Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Miyerkules, Enero 27, 2010

Tatlong tao.

Hindi kita gusto ngunit labis akong naiinis kapag ganito.
Yung tipong mayroong bagay na hindi mo nais ipaalam na alam naman ng karamihan.
Nakakaistorbo. Nakakairita.
Halata naman e. Sana sinabi mo na lang. Kapag nasabi mo na, wala naman siguro akong pakialam dun.
Ngunit hindi ko lubos maintindihan kung bakit ayaw mong ipaalam sa akin. Wala naman iyong kinalaman sa akin e.

Ang hirap. Ang hirap mong intindihin.
Hindi naman sa may gusto ako sayo ngunit unti-unti na kasi akong nawiwili.
Tila ba'y sa isang mabilis na sandali'y pakiramdam ko'y katabi ko ang isang matagal nang matalik na kaibigan.
Tila ba'y matagal na tayong magkakilala sa bawat saglit na tayo'y magkadikit, sapat na ang katahimikan.
Sabik na sabik akong ikaw ay yakapin, pero siguradong maninibago ka.
Mukha kasing hindi tama.
Ngunit hindi. Hindi ka naman isang ilusyong kailangan ko na namang buhayin e.
Kaso nga lang, kapag kasama kita, naaawa ako sa sarili ko. Pakiramdam ko'y pinagkaitan ako ng matalik na kaibigan, ng pagkakaibigang tiyak na walang iwanan.

Sana hindi ka na lang ganyan.
Sana ikaw na lang 'yung babaeng iniisip kong gusto ko.
Sana minsan hindi lang isang iglap ang iyong paglingon sa akin, ang iyong pagkausap.
Sana paminsan minsan tumagal naman ang atensyon mo sa akin.
Sana akin ka na lang.

Lunes, Enero 4, 2010

Gahaman na sa pahinga.

Natapos na ang Pasko, nagtapos na ang taon, at magtatapos na ang matinding pagpapahinga mula sa pag-aaral dahil ngayong linggo ay babalik na naman ang karamihan sa atin sa isang matinding pagsubok: ang pasukan.
Bago pa man ako lumuwas mula Maynila patungo sa lungsod ng Heneral Santos ay alam na alam ko kung ano ang mga gawaing dapat kong matapos bago pa man bumalik sa unibersidad. Kung ikukumpara marahil sa iba, hindi naman mabigat na gawain ang kailangan kong magawa. Mayroon akong isang proyekto sa Italian 11 kung saan kailangan kong magawa ang isang talaarawan para sa labindalawang araw: ika-21 ng disyembre 2009 hanggang ika-01 ng enero 2010. Oo, ginagawa ko naman ngunit ngayon ay ika-04 na ng enero at nagsisimula pa lamang ako sa pagsulat sa mga pangyayari noong ika-27 ng disyembre. Kailangan ko ring tapusin ang pagsulat muli sa aking mga notes mula sa mga leksiyon, ngunit naubusan na ako ng refiill ng binder at walang mapagbilhan ng refill para sa malaking kwaderno kahit saan mang bookstore dito sa lungsod. Kailangan kong magbasa (at mag-highlight) ng kahit limang (mahahabang) kabanata lamang ng Ekonomiks 100.1 at 100.2. Tapos ko na ang isang kabanata. At kaninang umaga ay natuklasan ko na may pagsubok na ipinadala sa amin ang aming teaching fellow sa Ekonomiks 100.1 ngunit laking pasalamat ko nang malamang hindi naman pala ito kailangang ipasa.
Bale, halos wala akong natapos na takdang aralin buong break. Wala talaga.
Bawat araw lagi lamang akong nasa kwarto, laging nakahiga, nakaharap sa laptop at naglalaro ng The Sims 3 o 'di kaya naman ay nag-iinternet at tila laging may inaantabayanan sa Facebook at Plurk. Kung hindi naman laptop ang kaharap ko, kaharap ko naman ang pagkain. Bago pa man ako umalis ng Maynila, paulit-ulit nang sinasabi nang aking mga kaibigan na matakaw na raw ako, at paulit-ulit ko namang sinasabi na tumataba na ako. Kaya ngayon, mas naging matakaw pa ako lalo. Kain na ako ng kain. Kung sa dormitoryo ay tasa ng kanin ang sukatan, dito sa bahay naman ay plato! Kaya nakaka-ilang plato na rin ako ng kanin kada araw sa bawat agahan (kung nagising man ng maaga), tanghalian, at hapunan. At napapadalas na ako ng sobra sa Jollibee at KFC. Kung hindi pritong manok ang nilalamon, aba'y mamantikaing french fries naman ang laging laman ng bibig. Isama na rin ang malangis-langis na supot ng mani na laging binibili kapag nasa mall. At kung hindi naman ako kumakain, natutulog naman ako. Nakakailang oras na ako ng tulog bawat araw. Magsisimula akong matulog sa madaling araw, magigising bago magtanghali, at palilipasin na naman ang hapon sa pagtulog. Mga kaibigan, ganito po ang pagpapalaki sa isang baboy. HAHAHA.
Naku, ayoko nang tumaba. Ngayon ay nararamdaman ko na ang aking tiyan na tila iniluluwa ng aking suot na jogging pants. Ngunit katanggap-tanggap namang masikip talaga sa katawan ko ang suot-suot kong t-shirt na PE uniform ko noong nasa ikalimang baitang ko pa lanmang sa elementarya.
Hay. Kagagawan ito ng chocolate cake, Rocky Road ice cream, liyempo, at fruit salad na inihanda noong bagong taon para sa media noche. (Kakaunti lamang kasi ang inihanda noong Pasko para sa noche buena: litsong manok, liyempo, at macaroni salad.)
At natatakot ako para sa linggong ito. Baka tuluyan na akong tamarin at mamadaliin ko na naman ang mga dapat kong gawin. Idagdag mo pa ang kahindik-hindik na pag-aayos pagbalik sa kwarto sa dormitoryo bukas ng hapon (kung sakaling hindi na talaga ako pumasok sa mga klase ko).
Ay naku talaga!
Kung naging ayos rin naman ang pagpapahingang ito, hindi ko rin masasabing maayos nga. Ilang linggo rin ito ng walang ginagawa at puro lamang kama ang lagi kong kasama. Dalawang beses lang nagkaroon ng kitaan sa mga kaibigan. (Oo, nagtatampo na rin yata ako sa kanila.) Kada gabi (at gabing-gabi) lamang nagagawa ang mga takdang aralin. Hindi maganda para sa kalusugan ang nakaugalian. At higit sa lahat, nagiging mas lalo akong makasarili, na tila ako lamang ang mahalaga sa mundong ito. NAKU.

Bale ito nga ang una kong lathalain para sa taong ito. Mga inaasam ko ngayong taon? Saka na lang, dahil sa totoo lang, ngayon lang ako nagkaganang magpindot sa palapindutan at ang oras ngayon ay 01.41 ng umaga. Kamusta naman iyon 'di ba? Pero ang isa sa mga resolution ko ngayong bagong taon ay ang paglalathala sa mga blogs ko ng mas marami kada buwan, o 'di kaya'y kada linggo. :)

Mahaba-habang lathalain ito ngayon mga 'tol. Bale, sa susunod na pagsusulat! :)