Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Lunes, Setyembre 19, 2011

Talon.

Unti-unti akong nilalamon ng aking sarili.
Nilulunod ako ng aking mga tula, ng aking mga salita.

Walang tigil na naglalakad ngunit walang kalsada.
Walang humpay na umiikot ang mundo, wala namang patutunghuhan.

Naghahari ang dilim, bumubulusok ang mga ulap.
Bumubuhos ang ulan.

Mabigat, masakit.
Ang bawat patak. Ang loob.

Tanaw ko ang buong siyudad.
Tanaw ko pareho ang kaniyang babaw at kaniyang lalim.

Talon.

Wala na akong maintindihan.
Wala na akong maramdaman.

Huwebes, Abril 14, 2011

Atin ang Gabi

Hawiin natin ang ulap,
Lusubin natin ang sangkalangitan;

Bigkasin mo ang bawat salita,
Sambitin ang bawat dinarama;

Abutin ng mga kamay ang kawalan,
Lasapin ang walang hanggan;

Damahin ang bawat ponema,
Makinig sa daloy ng musika;

Hubarin ang katauhan,
At humandusay sa damuhan;

Gawing atin ang gabi,
Atin ang atin magpakailanman.

Linggo, Pebrero 20, 2011

Maya't Maya

Maya't maya
Ika'y malulunod nang muli
Sa iyong pag-aakala,
Sa iyong mataas na paniniwala,
Na ika'y lubos na nag-iisa.

Maya't maya
Ika'y walang ibang maririnig,
Hindi ni isang pintig
Ng iyong pusong nagsusumamo,
Nagsusumigaw,
Na sana'y pakawalan mo na ito.

Maya't maya
Ika'y mabubulag,
Walang makikita kahit repleksyon ng sarili,
Dahil sa maskarang gayak
Ay sadyang nakakubli,
Ang buong buo at napakalinaw
Na katotohanan.

Maya't maya
Wala ka nang maisasambit,
Maisisigaw,
Sapagkat inubos na ng iyong poot
Ang tamis ng boses na siyang
Pinakaiingatan.

Maya't maya
Ika'y walang mararamdaman,
Kahit saktan mo pa ng
Paulit-ulit
Ang sarili ay wala ring
magagawa.

Maya't maya
Ika'y maglalaho.

Linggo, Enero 30, 2011

Ang Unang Pagtatapos.

Hindi kita matingnan sa mata.
Sa bawat pagtawag mo sa aking pangalan,
Kahit kaharap lamang kita,
Kahit magkadikit lang ang dibdib nating dalawa,
Hindi kita kayang titigan.

Niyakap mo na lang ako.
Hindi bale nang hindi ako makasagot,
Hindi bale nang hindi ako makatingin,
Basta ba't nakatayo lamang tayo rito,
At hinagkan mo ako.

Rumagasa ang iyong mga luha.
Sa mainit mong yakap sa akin
Ay siyang mainit ring pumatak,
Unti-unti at padaloy-daloy,
Umiyak ka.

"Carlo."

Sambit mo.

Naramdaman ko ang lamig ng iyong mga kamay
Kasabay ng lamig na nangingibabaw sa aking puso.
Nakatulala ako sa malayo
Habang ika'y titig na titig sa akin.

Hindi kita matingnan sa mata.

Biyernes, Disyembre 31, 2010

Alaala.

Sa kanyang muling pagpindot sa mga letrang nakalapat sa mga itim na kwadradong nakadikit sa kanyang kinalalagyan, muli't muling nanunumbalik ang mga alaala ng nakaraang tila saglit niyang nakalimutan, mga alaalang sa matitingkad na kulay nananakot, nambibigla, mga alaalang nais siyang dalhin pabalik sa panahon nitong masalimuot, mapait, mahapdi.
Mga alaala, oo, mga alaalang akala'y naibaon na sa limot, mga masasamang pangyayaring naidulot o idinulot, mga dating nagkukubli lamang ay siyang nagsilitawan at ngayo'y nanghahamak sa kanya.
Mga alaala lamang, oo, ngunit ang muling panunumbalik ng mga ito'y waring pilit siyang idinadala, kinukuha ang kanyang mga kamay at kinakaladkad siya sa kanyang huling hantungan, sa kanyang huling pagkakalagyan.

