Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Martes, Disyembre 29, 2009

:)

Ito na marahil ang huli kong lathalain sa mga blog sites ko para ngayong taon. Hindi na kasi ako marahil makakapag-internet pa ng madalas hanggang makabalik ako sa dormitoryo sa ika-5 ng Enero.
Hindi na rin ako nakakapaglathala nitong mga araw dahil lagi akong may ginagawa o walang koneksyon sa internet. Minsan pa'y wala rin akong ganang magsulat ng blog kaya't ayun.
Iyon lang sa ngayon.
Basta pangako, mas maraming lathalain sa susunod na taon. At tiyak na mas maraming litrato para sa aking photo blog.

Ngunit sana, mas marami rin akong pera sa susunod na taon. Haha. Ewan ko na lang.
Sige. Hanggang sa susunod.

Sabado, Disyembre 12, 2009

Dalawampu't apat na oras ay kulang sa isang araw.

Ang daming kailangang gawin.
Ang daming gustong gawin.

Walang akmang panahon.

Nakakainis. Pasan ko na ang daigdig. Sa akin nakasalalay ang aking mga co-applicants para sa aming proyektong audio-visual presentation sa isang organisasyong pang-rehiyon at sa akin din nakasalalay ang paglalathala ng pamaskong isyu ng publikasyon ng dormitoryo.
At may matinding eksamen pa ako bukas.

Ngunit walang panahon. Christmas party pa ng isa pang organisasyon mamaya. Naku po.
Pwede na akong ilibing sa susunod na linggo.

Hay.

Sabado, Nobyembre 28, 2009

Iritable.

Kung ang ibang tao ay may kakayahang mang-inis, ako naman ay may kakayahang magalit.

Isang linggo akong naging iritable, galit sa mundo, sabi nila.
Nakakainis. Nakakainis ang mga kaibigan. Sila na nga dapat ang makakaintindi sa iyo, sila pa ang magdudulot sa iyo ng labis na nag-aalab na puso. Parang ang sarap tuloy manaksak.

Una sa lahat, hindi mo pwedeng hulaan kung ano ang gagawin ko pagkatapos mo akong asarin. Hindi ako sisigaw. Hindi ako aalis. Papatayin kita. Ayos ba 'yon?
Pangalawa, hindi ako madaling magalit. Nangyari lamang na buhos buhos kayo kung makapag-asar kaya't nagagalit ako.
Pangatlo, hindi ako galit sa mundo. Subukan mong buhayin ang buhay ko at malalaman mo rin kung anong mangyayari sa iyo kapag ikaw ay labis labis na sinasaktan - ng mga taong minamahal mo at akala mo'y nagmamahal sa iyo. Subukan mong maging ako, tingnan natin kung kakayanin mo pang mabuhay.
Pang-apat, mahaba ang aking pasensiya. Nawawala ito kapag may mga katulad mong reklamo ng reklamo. Nanunuot sa kalamnan ko bawat salita mo. Masakit sa tenga.
Panglima, wala kang alam sa kung anong nangyayari sa akin kaya't 'wag na 'wag kang magsasalita na tila ikaw ang Diyos na nakakaalam ng lahat. Tanga ka lang. Wala kang alam. Alalahanin mo iyan. Makontento ka na lang sa kung anong nakikita mo.
Pang-anim, kapag hindi kita ginagalaw at pinapakialaman, wag mo rin akong gagalawin at papakialaman. Baka mabuhusan kita ng asido.
Pangpito, magkakaiba tayo ng antas ng respeto. Kung ganyan ang antas mo ng respeto, hahayaan ko 'yun. Pero 'wag na 'wag mong tatapakan ang katauhan ko.

Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo. Nakakasakit ka na. Nakakahiya ka, kaibigan ka pa naman. Iyan ba ang tungkulin mo? O isa ka lamang ulupong na tutuklaw sa karamihan?

Wala akong kikilalaning kaaway. Hindi kita sasaktan. Mamamatay ka rin.

Huwebes, Nobyembre 5, 2009

Haplos.

Haplos.

Hinaplos niya ako.
Hinaplos niya ako matapos niya akong titigan ng matagal sa mata.
Hinaplos niya ako sa pisngi.

Naramdaman ko ang kanyang mga daliring humahagod sa aking katawan, sa aking pagkatao.
Dumaan ito sa aking dibdib, naglaro sa ibabaw ng aking gutom pang tiyan.
Hindi ko maintindihan kung bakit.
Hindi ko maintindihan hanggang ngayon.

