Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Biyernes, Pebrero 27, 2009

Buhay pa pala ako.

Kaarawan ngayon ng roommate ko. Nakakatuwa. Mabuti pa siya, may matatanggap na regalo at sangkatutak na mga pagbati. Sa pagkakaalam ko ay wala pa akong kaarawan na may natanggap akong regalo. Nakakainis lamang sapagkat kailangan ko pang mangulit at humingi ng bagay para lamang makatanggap ng regalo.
Laking gulat ko kaninang umaga na buhay pa rin ako. Akala ko ay ikamamatay ko na ang labis na paglamon ng tsokolate. Marahil ay kulang pa ang mga nakain ko.
Nakakainis. Sana naman ay ngayong araw ay may magandang mangyari.

Huwebes, Pebrero 26, 2009

Isang saglit na kamatayan.

Kani-kanina lamang ay natapos ako sa paglamon ng sangkatutak na tsokolate. Ang nasa isip ko ay mamamatay na ako bukas. Sa sandaling ito, gusto ko nang mawala at maglaho. Nakakaasar lamang dahil hindi umaayon ang lahat ng bagay sa nais kong mangyari. Marahil ay normal lang iyon ngunit nasa sandali na ako na gustong gusto ko nang bitiwan ang lahat ng ito at sumuko, mamatay na lang.
Hindi ko alam kung bakit gusto ko nang bumitaw. Ayoko na. Ayoko na talaga.

Miyerkules, Pebrero 25, 2009

Paglubog.

Unti-unti akong lumulubog,
dito sa aking karagatang
malawak,
malalim,
mahirap languyin.
Unti-unti akong nawawalan
ng patutunguhan,
ng gagawin,
ng tamang pag-iisip,
ng gabay,
ng kaibigan,
ng buhay.
Bawat pangarap ko'y
isa-isang sinisira.
Inuulanan ako ng pagsisisi
at binubuhusan ng luha bawat sandali.
Ginigiba
bawat saglit ng pag-asa.
Unti-unti ako'y
nawawala.
Nawa'y buksang muli
ang langit sa buhay kong sawi.
Sana'y manumbalik,
kulay,
ligaya,
pag-ibig,
pangarap,
lahat.
Sana mamaya'y aahon ako,
kahit unti-unti,
basta lang maligtas ko ang sarili ko
sa paglamon sa akin ng galit na tubig,
ng sakim na karagatan.

Martes, Pebrero 24, 2009

Isa kang panakit sa aking ulo.


Buwisit. Naiinis ako. (Paumanhin sa pagmumura.)
Galit ako. At tila ayoko nang dagdagan pa ang lathalaing ito. Paumanhin.

Isang tula para lamang sa iyo (kung sino ka man).

Ibigin mo ako, aking mahal
At dadalhin ko sa iyo hindi ang langit,
Kundi, ang katotohanan.
Hindi kita hahayaang masaktan,
kung katotohanan ma'y kasalanan.
Ililigtas kita, ipinapangako ko:
Ako'y magiging iyong-iyo.

Linggo, Pebrero 22, 2009

Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin alam.


Wala akong maisip. Marahil ay may sakit na naman ulit ako. Gusto ko tuloy kumain ng halo-halo. Iyong hindi lang ganyan ha. Basta 'yung masarap.
Ah, iyan na lamang muna. Medyo masakit na talaga ang ulo ko.

Biyernes, Pebrero 20, 2009

Mali.

Masidhi ang aking pagkainis sa isang aspeto ng araw na ito.
Wala namang naganap ang kinalamang Wacky Day ng Kalai dito.
Meron lamang akong isang malaking problema.

Gusto kong umiyak.
Gusto kong itulog na lang ang lahat at magising na lamang kapag nasa maayos na kondisyon na ang lahat.
Gusto kong sirain ang kabuuan ko.
Gusto kong mawalang parang bula.

Naiinis ako.
Umagang-umaga ay nasira ang aking camera.
Hindi na bumalik ang lens nito paloob.
Lens error daw.
Epal yan.

TIla ay ayoko na itong ipagpatuloy.
Naiiyak na ako.
Kung pwede lang ibura ang alaala, pagkatao, kabuuan, matagal na akong wala ngayon.
At sana wala na lang ako.

Huwebes, Pebrero 19, 2009

Bakit ka ba iibig sa isang pangarap?

Hindi ako mapakali. Hindi naman sa ganon. Hindi lang ako makapag-isip ng maayos sapagkat medyo masama ang pakiramdam ko at masakit pa ang ulo ko. Asar. Hanggang dito muna ako. Hindi ako makapag-isip e. ^^

Martes, Pebrero 17, 2009

Paligsahan.

Sa kasalukuyan ay may nagaganap na paligsahan sa kung saan ako naroroon. Kalai Week kasi. Sinadya kong hindi sumali sapagkat magulo ang isip ko sa nagaganap ding paligsahan sa utak ko.
N79 o E51?
Dalawang smartphone ang naglalaban sa aking isip. Hindi ko talaga malaman kung alin ang dapat piliin, kung maganda ba ito, kung hindi ba ako manghihinayang. Malamang nasa punto na ako na ayaw ko nang magkamali pa sa bawat daang tatahakin ko.
Tinawagan ako ni Papa kanina patungkol rito. Nasa mismong shop na sila. Bibilhan na ako. Kaso, mas makabubuti kung N79 ang bibilhin nila para sa akin sapagkat pwede ito sa deferred mode of payment sa loob ng 12 buwan. Sayang nga lang sapagkat tumutok na talaga ako sa Eseries kaya't nag-aalangan pa rin ako sa N79. Pero ayos na rin. Maganda rin naman iyon eh. Sana lang makabili na sila bukas at maipadala na ito ngayong linggo. Hindi na ako makapaghintay. ^^

Linggo, Pebrero 15, 2009

Natitirang sipi ng karamdaman.

Hindi ko mawari ang aking nararamdaman. Nakakainis sapagkat mukha akong nilalagnat kahit na hindi ako mainit. Kung baga, iba. Iba ang nararamdaman ko ngayon. Ewan ko ba.
Wala nga rin akong gana. 10 na ako ng umaga nagising at Jjamppong (ganito ba ang baybay?) lamang ang aking agahan/pananghalian. Baka nga kaya medyo masama ang pakiramdam ko ay dahil wala akong kinaing kanin o may carbohydrates.
Mula paggising ay nakatapat na ako sa aking libro sa Biology, iyong librong nilako sa 'min ng aming guro sa Natural Science II na punong-puno ng mga mailng salita. Dagdag pa doon, hindi siya kaaya-ayang basahin. Hindi ako naeengganyong basahin iyon. Sa katunayan, sumasakit pa lalo ang ulo ko sa pagbabasa.
Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Pakiramdam ko nga'y nakabitin lamang ang buhay ko sa gitna ng kawalan. Wala akong magawang mabuti. Wala. Walang wala.

Sabado, Pebrero 14, 2009

Lagot.

Nabalitaan na ni Mama ang nangyaring riot sa Loverage 3 kagabi, ang concert na nagpauwi sa akin sa dormitoryo ng ala una ng umaga. Nagsinungaling na naman ako, para lamang ay hindi tumaas ang presyon niya kapag mapapagalitan na niya ako. Nakakainis nga lang naman minsan na ang mga magulang ay sobrang nag-aalala sa kanilang mga anak. Hindi naman talaga iyon ang punto ko, ngunit kapag may nangyaring hindi masama sa pinuntahan ay iyon na ang magiging huling araw mo doon. Napagtanto ko nga kanina (habang ako'y naliligo) na paano na lamang iyon kapag tumanda na ang anak na hindi pa nararanasan ang mga bagay-bagay (tulad ng mga kaguluhang nangyari kagabi). Kapag ignorante siya sa ganoong bagay (at malamang ay hindi pa malaman ang dapat gawin), marahil ay isang malaking pagsubok ito kung nangyari ang isang masamang bagay sa panahong siya'y malaya na sa mahigpit na pagkakatali sa pamilya, at may pamilya na. Hindi ba'y nararapat na marami ka nang bagay na mararanasan habang bata ka pa lamang para alam mo na kung paano mo ito hahawakan pagdating ng panahon? Hindi naman tayo habang buhay na nakakabit sa ating mga magulang. Nararapat na tumayo na tayo sa ating mga paa, na wala nang ibang tinutuntungan kung hindi ang lupa. Hindi ba? Nalulungkot lamang ako dahil pakiramdam ko ay masyado nilang kinokontrol ang buhay ko. Mas nakakalungkot pa na ang panandaliang kalayaan ko mula sa pagkakahigpit na ito ay ang kasinungalingan.

Ang buwan sa itaas ng madaling araw.

Kakarating ko lang mula sa UP Sunken Garden kung saan ginanap ang Loverage 3, isang taunang concert ng UP Fair. Bale, hindi iyon ang tatalakayin ko ngayon, kahit na ang daming naganap.
Sa ngayon, ako lamang ay nakaupo (na halos patagilid na) sa may tapat ng pintuan ng Boy's Wing ng dormitoryo. Binabalak ko ngang gumawa ng bagong blogsite, na siyang sa ngayon naman ay nasa wikang Ingles.At maitataon ko naman siya sa Araw ng mga Puso. Wala na akong kongkretong plano ngayong araw na ito. Hindi ko na nga rin sigurado kung manonood pa ako mamaya ng pagtatanghal ng Boyce Avenue sa SM North Edsa - The Block. Araw ngayon ng mga puso, ngunit sana ay hindi naman iyon nakalaan sa mga magkasintahan lamang. Sana ay ilaan ito sa mga may puso.
Nakakalungkot nga lang kasi nagpalit na nga ng taon ay wala pa rin akong - oo na - girl friend. Nakakaasar. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang dapat kong gagawin. May gusto na ako, kaso ngayong linggo lang talaga kami nagkaroon ng maayos na talakayan. Waring nahihiya ako na gusto ko siya. Lingid pa rin ito sa kanyang kaalaman, at sa kaalaman ng karamihan. Siguro ay dahil masama ang naging karanasan ko ukol dito. Nakakainis. Ang sarap isuka ng nakaraan. Natatakot lamang ako sa maaari niyang maging reaksyon kung sakaling malaman niyang may gusto ako sa kanya, na kahit pa iyon ay mahirap nang paniwalaan.
Isa pa, wala pa akong lakas ng loob. Maaaring kaya ko na siyang kausapin ng panakaw, ngunit nahihiya pa rin ako na magsimula ng talakayan sa kanya. Hindi ko pa kasi siya lubusang kilala, marahil; ngunit hindi ba dapat ay mas lalo akong magsimulang kausapin siya? May gusto ako sa kanya, pero paano naman iyon kapag wala naman siyang pagnanasa sa akin? Ano na ang mangyayari? Mabubuwag ba ang aming pagkakaibigang nagsisimula pa lamang? (Tulad na lang rin ng naganap sa pagitan ko at ng aking crush noong hayskul. ) Nakakagambala. May mga katanungang nakabitin sa pagitan naming dalawa at sa aming tadhana. Hindi ko alam. Sana. Hanggang sana na lang kaya? Huwag naman.

Huwebes, Pebrero 12, 2009

Pagsapit ng dilim.

Ayoko talaga sa pulitika. Lagi na lamang akong may makakaaway kapag napag-uusupan na ang panahon ng pulitika, ang makasalanang pangangampanya, at ang madugong eleksyon. May mga taong maiinis sa iyo dahil hindi nila matanggap ang iyong opinyon. May mga tao namang pipilitin kang baguhin ang pananaw mo. May mga taong makikialam, may mga makikipag-away. Nakakainis talaga. Akala mo ba naman kung naiintindihan nila ang magiging dulot ng ginagawa nila. Nakakainis talaga. (Naulot ko na ba iyon?)
A basta. Nawa'y pagpasensyahan mo ang aking pagrereklamo. Sadyang naaasar lang talaga ako ngayon sapagkat kahit ang pulitika ay nakakasira din ng pagkakaibigan ng mga walang kinalaman dito.

Miyerkules, Pebrero 11, 2009

Muling Paghikab.

Ako'y humihikab muli sapagkat naputol ang aking unang lathalain.
Unti-unti na akong nahuhulog sa kanya. Grabe.
Kanina sa aking klase sa STS ay determinado na talaga akong maging environmentalist at sumali ng UP Haring Ibon sa susunod na semestre o sa summer. Si Carlos Primo C. David kasi ang nagsalita sa aming klase kanina, ukol sa mga ideya at sa kanyang ginagawa paukol sa krisis sa tubig. Isa lang ang masasabi ko du'n. Ang galing.
Sa Malikhaing Pagsulat naman ay nag-ulat kami ni Belle. Parang wala lang iyon, walang kahirap-hirap na ginawa. At nahihiya ako sa ginawa ko noon. Binigyan naman ako ni Will Ortiz ng isang libro dahil naging mahusay raw ang aking ginawang personal na sanaysay, ukol sa pelikulang 100. Ang librong iyon ay tila gabay sa paggawa ng mga personal na sanaysay, Turning Life into Fiction. Ugali naman raw ni Ma'am Will na magbigay ng mga libro sa kanyang mga estudyanteng nakita niyang mahusay sa klase. Kaya hindi lamang ako ang nabigyan ng libro. Nabigyan din ang dalawa ko pang kaklase, ng mga libro tungkol sa kwento sa Latin America.
Nakakatuwa ang araw na ito. Sobra. At plano kong matulog ng maaga (bandang 10.00 ng gabi dapat) para naman makabawi ako sa mga pagpupuyat na nagawa ko. Sana naman ay maging maayos pa rin ang lahat. Sige, magwawakas na ako rito.

Hikab sa gitna ng hapon.

Naiinis ako sapagkat nagpuyat na naman ako kagabi (o kanina). Mas malala, nagising na ako ng 8.00 ng umaga, kahit na 6.30 pa nag-iingay ang mga cell phone ko. Asar, sabi ko sa aking sarili. Nakapangako na nga pala ako sa mga kasamahan ni Kuya Oyie na sasama ako sa pagkakampanya nila sa 8.30. Hindi naman ako makakahabol no'n, lalo na't sobrang inaantok pa talaga ako. Kaya ayun, humingi na lang ako ng paumanhin at sumang-ayon na bibisita sa kanilang booth mamaya-maya.
Nagbasa muna ako ng Palihan at naligo. Matapos no'n ay lumabas ako upang magbayad ng bayarin sa dormitoryo, mag-withdraw ng pera, magpa-repair ng polo, at 'yon lamang. Bumalik ako sa dormitoryo upang kumain ng tanghalian (kahit na 10.30 pa lamang iyon) at umalis na papunta sa klase.
Binigla ako ni *crush* sa pagsabay sa akin sa paglalakad. Alam ko naman na nasa likuran ko lang siya, pero hindi ko akalaing kakausapin niya nga talaga ako.
'Yan lang muna. Kritikal na ang kondisyon ng baterya ng laptop ko.

Lunes, Pebrero 9, 2009

Guho.