Abo, lupa, apoy.
Mga alaalang akala'y naibaon na sa limot, sila pa ang siyang nanghamak sa kanya't nagbaon sa kanya sa lupa, sa kanyang huling kamatayan.

Lunes, Nobyembre 15, 2010

[Wakang titulo]

"E kung sabihin kong -"

Agad kong binura ang nai-type kong mensahe na ipapadala dapat kay Carlo. Sadyang palakas ng palakas ang bawat tibok ng aking puso, ang aking mga kamay ay namimintig, nanlalamig ako sa kakaibang pawis na inilalabas ng aking balat. Kaya ko bang sabihin sa kanya? Ano naman kayang ire-reply ng mokong?

"Tol, -"

Nokia tune. Carlo calling. Answer. Reject. REJECT.

Putang ina. Bakit tumatawag si Carlo?

Nokia tune. Carlo calling. Answer. Reject. REJECT.

Nokia tune. Carlo calling. Answer. Reject. ANSWER.

"'Tang ina mo naman Lorenzo, ba't ayaw mong sagutin?! Ano bang problema mo 'tol?" Sigaw niya sa phone. E ano ba ang problema ko?

"'Tol, sorry kung niligawan ko si Maya. E hindi mo naman sinasabi sa 'kin na gusto mo siya e!" Dagdag pa niya.

"Gago. Hindi kasi gano'n e." Sabi ko naman.

"E ano?" Tanong niya. Hirap akong buuin sa mga nabibigkas na salita ang aking gustong sabihin. Tila ayaw lumabas sa lalamunan ko ng pangungusap.

"Tol, ano? Putang ina naman sagutin mo ako!"

"Carlo gusto kita." Sabi ko.

"PUTANG INA. Anong sabi mo?" Malutong na dumagundong sa aking tenga ang kanyang pagmumura.

"Sabi ko, gusto kita." Bigkas ko naman ng marahan.

"Putang ina."

"Putang ina mo rin, pare."

"Putang -"

Call ended. Duration: 0:47


Miyerkules, Oktubre 20, 2010

Plorera.

Pagbaba niya mula sa kanyang kotseng dilaw ay agad siyang sinalubong ng malalakas na tahol ng limang hindi pamilyar na mga aso, pare-parehong maliliit, mabalahibo, mapuputi, na nagpupumilit lumabas sa gate upang kilatisin ang bisita. Pinisil niyang maiigi ang matigas na pindutan ng door bell. Sa isang kisapmata natanaw niya ang anyo ng isang babae, marahil nasa hantungan na ng pagiging kuwarenta, na nagmamadaling pumunta sa gate.

Ang kanyang ina.
Napansin niyang hawak-hawak ng kanyang ina ang isang plorera, asul na porselana, maliit, may karumihan ng kaunti, kasama ng isang maruming pamunas na telang hindi mo akalain na kulay puti.

Bumuhos ang mga luha.

Sabado, Oktubre 9, 2010

Pagtila.

Lilipas rin ang mga araw
Na ang mga luha
Na siyang dumadaloy sa
Mga matang madidilim,
Matang puno ng lihim,
Ay matutuyo,
Mawawala.

Lilipas rin ang mga araw
Na ang delubyo,
Ang masamang panaginip,
Na ayaw tumigil
Sa pagkaripas
Sa loob ng imahinasyon,
Ay matatapos,
Mawawala.

Lilipas rin ang mga araw
Na ika'y maglalaho,
Matutuyo,
Mawawala.

Titila rin ang ulan.

Lunes, Setyembre 20, 2010

Sa madilim na sulok ng madaling araw.

Ang tanging liwanag na sa kanya'y bumabalot,
Siyang kawalan ay kaniyang pinagmamasdan;
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.

Sa maruming sulok ang hatinggabi'y kanyang ipinaabot,
Sigàng kahel ay sadyang hinahayaan;
Ang tanging liwanag na sa kanya'y bumabalot.

Unti-unting inalala ang mga sandaling ikinalimot,
Ang pagdurusang sa kanya'y naglalaman;
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.

Mga sandaling sa kanya'y muling bumabangungot,
Akala'y sa kadiliman siya'y may mapagtatakasan;
Ang tanging liwanag na sa kanya'y bumabalot.

Ang nasawing puso'y pilit kinakalikot,
Kung may puwang pang kaligayaha'y maaaring mapagsidlan;
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.

Mga upos ng sigarilyo'y sa kamay inihakot,
Ipinunas sa mga pisnging pinagluluhaan;
Ang tanging liwanag sa kanya'y bumabalot.
Tinatanaw ang nililikhang usok sa hangin.




Lunes, Agosto 16, 2010

Hanggang sa muling pagsikat ng araw.

Lagi't lagi na lamang tayong
nahihirapan,
nasasaktan,
nabibigo,
napapagod.

Lagi't lagi na lamang tayong
nagrereklamo,
naghahangad,
naghahanap,
nagtatanong.

Lagi't lagi na lamang tayong
nagtataka,
napapatanto,
nalulumo,
nalulunod.

Ngunit ngayon, sa ating pagsasama,
lagi't lagi na tayong magiging
masaya,
kakayanin ang bawat pagsubok ng isa't isa,
aabangan ang bawat bagong umaga.
Sana.

Marahil tayo'y magkasawaan din at humantong pa sa isang tahimik na pagsara ng ating aklat,
ngunit bago man dumating ang nakapanlulugmok na sandaling iyon,
magkatabi nating lalasapin ang lalim ng gabi, hanggang sa muling pagsikat ng araw.

Mahal na mahal kita.

Sabado, Hulyo 24, 2010

Dingding.

Isa akong dingding.
Isang haligi na kahit anong punto de vista mo man tingnan, ganoon pa rin. Isang dingding.

Isa lamang akong sagabal, isang malaking harang.
Isa lamang akong balakid, sumpa sa iyong kinaroroonan at tampalasang pipigil sa iyo na makarating sa iyong nais paroonan.

Isa lamang akong haligi, blankong blanko.
Hindi mo kilala, pwede mong kausapin, pagalit man o kung ano.
Maaari mong buhusan ng sama ng loob sapagkat wala kang makikitang reaksyon mula rito.
Maaari mong buhusan ng galit, suntukin, sigawan, hampasin, kahit ano.
Hindi naman siguro ako mababali, matatanggal, guguho.
Wala naman dapat akong damdamin e.

Biyernes, Hunyo 11, 2010

Kapag lahat na lamang ng bagay..

Paminsan-minsan ay nakakabahala ang mga panahong wala akong ginagawa.

Ngunit may karapatan ba akong magreklamo?
Unang linggo pa lamang ng pasukan ay tinambakan na ako ng mga araw-araw na pulong, mga babasahing kailangan para sa diskusyon sa klase, mga pag-aabala ng mga kataas-taasan sa mga nasalihang mga organisasyon, mga nakakalulang responsibilidad na, inaamin kong lubos, hindi ko man sigurado kung kaya ko ngang gampanan. Nakakalula.

Subalit sadyang nananadya ang kapalaran at nasunog ang parte ng Chemistry Pavilion na siyang nagpakawala ng mga kemikal na maaaring makakitil ng mga buhay ng mga estudyante, guro, kawani, o sino pa mang mapapadaan malapit sa kumpol ng mga gusali ng Palma Hall at ng mga pavilions ng Biology, Physics, at Chemistry. Ito na ang nagbigay sa akin ng isang kakaibang pagkakataon na gawin ng maayos ang lahat ng mga naatasan akong gawin bago pa man dumating ang isang bagong mahirap na linggo. Ito na, hawak ko na ang lahat ng oras na kailangan ko, ngunit narito lamang ako sa aking kama na nakadapa at nagsusulat ng lathalaing ito.