Hinaplos niya ako.
Nilasap ng kamay ang bawat parte, bawat sulok.
Hindi ako makapagpumiglas.

Dahil ayaw ko.

Nakakaligaya, nakakatuwa.
Ngunit nakakabigla.
Hindi ko iyon inaasahan.

Hinaplos niya ako.
Hinaplos niya ako buong magdamag.
Hindi ko mapigil ang aking sarili.
Hinaplos ko siya.
Inabot ko ang kanyang mukha at tinikman ang kanyang mga labi.
Nilaro ko ang kanyang buhok, nilanghap ang kanyang samyo.

Masama.
Oo, masama.

Ano naman ngayon?
Sino pa ba ang makikialam?
Sa lalim ng gabing iyon, wala nang tututol pa.
Wala nang pipigil pa sa paglakbay ng aming mga daliri sa katawan naming dalawa.

Ngunit iyon lang iyon.
Isang sandali.
Isang pangyayari.
Isang memoryang hindi na naulit pa.

*Sa mga nawindang, likha lamang ito. :)

Lunes, Oktubre 26, 2009

Naliligaw

Magtatanghali na't ako pa ri'y nakadapa, nakahiga sa malaking kama. Nakabukas ang aking laptop, tumitingin sa mga larawan ng kasiyahan, litrato ng nakaraan. Wala ako sa mga litratong iyon, mga kaibigan ko lamang. Sa bawat pagtanaw ko sa kanilang mga mukha, sa kanilang kaligayahan, tila naramdaman ko ang aking pagkaligaw. Naliligaw ako sa bawat beses na pinagmamasdan ko sila. Tama ngang hindi nila ako kasama sa mga litratong iyon. Hindi ako kabilang sa kanila.

Kahit papaano ay naging matalik kitang kaibigan. Kaarawan mo iyon, bakit hindi mo ako isinama?

Minsan - hindi, lagi naman talaga - may mga tao talagang mas mahalaga kesa sa iyo. Ngunit para sa mundong ito na pambihira ang lawak ngunit kakaiba ang liit, mayroon pa bang maituturing na mahalaga? Sa bawat beses na tatanaw ako sa lalim ng iyong mga mata, sa bawat paghawak mo sa aking maninipis na braso at sa bawat pag-ihip ng hangin sa ating dalawa, ano pa ba ang mas hahalaga?

Hindi kita uutusan. Hindi kita pagsasabihan. Hindi naman kita pag-aari e. At kahit anong kagustuhan kong maging iyong-iyo, itutulak mo lamang ako papalayo, isusuka na parang mapait na prutas, bulok. Kung gayon ay ititigil ko na lamang ito, itong masakit na nararamdaman, dahil hindi naman ako kabilang, wala akong kasama. Kung hanggang ngayon ay mananatili ka, salamat. Ngunit lumisan ka na, mas kailangan ka marahil ng iyong mga kaibigan. Iwan mo na lamang ako rito. Wala kang pakialam sa sugatan kong damdamin.

At heto ako, nakahandusay sa kama. Ang laptop na dati'y nakabukas ay nakasara na. Huminto na ang awit. Naghihintay na lamang ang nakakapasong hangin.

Miyerkules, Oktubre 14, 2009

Nakahihilo.

Nakalulunod dati. Ngayo'y nakahihilo naman.

Kahit papaano'y wala na ang mga pagsusulit ko. Kaso, tambak naman ako sa sangkatutak na requirements. Kaunting pagtitiis na lang. Malapit na. Malapit na akong makauwi.

Ipapalipat ko ang araw ng aking pag-uwi, nang mas maaga. Bakit? Dahil ikamamatay ko ang gumastos para sa pagkain na tatlong beses sa isang araw, sa loob ng isang linggo. Hindi kakayanin ng sarili ko iyon. At wala na man din lang akong gagawin. Makakapagpasa na ako ng proyekto namin saCreative Writing 10 sa lunes o martes. Nawa.

Pero sa ngayon, hanggang ngayon, ako'y puyat, nanghihina ang katawan, mabigat ang loob, nahihilo, masakit ang ulo, nanghahapdi ang mata.
Kinaya nila ito dati. Kakayanin ko ito. Dating gawi.

Linggo, Oktubre 4, 2009

Nakalulunod.

