Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Linggo, Marso 15, 2009

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Bigla lang tumugtog sa aking isipan ang kantang "Kwarto" ng Sugarfree. Nakakatuwa.

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Hindi ko mawari kung bakit siya biglang tumugtog. Marahil ay nalalapit na ang aming (o kanilang) pag-alis (sapagkat magsa-summer class pa ako) sa dormitoryo ng Kalayaan. Nakagawa na ako ng ganitong klaseng lathalain sa blogsite ko sa Ingles at dorm prophecy naman ang akda ko sa Sigaw, ang magasin ng aming dormitoryo.
Nakakabaliw na.
Ewan. Wala akong gaanong masabi. Hindi naman gaanong sayang ang aking pagtutuloy sa dormitoryo, ngunit nakapanghihinayang lamang sapagkat hindi man lang kami naging gaanong malapit ng aking roommate. (Ano ba naman iyan. Lagi mo na nga lang nakakasama hindi mo pa nakakausap. Anong klase naman iyon hindi ba?)
Hay. Ewan ko talaga. Wari'y may lihim siyang pag-ayaw sa akin na hindi ko naman mabatid kung ano. Ano nga ba? Hindi ko alam. Dati pa ay hinihintay ko na lamang siyang magsalita at kausapin ako, sapagkat kapag kinakausap ko siya'y napapansin kong hindi naman talaga siya interesado. Maikli ang bawat sagot; bitin ang bawat salita. Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Lunes bago kami umalis ay binigyan ko pa siya ng regalo. (Siyempre, hindi naman ako umaasa na bibigyan niya ako. Sanay naman akong hindi binibigyan ng regalo, kahit malungkot ang ganoon. Kaso kakaiba nga lang sa pakiramdam na magbigay ng isang regalong taos-puso sa isang taong hindi mo naman gaanong kilala.)
Medyo pinakapal ko na nga lang ang pagmumukha ko at in-add siya sa Friendster ngunit iyon lang iyon. Habang nalalapit ang aming paghihiwalay ay mas lalong wala na akong gustong mangyari pa. Nakakasawa namang kumilos na lamang lagi. Nakakatamad. Nakakapagod. Ewan ko. Hindi naman ako ganito. Pero ibang kaso kasi ito ngayon. Ewan ko talaga. maging ako'y hindi ko maintindihan.
Ang saklap nga lamang dahil sa sampung buwan naming pagsasama ay hindi ko man lang siya lubusang nakilala. Maging ang kanyang lubusang pagkamatalino ay kailangan ko pang malaman sa ibang tao. Kahit ang kanyang pagkainis sa akin dahil hindi ko pinapatay ang ilaw tuwing gabi (dahil mas masarap para sa aking matulog na nakasindi ang ilaw) ay kailangan pang iparating sa akin ng iba. Para iyon na nga lang, hindi pa kayang sabihin sa akin? Ewan ko ba. Naaasar ako sa tuwing naaalala ko ang sakit na aking naramdaman nang malaman ko iyon sa isang nagpapanggap na kaibigan. Parang pakiramdam ko'y tinatraydor ako, kahit hindi naman talaga. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit hindi niya ako magawang kausapin. Kinakausap naman niya ang iba, ngunit bakit ako pa'y hindi e araw-araw naman kaming nagkikita?
Oo, subalit ang araw-araw na iyon ay laging panahon ng pagtulog, paggising. Iyon lang. Sa pagpasok nga sa aming kwarto ay agad na mahahalatang hindi siya laging namamalagi sa aming kwarto. Tila tulugan lamang ito. Magkikita na lamang kami sa silid na ito kapag siya'y matutulog na, o tulog na mismo. Nakakaasar talaga. Wala man lang akong panahong makausap siya ng masinsinan at makilala siya, o basta ganoon.
Siguro'y dalawang beses lamang kaming nagkasabay na kumain, walang imikan. Noong una kaming nagpagupit ay sabay rin kami, wala ring imikan. Ngunit noong mga unang araw ay maayos naman ang lahat, tila sumusunod sa mga gusto kong mangyari. Nanood kami ng pelikula, at wala rin namang imikan pero ayos lang; nag-usap kami tungkol sa relihiyon at sa mga ganoong bagay; nung isang gabing wala siya'y sandali ko siyang naka-text, nang namali ako ng pag-send ng mensahe't sa kanya nakarating. Ngunit ang ngayon ay hindi na dati. Ang bilis. Nakakabigla, kung tutuusin. Parang unti-unting lumalayo sa akin ang mga alon ng nagmumukmok na dagat.
Naiinis ako sa sarili ko. Naiinis ako dahil hindi ko naabot ang aking mga nais mangyari para sa aking pamamalagi sa dormitoryo na naglalaro na sa aking haraya noong tag-init pa lamang. Akala ko nga'y makakatagpo ng best friend dito, kahit man lang hindi sa katauhan niya.
Nakakaasar. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin. Paminsan-minsan ay nagagawa ko namang kausapin siya, sa tulong ng mga pagtatanong, ngunit lagi na lamang maiikli ang kanyang mga salita, na tila'y nagpapahiwatig na walang dapat umusbong na usapin tungkol roon. Parang bawat sagot ay may nakatagong "Manahimik ka nga" o "Huwag mo akong kakausapin". O 'di kaya'y medyo nahihibang lamang ako?
Naiinis ako dahil hindi ako yaong ma-pride na tao. Lagi na lang nagbabaka-sakali; lagi na lang may pangalawang pagkakataon. Ngunit sa bawat pagkakataon, lagi na lang walang nangyayari, tila isang normal na araw na lang na dadaan at sasagasain ang iyong pantasya.
Sa mga sandaling ito'y naiiyak na ako. Gusto ko nang lumipas ang panahon, makaalis sa silid na ito at makalipat na ng dormitoryo. Pero ewan. Pakiramdam ko lamang ay masaklap sa akin ang pagkakataon at tila wala na akong magagawa upang mabaliktad iyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento