Ang tanging liwanag na sa kanya'y bumabalot,
Siyang kawalan ay kaniyang pinagmamasdan;
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.
Sa maruming sulok ang hatinggabi'y kanyang ipinaabot,
Sigàng kahel ay sadyang hinahayaan;
Ang tanging liwanag na sa kanya'y bumabalot.
Unti-unting inalala ang mga sandaling ikinalimot,
Ang pagdurusang sa kanya'y naglalaman;
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.
Mga sandaling sa kanya'y muling bumabangungot,
Akala'y sa kadiliman siya'y may mapagtatakasan;
Ang tanging liwanag na sa kanya'y bumabalot.
Ang nasawing puso'y pilit kinakalikot,
Kung may puwang pang kaligayaha'y maaaring mapagsidlan;
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.
Mga upos ng sigarilyo'y sa kamay inihakot,
Ipinunas sa mga pisnging pinagluluhaan;
Ang tanging liwanag sa kanya'y bumabalot.
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.