Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Sabado, Mayo 16, 2009

Isang masamang panaginip.

Lumabas muna siya sa kanyang kwarto, pinag-iisipang mabuti kung saan ang pupuntahan. Takot na takot siya, na waring hindi pa nagigising mula sa isang masamang panaginip.
Naglakad siya. Nag-iisip. Hindi niya alam ang dapat gawin. Magulong-magulo ang isip niya. Nababalot ang kanyang mundo ng lagim, na araw-araw ay nagbabadya, nanunuot, nananakot.
Tumigil siya sa harap ng isang pinto. Nanginginig na itinaas ang kanang kamay, waring kakatok. Hindi pa man niya nagagawa ay bumukas na ito. Nasilayan niya ang kanyang ina. Alam niyang takot rin ito, ngunit alam niya ring ayaw lamang niyang ipahalata ang pangangambang nararamdaman. Tanging mga mata lamang ang nag-usap, wala man lang salita. Pumasok siya sa loob ng kwarto at umupo sa kama ng kanyang ina. Nakayuko lamang, nagtataka, nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ang kanyang ama.
Sisikat na ang araw, at kailangan na niyang lumuwas. Binigyan siya ng kanyang ina ng perang pambili ng makakain, kahit na ang ibig sabihin no'n ay ang pagkagutom nito.
Pumasok siya sa malaking paaralan, malungkot, natatakot, nangangamba, nagtataka. Bawat taong makita niya ay ganoon din ang nararamdaman: malungkot, natatakot, nangangamba, nagtataka. Marahil ay hindi rin dumating ang kanilang mga ama.
Naglakad siya papunta sa kantina. Hindi pa pala siya nakakapag-almusal at ang tanging nabili niya ay kapirasong tinapay na ubod ng nipis at halos walang palaman. Hindi na niya ito inintindi at inubos na lang ang pampalipas sa gutom.
Sa isang iglap ay nagsitayuan ang mga nakaupo, nagsitakbuhan ang mga naglalakad at nakatayo. Bomb threat. Iyon ang dalawang salitang lumulutang sa buong paaralan sa oras na iyon. May bigla na lang kasing tumawag sa sekretarya ng eskwelahan at nagsabing may sasabog na malakas na bomba sa loob ng paaralan ngayon. Mahigit isang oras naman munang nanigas sa takot ang sekretarya bago niya ito naibalita sa iba.
Nakisali na siya sa pagtakbo, ngunit hindi niya alam kung saan. Nagkakagulo ang mga estudyante, ang mga guro. Ang mga puno naman sa paligid ay tagapanood lamang sa nagaganap.
Napagod na siya, kaya't piniling magpahinga sa isang kiosk. Pagkaupong-pagkaupo ay may naririnig siya, pulso, tila pusong mahinang tumitibok dahil balot na balot ng takot. Ngunit ang pusong iyon ay balot lamang ng plastik, at nang tumigil ang pagtibok nito, agad na nawasak ang kanyang mga pangarap; nahati ang kanyang kaisipan; lasog ang kanyang katawan; nagkalat ang kanyang mga lamang-loob.
Sa pagtigil ng pagtibok ng pusong iyon ay agarang nasira ang buong paaralan, at ang mga pangarap ng mga mag-aaral at guro nito.
Sa huling masakit na pagkakataon ay nakita niya ang kanyang ama, na naglalakad patungo sa naghihingalo niyang katawan. Ibinaba ng kanyang ama ang matigas na kalo mula sa kanyang ulo at inilagay sa bandang dibdib. Maligayang kaarawan.

Lunes, Mayo 4, 2009

Isang Linggong Kahibangan.

Nahihibang na siguro ako.
A las cuatro y media ako nagising. At alam kong hindi mabuti iyon. Natulog kasi ako bandang 1 ng umaga.
Ahh! Ayoko nang magpuyat. Pa'no ba naman kasi, wala lang. Basta. Nakakaadik lang. Ewan ko ba. Ewan ko.
Buong weekend ay wala akong ginawa para sa aking pag-aaral. Nagbasa lang ako ng The Tipping Point ni Malcolm Gladwell, nag-internet ng madalas, at umuwi ng Pasig para naman pasamain ang loob ni Mama dahil pinapasama niya na naman ang loob ko.
Ayun. Nag-aaway na naman kami ni Mama dahil sa pera. Lagi na lang namin nagagastos ang pang-tuition ko sana, dahil sadyang kulang pa rin ang sahod ni Papa para sa aming pamilya, lalo pa't marami kaming babayarin: mga credit card at ang phone bill ko. Isali mo na rin siguro ang singil sa telepono at kuryente doon. Ang problema pa ay hindi namin sigurado kung makakaabot ang pagpo-proseso ng STFAP ko bago magsimula ang rehistrasyon para sa susunod na semestre. Ngunit kahit anong pagtitipid ang gagawin, ang bulsa'y mabubutas rin.
Nitong mga nakaraang araw naman ay tila nahuhumaling ako sa isang tao. Ewan ko ba. Kakaiba lang ang pakiramdam. Basta. Hindi ko mawari. Ngunit nagagalak ako.
Sa tinagal-tagal kong nakatunganga sa tapat ng laptop ay ito lang ang naisulat ko. Hayaan mo, magdaragdag pa ako sa susunod na paglalathala.