Naiinis na naman ako. Bakit naman kasi sa dinami-dami ng tao sa mundong ito, sa dinami-dami ng mga nakilala ko, sa iyo pa ako nahulog? Bakit sa iyo pa, na siyang umaming may gusto sa akin ngunit ngayo'y bale wala na lang? Bkit sa iyo pa, na siyang kailanman ay hindi ko pa natatalikuran? Bakit sa iyo pa, na siyang handang iwan ako sa mga panahong kinakailangan ko siya?
Bakit?
Oo na, gusto kita. Tapos.
Pero ikaw, hindi kita lubos maintindihan. Nakakairita. Nakagagalit.
Ngayong gusto kitang makasama, nasaan ka? Gusto kitang makausap, nasaan ka? Gusto kitang sapakin.
Naroon ka na naman, sa piling ng ibang tao. Maswerte siya dahil hindi ka pa niya kailangang hanapin o kaya'y hintayin ang mensaheng hindi naman darating. Mabuti pa siya, pero kailangang kailangan kita, dahil gustong-gusto kita.
Pero tuloy-tuloy pa rin akong naiinis sa iyo. Hindi ko kaya. Ewan. Magulo.
Mahirap. Sasabihin ko na sana sa iyo pero ika'y nawala. Hindi ko alam kung bakit hindi mo man lang akong magawang balikan ng mensahe. Ano bang meron? Ano?
Nakalulunod. Nakamamatay.
At sa tuwing darating ka na naman para sa akin, malulunod na naman ako sa piling mo at makakalimutan na naman ang lahat ng ito, ng galit ko, ng inis ko sa iyo.
Bagkus, mararamdaman ko na namang mahal na mahal kita, aapaw na naman ang pagkagusto ko sa iyo, at malulunod ako sa ilusyong gusto mo rin ako. Pero hindi. Hindi kita maintindihan. Pero sana naman...

...lunurin mo na lang ako...

...nang tuluyan.

Martes, Setyembre 22, 2009

Kumakaripas.

Lumulutang ako sa damdamin ko sa iyo.
Ha.

Hindi ko maintindihan. O baka marahil ay hindi ko iniintindi. Pero ganon na nga. Ewan.
Gusto kita, pero bahala na. Hindi ko alam. Hinding hindi ko malalaman. Marahil.
Bumibilis na ang pagdaan ng panahon.
Malay ba nating hahantong sa ganito, 'di ba?
Ah basta. Iba na. Ibang-iba na.

Bawat pangyayari'y bumibilis.
Bawat isa'y kumakaripas.
Nagmamadali.
Nagmamadali ngunit hindi alam nag patutunguhan.

Nawa'y gabyayan na lang tayo.

Lunes, Setyembre 14, 2009

Hindi ko lubos maintindihan.

Hindi ko lubos maintindihan.
Hindi ko lubos maintindihan kung bakit may mga taong kayang gawin ang mga bagay-bagay para sa iba ngunit hindi para sa iyo.
Hindi ko lubos maintindihan kung bakit mas mahalaga pa sa kanya ang kanyang mga hindi mahanap na kaibigan kaysa sa akin na nasa isang tabi lamang at naghihintay.
Hindi ko lubos maintindihan kung bakit ngayong gusto ko na siya, saka pa siya lumalayo.
Hindi ko lubos maintindihan kung bakit niya ako nilalambing paminsan-minsan.
Hindi ko lubos maintindihan kung ano talaga itong aking nararamdaman.
Hindi ko lubos maintindihan kung tama ba ito o mali.
Hindi ko lubos maintindihan kung bakit siya ganoon.
Hindi ko siya lubos maintindihan.

Sabado, Setyembre 5, 2009

Wala nang mag-aalala.