Blanko ang isip ko ngayon. Sa katunayan, masakit na naman ang ulo ko. Nakakainis talaga.
Ngayon ay tinitingnan ko na lang ang mga litrato na in-upload ko sa aking Multiply site. Wala lang. Nagbabalak na ibalik ang mga nawawalang nakaraan. Nagbabaka sakaling maging maayos ang lahat sa isang iglap.
Sa panahong ito ay tila hindi angkop ang pamagat ng blogsite ko. Wala akong ginagawa sa ngayon upang abutin ang mataas na kalangitan, ang mataas na pangarap.

Linggo, Pebrero 8, 2009

Sulok.

Hindi niya alam kung saan siya patutungo.
Wala siyang mapuntahan.
Lagi siyang bumabalik sa kanyang pinanggalingan.
Tila ba'y mayroon siyang pilit pinupuntahan, pilit tinatakasan.
At sa isang sulok siya namalagi sa pagsikat ng araw.
Bumuhos na ang ulan at wala pa rin siyang magawa.
Nakakulong lamang siya sa isang buhay na miserable.
Hanggang napagtanto niyang ako at siya pala ay iisa.

Sabado, Pebrero 7, 2009

Hugutin ang pusong pula.

Ang lungkot ko talaga ngayon. Tipong hanggang ngayon ay wala pa ring laman ang sarili ko. Parang espasyo lamang ang nasa loob ko. Malapit na nga rin pala ang araw ng mga puso. Wala naman akong makakasama sa araw na iyon. Hindi rin magiging mahalaga sa akin. Nakakalungkot nga naman sapagkat hanggang ngayon ay mag-isa pa rin ako. Hanggang ngayon ay hindi pa rin binibigyang sagot ng Diyos ang katanungan, kahilingan ko. Sana naman ay mabigyan na niya ako ngayon ng aking pangangailangan. Nalulungkot talaga ako. Tila ba'y ang puso ko'y hinuhugot palabas upang hindi na ito tumibok pa at upang maging miserable na ako habang buhay. Tulungan mo sana ako.

Paglalakbay sa walang hanggan.

Ramdam na ramdam ko ang matinding init dito sa kwartong itong punong-puno ng mga computer na naghihintay ng mga taong malugod na gagamit sa kanila upang mag-internet. Malungkot na naman ako, mag-isa, walang makasama. Hindi ko maintindihan ngunit ako lamang ay sadyang nangangailangan ng isang mabuting kaibigan. Hay ewan. Nalulungkot lamang talaga ako.

Biyernes, Pebrero 6, 2009

Ikaw at ako, magkatabi sa harap ng pisara.

Bigla ko lang naalala ang sandaling panahon na tayo'y nasa harapan ng pisara, magkatabi, noong tayo'y nasa hayskul pa lamang. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ayaw mo akong kausapin, kahit na lamang sa sandaling iyon. Hindi ko mabatid ang nais mong ipahiwatig sa iyong hindi pagkibo. Ang nasa isip ko lamang noon ay gusto kitang mahawakan, makausap muli. Isang kahihiyan nga ba ang nagpalayo sa ating dalawa? Gusto kitang tanungin. Bakit ka pilit na lumalayo sa akin ngayong gustong-gusto ko nang mapalapit sa iyo, mapasaiyo? Bakit ba naman ikaw lalayo - sa lahat ng panahon, ngayon pa, ngayon pang nahuhulog na ako sa iyo? Hindi mo ba ako kayang harapin, kahit na wala nang taong nakamasid sa mga kilos nating dalawa? Kung kasalanan mang nahulog ang loob ko sa iyo nang tayo'y malapit pa lang na magkaibigan, sana ay buong puso mo akong mapatawad. Sana ay tumingin ka sa aking muli, magtawanan tayo, maglakad maghapon. Sana ay hindi mo na ako layuan, ngayon pang tunay na tayong magkalayo sa piling ng isa't isa. Sana ay malugod kang sumagot sa mga pinapadala kong mensahe, sapagkat sabik na sabik na ako sa iyo. Huwag mo na sana silang pansinin, mga mapagmasid sa ating paligid, dahil mapapagod rin sila sa pagsubaybay sa ating kuwento. Sana ay maging tayo, tayong dalawa, lalo na't ngayo'y ako'y nangungulila. Yakapin mo sana ako ng mahigpit, dahil ako'y unti-unti nang nawawalan ng pag-asa, naglalaho na parang sikat ng araw sa nagbabadyang gabi.

Alikabok sa hangin.

Ngayon ay suot ko ang damit na inutang ko kay Pie ng 50 piso para mabili na ito agad. Mr. Snapshot. Hindi ko mawari kung bakit ko pa kailangan talagang umutang para lang mabili ang damit na ito. At sa dulo ng lahat, dumagdag lang rito ang panibagong utang na dapat kong bayaran. Ngunit mas lalong hindi ko mabatid ang 'ito' na aking nararamdaman. Tila ako'y bumubulusok, kahit na lumilipad pataas. Hindi ko talaga maintindihan ang sarili. Tila ba ay isa akong alikabok na patuloy na dinadala ng hangin sa panibagong pook, panibagong pakiramdam, panibagong karanasan. Ngunit wala akong ideya kung saan hahantong ang kahibangang ito. Hindi ko alam.

Miyerkules, Pebrero 4, 2009

Ikaw sa aking panaginip.

Nais kitang makita, mahawakan, mahalikan.
Nais kong ako'y mapasa'yo.
Ngunit kung hindi'y mas nanaisin ko pang maglaho, parang bulang mawawala sa paglayo sa iyo.
Sana ako'y iyong makita, mapakinggan.
Sana lamang ito.
Ngunit kung ika'y mananatiling nasa panaginip lamang,
nawa'y hindi na ako magising
upang makontento habang buhay sa iyong piling.

Lunes, Pebrero 2, 2009

Sa saliw ng musika ng mga kuliglig.

Katatapos ko lang kumain: hotdog silog ng Bogchi na inutang ko pa kay Gilbert. Walang-wala na akong pera. Inubos ko ito kanina sa pagbili ng tig-12 na turon habang hinihintay ang aking mga kagrupo sa aming magaganap na debate bukas. Hindi pa ako kinakabahan para doon, kahit na ako pa ang lider ng oposisyon sa gagawing pagtatalo - hindi pa.
Blogger, Plurk, Friendster, Multiply. Habang nag-iisip ako ng idaragdag sa lathalaing ito, tinitingnan ko ang Plurk profile ni Samjhoy (at hindi ko siya kilala) at ang mga larawan sa Friendster account ni Yvyz. Kasalukuyan ring tumutugtog ang 'Salamat' ni Yeng Constantino. Hindi ko naman siya gaanong gusto; nangyari lamang na naka-shuffle mode ang aking media player. 41.74 na ang karma ko sa aking Plurk account. At hindi pa rin mawala sa aking isipan ang pagkawalay. Hay. Nangangailangan ako ng isang matalik na kaibigan. At sa totoo lang, hindi ko pa siya nakikita ngayon. Naku.

Pagsibol ng liwanag sa nagbabadyang dilim.

Naiinggit ako kay Kuya Christian sapagkat nakatagpo na siya ng isang matalik na kaibigan.
Kelan ko kaya matatagpuan iyon?
Sa mga hindi nakakaalam, matagal na akong nagmamakaawa sa Diyos para doon. Siguro nagsimula pa noong nasa ikalawang taon ako ng sekondarya, nang tuluyan na akong nawalan ng kaibigang "matalik". Ewan ko ba. Ilang taon na rin ang hinintay ko para dito. Hindi pa rin ba ako magkakaroon?
Ay naku. Ang lungkot talaga ng buhay.
Sana nga dumating na siya bukas. O mamaya. Basta. Basta ngayon na.