Aba, tila hindi sapat ang oras na nakatitig na sa aking mga mata upang magawa ang lahat ng aking dapat gawin. Nakakalimutan ko rin matapos ang ilang oras ng pagtutunganga ang orihinal kong planong gawin. Hindi ko na maalala kung kailan ang mga pasahan, kung ano ang mga gagawin, kung ilan ang problema. Ang hirap ng wala sa tamang pag-oorganisa ng sarili.

Kaya nga nakakabahala ang walang ginagawa.

Hay. Kapag lahat na lamang ng bagay ay ganito.

Linggo, Mayo 16, 2010

Talim.

Kung sa bawat paglingap ng iyong mga kamay sa aking dibdib,
Kung sa bawat pagkapit mo sa aking buhok,
Kung sa bawat pagtitig mo sa aking mga mata,
Kung sa bawat pagdampi ng labi mo sa aking bibig,
Kung sa bawat pagbanggit mo ng pangalan ko





Ay siya pa rin naman ang laman ng utak mo,
Habang pinapaniwala mo akong mahal mo ako,
Habang pinipilit mo ang sarili mong ipatakbo ang ilusyong ito.

Sabado, Abril 24, 2010

Hanggang kailan pa ba kayo maghihintayan?

Hanggang kailan pa ba kayo maghihintayan?
Tila kayo'y mga hibang na nag-iiwasan, nagsasakitan, nagsasamaan ng loob.
Ngunit sa huli'y alam na alam niyong gustong gusto niyo talaga ang isa't isa.

Hanggang kailan pa ba kayo maghihintayan?
Naiinip na ang oras sa inyong matagal na pagitigil, paglayo.
Pag-ikot ng mundo'y unti-unting nagmamadali para lamang magtagumpay ang pagiging kayo.

Hanggang kailan pa ba kayo maghihintayan?
Alam niyo naman na gustong gusto niyo ang isa' isa, yakapin, halikan, mahalin.
Ngunit hindi niyo nga pala batid ang inyong nararamdaman.

Hanggang kailan pa ba kayo maghihintayan?
Tila kayo'y mga hibang na nag-iiwasan, nagsasakitan, at nagsasamaan ng loob.
Hindi na nga nakapagtataka, nagpapanggap lamang kayong hindi kilala ang isa't isa.

Hanggang kailan pa nga ba?
Gusto niyong tapusin na, tigilan na, magkalimutan na lamang.
Ngunit sa huli'y alam na alam niyong gustong gusto niyo talaga ang isa't isa.

Miyerkules, Marso 10, 2010

Mortuaryo. [Monologue]

Naisulat naman natin ang ating huling pahina, hindi ba?
Hindi ba't inilatag na natin sa walang kamalay-malay na papel na iyon ang ating huling salita?
Nasaan na ang aklat na ating isinabuhay?
Nasaan na ang aklat, nais ko itong mabasang muli!
Nais kong isaalaala nang makailang ulit pa ang ating pagsasama.
Nasaan na ito, sabihin mo!
Nais ko itong makita, mahagkan, halik-halikan bawat titik na ating isinahugis gamit ang iyong pluma.
Oo!
Ang iyong plumang itinusok mo pa sa iyong braso para magkaro'n ng tinta, tinta na siyang sagisag ng iyong buhay, ng iyong pagkatao.
Hindi ba't naisunog ko na rin ang plumang iyon?
Bakit ay buong buo ko pa itong naaalala, nakikita sa aking isipan?
Diyos ko, hindi ako makapaniwala!
Hawak mo sa iyong mga kamay ang plumang aking itinutukoy, at sa dulo nito'y umaagos pa rin ang iyong dugo.
Naririto ka ngayon sa harap ko!
Hindi ba't patay ka na?
Sigurado ako do'n!
Matapos nating ipahid ang huling tinta ay itinulak kita papalayo sa akin at inihagos patusok sa iyo ang iyong pluma!
Kitang-kita ko iyon, malinaw pa sa aking alaala, na dumiin ito sa gitna ng iyong leeg na siya namang naglabas ng marami pang dugo, maraming marami!
Patay ka na!
Huwag mo na akong takutin pa!
Lubayan mo na ako kung maaari, ayaw ko nang magambala pa ng iyong presensiya, kahit ika'y patay na!
Apoy?
Bakit ka nagpapasimula ng apoy?
Anong gagawin mo?
Teka, 'wag mong sabihing...
'Yan ang ating aklat!
Akin na, dali!
Ibigay mo sa akin ang aklat na iyan ngayon din upang mapawi ang aking pag-iisa!
Isinasamo ko, hayaan mo akong maalalang muli ang ating pag-iisa!
Nagmamakaawa ako, kung hindi mo man ipapaubaya sa akin ang librong iyan ay itapon mo na sa ginawa mong malaking apoy at ako'y magpapadala dito, kasama ng aking nag-aalab na damdamin!

