Ngunit may karapatan ba akong magreklamo?
Unang linggo pa lamang ng pasukan ay tinambakan na ako ng mga araw-araw na pulong, mga babasahing kailangan para sa diskusyon sa klase, mga pag-aabala ng mga kataas-taasan sa mga nasalihang mga organisasyon, mga nakakalulang responsibilidad na, inaamin kong lubos, hindi ko man sigurado kung kaya ko ngang gampanan. Nakakalula.
Subalit sadyang nananadya ang kapalaran at nasunog ang parte ng Chemistry Pavilion na siyang nagpakawala ng mga kemikal na maaaring makakitil ng mga buhay ng mga estudyante, guro, kawani, o sino pa mang mapapadaan malapit sa kumpol ng mga gusali ng Palma Hall at ng mga pavilions ng Biology, Physics, at Chemistry. Ito na ang nagbigay sa akin ng isang kakaibang pagkakataon na gawin ng maayos ang lahat ng mga naatasan akong gawin bago pa man dumating ang isang bagong mahirap na linggo. Ito na, hawak ko na ang lahat ng oras na kailangan ko, ngunit narito lamang ako sa aking kama na nakadapa at nagsusulat ng lathalaing ito.
Aba, tila hindi sapat ang oras na nakatitig na sa aking mga mata upang magawa ang lahat ng aking dapat gawin. Nakakalimutan ko rin matapos ang ilang oras ng pagtutunganga ang orihinal kong planong gawin. Hindi ko na maalala kung kailan ang mga pasahan, kung ano ang mga gagawin, kung ilan ang problema. Ang hirap ng wala sa tamang pag-oorganisa ng sarili.
Kaya nga nakakabahala ang walang ginagawa.
Hay. Kapag lahat na lamang ng bagay ay ganito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento