimula ng apoy?
Anong gagawin mo?
Teka, 'wag mong sabihing...
'Yan ang ating aklat!
Akin na, dali!
Ibigay mo sa akin ang aklat na iyan ngayon din upang mapawi ang aking pag-iisa!
Isinasamo ko, hayaan mo akong maalalang muli ang ating pag-iisa!
Nagmamakaawa ako, kung hindi mo man ipapaubaya sa akin ang librong iyan ay itapon mo na sa ginawa mong malaking apoy at ako'y magpapadala dito, kasama ng aking nag-aalab na damdamin!

(Maitatapon ang aklat sa apoy at ang nagsasalita'y agad namang tumakbo patungo rito, at siya nang tuluyang nasunog.)

Martes, Marso 2, 2010

Pagtigil.

Tila buong buwan ng Pebrero ay wala akong nailathala, hindi ako naging produktibo. Kasi naman, labis akong ginambala ng aking buhay eskwelahan kung saan maya't maya'y may term paper na ihahabol, pagsubok na paghahandaan, mga eksamen na pagpo-problemahan. Isama na rin diyan ang walang humpay na mga kautusan mula sa mga ka-org ukol sa mga pinapagawa na kailangang ipasa at sa mga pagpapaalala sa mga bagay na dapat ipahiram at mga aktibidades na kailangang daluhan. Gayon na rin sa dormitoryo, kung saan walang humpay rin akong pinapagawa ng mga poster at kung anu-ano pa. Ang daming pinapagawa. Ang daming kailangang gawin. Ang daming gustong gawin. Sa buong buwan na iyon ay halos wala na akong panahon para sa kung ano mang minimithi ng sarili.

Tumigil saglit ang pagtrabaho ng aking utak ukol sa mga bagay na siya talagang gusto ko. Pakiramdam ko'y bumaba ang aking pagkamalikhain at humina ang aking pagkahumaling sa pagbili ng mga damit. At higit pa riyan, laging hindi ko alam kung ano ang dapat gawin. Kumbaga'y nasisira na ang aking nakasanayang sarili at tuluyan nang napupunta sa isang sariling laging pagod, nahihirapan, at kung saan ang pagkain at pagtulog ay hindi na kaluguran ngunit tulad ng iba'y siya na ring mga responsibilidad na kailangang gampanan. Pakiramdam ko, parang hindi ako nabubuhay. O kung nabubuhay man, hindi para sa sarili ko, ngunit para sa aking kaligtasan. Ang hirap.

Kung sana kasing dali lang ito ng pagpapahinga at paggawa sa mga bagay na gustong gusto naman. Ngunit hindi. Iba talaga e.