Noong isang taon, may nakilala akong lalake. Siya'y may katangkaran, kayumanggi ang kulay ng balat, madalas ay hindi nasuklay ang buhok, at may mga matang kung hindi tititigang maiigi ay magmimistulang berde. Hindi siya marunong mag-alaga - ng sariling puso, ng sariling buhay.
Alalang-alala ko pa noong isang araw, isang araw na madilim na madilim, siya'y basang-basa sa ulan. Alam kong siya'y umiiyak, ramdam ko iyon. Gasgas na kung gasgas ang pag-akto niyang ito ngunit ito ang nangyari.
Siguradong-sigurado ako, noong araw na iyon ay may itinanim. Diniligan niya ito ng mga luha, mga luhang mapapait, mapupusok. Ang lupang pinagtamnan ay may patabang paghihiganti. Araw-araw niya ito dinidiligan at araw-araw niya ito nilalagyan ng pataba. Lumaki ang tanim at dumami ang mga dahon nito at lumago ang mga tangkay.
Kanina, nakita kong muli ang lalake. Ngayo'y hindi ko na siya kilala. Nakilala ko pa ang kanyang mga mata, kahit ito'y umaapoy. Batid kong kanya ang mga labing walang ibinuka kundi puro mga masasakit na salita. Siguradong sigurado akong sa kanya ang mukhang iyon, na ngayo'y sinasalaminan na ng poot. Tumakbo siya papalayo nang ako'y makita.
Hinabol ko siya.
Nahuli ko siya sa kanyang hardin, harding puno ng mga itinanim - tanim ng sama ng loob. Iginapos ko siya sa lupa para hindi siya makakilos ng masama. Pilit niyang inaabot ang bunga ng isang tanim, bungang maitim na maitim, ngunit alam kong hindi ito bulok.
Matapos ang ilang saglit ay napitas niya ito.
Iyon pala'y ang tanim niya'y nagbunga ng masamang kapalaran - ang aming kamatayan.

Lunes, Agosto 10, 2009

Kaya mula ngayon.




Hindi ko siya magawang ayusin.
Ni hindi ko man lang siya magawang simulan.
Kahit pag-isipan man lang ay hindi ko magawa.
Ang hirap.
Nakakapagod.

Ngunit kailangan ko nang mag-ayos.
Kailangan ko nang magsimula.
Kailangan ko nang mag-isip.
Hindi ito magiging mahirap.
Hindi na ako mapapagod.

Sana lang.

Kaya mula ngayon..

Sabado, Agosto 8, 2009

Malapit na.

Malapit na
Ang pag-abot sa kalangitan,
Ang pagpunyagi para sa nakatakda,
Ang paglisan sa masakit na nararamdaman.

Malapit na
Ang pag-aayon sa mga baraha,
Ang paglilipat ng mga naaayon,
Ang pagsikil sa mga dapat mawala.

Malapit na
Ang pagbaba ng mga ulap,
Ang ating pagiging isa,
Ang paglaho nating dalawa.

Linggo, Agosto 2, 2009

Iba na.

Nakakairita talaga ang media. Kung anu-ano na lang. Malapit na at idedeklara ko na sila bilang salot sa ating lipunan. HAHAHA.

Ngayong araw ay dumayo ako sa SM Megamall upang maghanap ng silicon case para sa aking cell phone. Ang dami ngang shops sa cyberzone nila ngunit wala talaga dun ang aking hinahanap. Mabuti na lang at nasa likod lang pala ang paraiso na St. Francis Square.
'Yun lang talaga ang rason sa kung bakit ako pumunta dun. Ngunit dahil gusto ko lang mag-drama, bumili na rin ako ng itim na polo. Wala lang. Gusto ko lang. Total naman, lagi na akong nauubusan ng pera kaya sanayan na talaga ito. Kaso lang, saka ko lang natanto na palabas na pala ang pelikulang Up. Sayang. Marahil ay hindi ko na siya mapapanood. Wala naman ding kaso iyon. May dvd pa naman eh.
At malamang sa malamang ay mag-isa na naman akong gumala, dahil ang mga gusto kong kasama ay marami pang ginagawa, o 'di nama'y mga wala lang talagang panahon para sa 'kin. Ewan ko ba.
Habang nakatayo ako sa MRT Ortigas Station at naghihintay ng tren pabalik ng North Avenue, nakita ko sina ate Reinna sa kabilang dako ng estasyon. Sa unang tingin ay hindi ko makumpirma kung siya nga iyon. May dumaang tren sa harapan namin. Alam mo 'yung My Sassy Girl na hollywood version? 'Yung poster nito na nasa labas ang lalaki at nakita niya ang babae sa loob ng tren. Iyon ang pumasok sa utak ko. Pero iba naman ang kaso namin. Ibang-iba. Haha. Ayun. Pupunta pala sila nu'n sa La Salle Greenhills para masilayan ang mga labi ng dating pangulong Corazon "Cory" Aquino. Nais ko talagang sumama. Hindi ko lang mabatid kung bakit hindi ako nagpahintay sa kanila at sumakay na talagang tunay sa tren. Asar.
Ayun. Bale, malungkot lang talaga ako ngayong araw. Sa totoo lang, hindi lang naman ngayon eh. Kung dahil lang walang nakikiramay sa akin, hindi ko alam. Ewan. Dahil siguro wala nga silang panahon. Panahon. 'Yun talaga ang kailangan, ano? Hay. Kung alam mo lang kung gaano ako kasabik sa iyo. Gusto kitang yakapin ng mahigpit. Pero ano? Wala. Wala lang. Ganon lang naman talaga iyon 'di ba? Magtatanong ka kung anong problema ko. Ayaw kong sabihin sa iyo nang harapan na ikaw talaga ang problema ko. Takot ako. Baka naman kasi iba ang dating sa iyo nu'n. Aagh. Nakakainis. Bakit ba naman kasi hindi na ito katulad ng dati. Nakakainis ka naman. Ang hirap mong













mahalin.