(Maitatapon ang aklat sa apoy at ang nagsasalita'y agad namang tumakbo patungo rito, at siya nang tuluyang nasunog.)

Martes, Marso 2, 2010

Pagtigil.

Tila buong buwan ng Pebrero ay wala akong nailathala, hindi ako naging produktibo. Kasi naman, labis akong ginambala ng aking buhay eskwelahan kung saan maya't maya'y may term paper na ihahabol, pagsubok na paghahandaan, mga eksamen na pagpo-problemahan. Isama na rin diyan ang walang humpay na mga kautusan mula sa mga ka-org ukol sa mga pinapagawa na kailangang ipasa at sa mga pagpapaalala sa mga bagay na dapat ipahiram at mga aktibidades na kailangang daluhan. Gayon na rin sa dormitoryo, kung saan walang humpay rin akong pinapagawa ng mga poster at kung anu-ano pa. Ang daming pinapagawa. Ang daming kailangang gawin. Ang daming gustong gawin. Sa buong buwan na iyon ay halos wala na akong panahon para sa kung ano mang minimithi ng sarili.

Tumigil saglit ang pagtrabaho ng aking utak ukol sa mga bagay na siya talagang gusto ko. Pakiramdam ko'y bumaba ang aking pagkamalikhain at humina ang aking pagkahumaling sa pagbili ng mga damit. At higit pa riyan, laging hindi ko alam kung ano ang dapat gawin. Kumbaga'y nasisira na ang aking nakasanayang sarili at tuluyan nang napupunta sa isang sariling laging pagod, nahihirapan, at kung saan ang pagkain at pagtulog ay hindi na kaluguran ngunit tulad ng iba'y siya na ring mga responsibilidad na kailangang gampanan. Pakiramdam ko, parang hindi ako nabubuhay. O kung nabubuhay man, hindi para sa sarili ko, ngunit para sa aking kaligtasan. Ang hirap.

Kung sana kasing dali lang ito ng pagpapahinga at paggawa sa mga bagay na gustong gusto naman. Ngunit hindi. Iba talaga e.

Miyerkules, Enero 27, 2010

Tatlong tao.

Hindi kita gusto ngunit labis akong naiinis kapag ganito.
Yung tipong mayroong bagay na hindi mo nais ipaalam na alam naman ng karamihan.
Nakakaistorbo. Nakakairita.
Halata naman e. Sana sinabi mo na lang. Kapag nasabi mo na, wala naman siguro akong pakialam dun.
Ngunit hindi ko lubos maintindihan kung bakit ayaw mong ipaalam sa akin. Wala naman iyong kinalaman sa akin e.