Biyernes, Hulyo 31, 2009

Lolobo na naman ang katawan mo.

Habang unti-unti akong nawawala sa tamang mood,
unti-unti ka namang nagiging walang MODO.

Ang gandang pakinggan para sa iyo, 'di ba? Walang modo.

Bakit kaya?

Hayan at naaapektuhan na naman ako sa iyo.
Dahil ikaw na naman ay
Nagmamarunong.
Nagmamagaling.
Nagmamaganda.
Sumasabat.
Nawawalan ng hiya.
Sumasama.
Lumalamon sa iba.
Nangagamit.
Nananakit.
Nagpapahiya.
Nang-iinis.
Nangungutya.
Nagsisimula ka na naman.

Nakakaawa ka.
Dahil unti-unti ka nang nagiging tulad ng Dagat. Alam mo 'yun? 'Yung dagat?

Mahiya ka naman sa sarili (at katawan) mo.
Humarap ka nga sa salamin. Ang pangit mo, at sa loob nanggagaling ang kabulukan mo.
Naintindihan mo naman 'yun 'di ba? Malamang dahil ikaw nga ay nagmamatalino din.
O baka hindi mo ito maintindihan sapagkat masyado ka nang nabubulag ng iyong ugali.
Sana nga ay tuluyan ka na lang mabulok. Ipokrita.

Teka, kailan mo kaya ulit ako gagamitin?

Lunes, Hulyo 27, 2009

Naghihintay.

Ang hirap mong hintayin, lalo na kapag wala ka talagang inilaang oras para sa akin.

Ang hirap, lalo na kapag hindi mo naman talaga gustong dumating.

Ang hirap, lalo pa't sabik na sabik na talaga ako sa iyo.

Mahirap.
Masakit.
Malas. Malas talaga. Bakit sa iyo pa kasi nahulog. Malas.



Kung bakit ba naman kasi may mga taong mahirap intindihin, pakiramdaman, at mahirap pang iwasan - at hindi mahalin. Sa dinami-dinami nila, sa 'yo pa ako natutuliro. Hindi ko maintindihan. At hindi rin kita maintindihan.
Bakit pa kasi nakilala.
Bakit pa kasi.

Para naman kasing pareho tayo ng nararamdaman. Malamang sa malamang ay hindi.
Wala ka namang pakialam sa akin eh (dahil problema mo lang lagi mong nakikita at idinadaan mo na lang ako sa kung anong paraan). Kung pwede lang ay idaan mo na rin ako sa panahong nagdaan para maitama ko na ang mga mali ko at hindi ka na pansinin pa.
Wala ka namang gusto sa akin. Gusto mo lang akong gamitin at kung gusto mo pa, saka ka lang darating.
Wala ka namang mapapala, dahil nga ayaw mo.
Wala. Puro lang wala.

Kaya tayo, parang wala na lang rin.



Mahirap maghintay. Pero kung hindi mo man lang din gustong dumating, sana makasanayan ko na lang rin ito.

Biyernes, Hulyo 24, 2009

Matutulog tayo ngayong gabi.

Ngayong gabi,
Tayo'y matutulog
Matapos nating abutin
Ang nilalaman ng ating haraya.

Ngayong gabi,
Tayo'y mahihimbing
Sa tabi ng isa't isa
At malulunod sa ligaya.

Ngayong gabi,
Tayo'y magtititigan
Hanggang sa magsawa tayo sa isa't isa
At magkaayawan na.

Martes, Hunyo 30, 2009

Sana.

Ipagdarasal mo na lang ako.
Gano'n na lang iyon.
Ipagdarasal mo na lang na sana ay maging maayos na ako at malutas ko na ang mga problema ko,
hindi dahil iyon lang ang kaya mong gawin
kundi iyon lang ang gusto mong gawin.

Kung tutuusin, ayaw mo naman talaga akong tulungan.
Wala ka naman talagang pakialam kung ano nang nangyayari sa akin.
Hindi mo na kailangang magpanggap na tila nag-aalala
dahil tapos mo na akong gamitin.
Tapos na ang pakay mo sa akin.
Tapos na ang lahat.

Gusto mo na akong kalimutan 'di ba?
E ano 'tong ginagawa mo?

Sana hindi mo na ako tanungin kung okay lang ako.
Alam kong alam mong hindi naman talaga ako maayos.
Ang tanging gusto ko lang sanang sabihin sa iyo ay
ikaw ang dahilan kung bakit.

Kung gaano kita gustong sapakin, tirisin, himay-himayin, patayin,
ay siya namang gusto kitang hagkan, halikan, makasama.

Sana.

Biyernes, Hunyo 19, 2009

Naghahabol.

[Ang mga nakasaad dito ay pawang kathang-isip lamang. Pero kung gusto niyo itong paniwalaan, bahala kayo.]

Patuloy akong tumatakbo.
Kung saan man paroroon ay hindi ko matiyak.
Hindi ko mapigilan ang pag-udyok sa aking mga paa upang umalis, takasan ang lahat ng ito, at maghabol.

Maghabol.

Ngayon ay hinahabol ko pa rin siya, isang taong minahal, nagmahal, at lumayo.
Nariyan lang siya.
Nasa harapan ko.
Ngunit hindi kami magkatagpo.
Hindi ko siya mahagilap.
Hindi ko siya maintindihan.

Kung bakit ba naman kasi kailangan pa niya akong iwang mag-isa?
Bakit ngayon pa kung kelan ko siya gustong gusto na makasama, makita, mahagkan?
Bakit ngayon pa kung kelan kailangan ko siya?

Kumbaga, para lamang akong panandaliang aliw.
At tila sa kanya'y hanggang doon na lamang iyon.

Ngunit sa mga oras na ito ay gusto ko siyang makausap, kahit na gusto ko rin siyang suntukin ng malakas sa mukha at gulpihin para makabawi siya sa sakit at sama ng loob na idinulot niya sa akin.
Gusto ko siyang magdusa, kahit na gusto ko siya.

At kung sana lang ay mabalik ko ang oras, ang panahon bago kami naging malapit sa isa't isa.
At sana sa oras na iyon ay alam ko na ang magiging kahihinatnan kung may mangyari man.
At sana sa oras na iyon ay hindi na ako mahulog sa kanya muli.

Lahat ng iyon dahil ayaw ko nang maghabol.
Ayaw ko nang habulin pa ang isang taong wala nang pakialam sa akin.
Ayaw ko nang maging tanga.

Ngunit kahit anong gawin ko, tila ay hahabulin at hahabulin ko pa rin siya.

Miyerkules, Hunyo 10, 2009

Pirasong bubog

Hindi ko maintindihan ang aking sarili.

Marahil ay nahihibang lamang ako.

Marahil ay hindi lamang ako makapumiglas.

Marahil ay tulad na rin ako ng iba: mga hibang na umiibig sa isang alaala.

Marahil ay hindi ko gustong mawala sa akin ang panaginip na ito: isang pangarap, isang pagkakataon.

Pakiramdam ko’y umiibig ako ngunit baka naman ay hindi sa isang tao, ngunit doon sa alaalang hatid nito.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hawak-hawak ko pa rin ng mahigpit ang alaalang ito.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ko siya kayang bitawan, pakawalan.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit araw-araw ko pa rin itong hinahagkan, mula pagbangon hanggang pagtulog.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ganito.

Tila ito’y isang pirasong bubog na pilit ko pa ring kinakapitan kahit na nasasaktan, nasusugatan na ako.

Lunes, Hunyo 8, 2009

Hingang Malalim.

Kapag wala ka namang pormal na gusto sa isang babae at nakita mo gamit ang sarili mong mga mata na nilalandi siya ng isa pa niyang malapit na kaibigan sa iyong harapan - at nagseselos ka, anong tawag dun?

Hindi ko alam ang aking nararamdaman. Hindi ko mabatid. Hindi ko matanto. Ewan.
Hindi ko alam kung may gusto na ako sa kanya, o baka naman marahil ay minamadali ko lang ang sarili ko dahil nadagdagan na ako ng isang taon, o baka marahil ay totoo na nga. Pero kahit ano pa man, wala rin akong magagawa, wala rin akong pag-asa. Ito ang problema sa pagkakaibigan.

Hay, ewan. Bahala na.