Ang hirap. Ang hirap mong intindihin.
Hindi naman sa may gusto ako sayo ngunit unti-unti na kasi akong nawiwili.
Tila ba'y sa isang mabilis na sandali'y pakiramdam ko'y katabi ko ang isang matagal nang matalik na kaibigan.
Tila ba'y matagal na tayong magkakilala sa bawat saglit na tayo'y magkadikit, sapat na ang katahimikan.
Sabik na sabik akong ikaw ay yakapin, pero siguradong maninibago ka.
Mukha kasing hindi tama.
Ngunit hindi. Hindi ka naman isang ilusyong kailangan ko na namang buhayin e.
Kaso nga lang, kapag kasama kita, naaawa ako sa sarili ko. Pakiramdam ko'y pinagkaitan ako ng matalik na kaibigan, ng pagkakaibigang tiyak na walang iwanan.

Sana hindi ka na lang ganyan.
Sana ikaw na lang 'yung babaeng iniisip kong gusto ko.
Sana minsan hindi lang isang iglap ang iyong paglingon sa akin, ang iyong pagkausap.
Sana paminsan minsan tumagal naman ang atensyon mo sa akin.
Sana akin ka na lang.

Lunes, Enero 4, 2010

Gahaman na sa pahinga.

Natapos na ang Pasko, nagtapos na ang taon, at magtatapos na ang matinding pagpapahinga mula sa pag-aaral dahil ngayong linggo ay babalik na naman ang karamihan sa atin sa isang matinding pagsubok: ang pasukan.
Bago pa man ako lumuwas mula Maynila patungo sa lungsod ng Heneral Santos ay alam na alam ko kung ano ang mga gawaing dapat kong matapos bago pa man bumalik sa unibersidad. Kung ikukumpara marahil sa iba, hindi naman mabigat na gawain ang kailangan kong magawa. Mayroon akong isang proyekto sa Italian 11 kung saan kailangan kong magawa ang isang talaarawan para sa labindalawang araw: ika-21 ng disyembre 2009 hanggang ika-01 ng enero 2010. Oo, ginagawa ko naman ngunit ngayon ay ika-04 na ng enero at nagsisimula pa lamang ako sa pagsulat sa mga pangyayari noong ika-27 ng disyembre. Kailangan ko ring tapusin ang pagsulat muli sa aking mga notes mula sa mga leksiyon, ngunit naubusan na ako ng refiill ng binder at walang mapagbilhan ng refill para sa malaking kwaderno kahit saan mang bookstore dito sa lungsod. Kailangan kong magbasa (at mag-highlight) ng kahit limang (mahahabang) kabanata lamang ng Ekonomiks 100.1 at 100.2. Tapos ko na ang isang kabanata. At kaninang umaga ay natuklasan ko na may pagsubok na ipinadala sa amin ang aming teaching fellow sa Ekonomiks 100.1 ngunit laking pasalamat ko nang malamang hindi naman pala ito kailangang ipasa.
Bale, halos wala akong natapos na takdang aralin buong break. Wala talaga.
Bawat araw lagi lamang akong nasa kwarto, laging nakahiga, nakaharap sa laptop at naglalaro ng The Sims 3 o 'di kaya naman ay nag-iinternet at tila laging may inaantabayanan sa Facebook at Plurk. Kung hindi naman laptop ang kaharap ko, kaharap ko naman ang pagkain. Bago pa man ako umalis ng Maynila, paulit-ulit nang sinasabi nang aking mga kaibigan na matakaw na raw ako, at paulit-ulit ko namang sinasabi na tumataba na ako. Kaya ngayon, mas naging matakaw pa ako lalo. Kain na ako ng kain. Kung sa dormitoryo ay tasa ng kanin ang sukatan, dito sa bahay naman ay plato! Kaya nakaka-ilang plato na rin ako ng kanin kada araw sa bawat agahan (kung nagising man ng maaga), tanghalian, at hapunan. At napapadalas na ako ng sobra sa Jollibee at KFC. Kung hindi pritong manok ang nilalamon, aba'y mamantikaing french fries naman ang laging laman ng bibig. Isama na rin ang malangis-langis na supot ng mani na laging binibili kapag nasa mall. At kung hindi naman ako kumakain, natutulog naman ako. Nakakailang oras na ako ng tulog bawat araw. Magsisimula akong matulog sa madaling araw, magigising bago magtanghali, at palilipasin na naman ang hapon sa pagtulog. Mga kaibigan, ganito po ang pagpapalaki sa isang baboy. HAHAHA.
Naku, ayoko nang tumaba. Ngayon ay nararamdaman ko na ang aking tiyan na tila iniluluwa ng aking suot na jogging pants. Ngunit katanggap-tanggap namang masikip talaga sa katawan ko ang suot-suot kong t-shirt na PE uniform ko noong nasa ikalimang baitang ko pa lanmang sa elementarya.
Hay. Kagagawan ito ng chocolate cake, Rocky Road ice cream, liyempo, at fruit salad na inihanda noong bagong taon para sa media noche. (Kakaunti lamang kasi ang inihanda noong Pasko para sa noche buena: litsong manok, liyempo, at macaroni salad.)
At natatakot ako para sa linggong ito. Baka tuluyan na akong tamarin at mamadaliin ko na naman ang mga dapat kong gawin. Idagdag mo pa ang kahindik-hindik na pag-aayos pagbalik sa kwarto sa dormitoryo bukas ng hapon (kung sakaling hindi na talaga ako pumasok sa mga klase ko).
Ay naku talaga!
Kung naging ayos rin naman ang pagpapahingang ito, hindi ko rin masasabing maayos nga. Ilang linggo rin ito ng walang ginagawa at puro lamang kama ang lagi kong kasama. Dalawang beses lang nagkaroon ng kitaan sa mga kaibigan. (Oo, nagtatampo na rin yata ako sa kanila.) Kada gabi (at gabing-gabi) lamang nagagawa ang mga takdang aralin. Hindi maganda para sa kalusugan ang nakaugalian. At higit sa lahat, nagiging mas lalo akong makasarili, na tila ako lamang ang mahalaga sa mundong ito. NAKU.

Bale ito nga ang una kong lathalain para sa taong ito. Mga inaasam ko ngayong taon? Saka na lang, dahil sa totoo lang, ngayon lang ako nagkaganang magpindot sa palapindutan at ang oras ngayon ay 01.41 ng umaga. Kamusta naman iyon 'di ba? Pero ang isa sa mga resolution ko ngayong bagong taon ay ang paglalathala sa mga blogs ko ng mas marami kada buwan, o 'di kaya'y kada linggo. :)

Mahaba-habang lathalain ito ngayon mga 'tol. Bale, sa susunod na pagsusulat! :)

Martes, Disyembre 29, 2009

:)

Ito na marahil ang huli kong lathalain sa mga blog sites ko para ngayong taon. Hindi na kasi ako marahil makakapag-internet pa ng madalas hanggang makabalik ako sa dormitoryo sa ika-5 ng Enero.
Hindi na rin ako nakakapaglathala nitong mga araw dahil lagi akong may ginagawa o walang koneksyon sa internet. Minsan pa'y wala rin akong ganang magsulat ng blog kaya't ayun.
Iyon lang sa ngayon.
Basta pangako, mas maraming lathalain sa susunod na taon. At tiyak na mas maraming litrato para sa aking photo blog.

Ngunit sana, mas marami rin akong pera sa susunod na taon. Haha. Ewan ko na lang.
Sige. Hanggang sa susunod.

Sabado, Disyembre 12, 2009

Dalawampu't apat na oras ay kulang sa isang araw.

Ang daming kailangang gawin.
Ang daming gustong gawin.

Walang akmang panahon.

Nakakainis. Pasan ko na ang daigdig. Sa akin nakasalalay ang aking mga co-applicants para sa aming proyektong audio-visual presentation sa isang organisasyong pang-rehiyon at sa akin din nakasalalay ang paglalathala ng pamaskong isyu ng publikasyon ng dormitoryo.
At may matinding eksamen pa ako bukas.

Ngunit walang panahon. Christmas party pa ng isa pang organisasyon mamaya. Naku po.
Pwede na akong ilibing sa susunod na linggo.

Hay.