Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Lunes, Agosto 10, 2009

Kaya mula ngayon.




Hindi ko siya magawang ayusin.
Ni hindi ko man lang siya magawang simulan.
Kahit pag-isipan man lang ay hindi ko magawa.
Ang hirap.
Nakakapagod.

Ngunit kailangan ko nang mag-ayos.
Kailangan ko nang magsimula.
Kailangan ko nang mag-isip.
Hindi ito magiging mahirap.
Hindi na ako mapapagod.

Sana lang.

Kaya mula ngayon..

Sabado, Agosto 8, 2009

Malapit na.

Malapit na
Ang pag-abot sa kalangitan,
Ang pagpunyagi para sa nakatakda,
Ang paglisan sa masakit na nararamdaman.

Malapit na
Ang pag-aayon sa mga baraha,
Ang paglilipat ng mga naaayon,
Ang pagsikil sa mga dapat mawala.

Malapit na
Ang pagbaba ng mga ulap,
Ang ating pagiging isa,
Ang paglaho nating dalawa.

Linggo, Agosto 2, 2009

Iba na.

Nakakairita talaga ang media. Kung anu-ano na lang. Malapit na at idedeklara ko na sila bilang salot sa ating lipunan. HAHAHA.

Ngayong araw ay dumayo ako sa SM Megamall upang maghanap ng silicon case para sa aking cell phone. Ang dami ngang shops sa cyberzone nila ngunit wala talaga dun ang aking hinahanap. Mabuti na lang at nasa likod lang pala ang paraiso na St. Francis Square.
'Yun lang talaga ang rason sa kung bakit ako pumunta dun. Ngunit dahil gusto ko lang mag-drama, bumili na rin ako ng itim na polo. Wala lang. Gusto ko lang. Total naman, lagi na akong nauubusan ng pera kaya sanayan na talaga ito. Kaso lang, saka ko lang natanto na palabas na pala ang pelikulang Up. Sayang. Marahil ay hindi ko na siya mapapanood. Wala naman ding kaso iyon. May dvd pa naman eh.
At malamang sa malamang ay mag-isa na naman akong gumala, dahil ang mga gusto kong kasama ay marami pang ginagawa, o 'di nama'y mga wala lang talagang panahon para sa 'kin. Ewan ko ba.
Habang nakatayo ako sa MRT Ortigas Station at naghihintay ng tren pabalik ng North Avenue, nakita ko sina ate Reinna sa kabilang dako ng estasyon. Sa unang tingin ay hindi ko makumpirma kung siya nga iyon. May dumaang tren sa harapan namin. Alam mo 'yung My Sassy Girl na hollywood version? 'Yung poster nito na nasa labas ang lalaki at nakita niya ang babae sa loob ng tren. Iyon ang pumasok sa utak ko. Pero iba naman ang kaso namin. Ibang-iba. Haha. Ayun. Pupunta pala sila nu'n sa La Salle Greenhills para masilayan ang mga labi ng dating pangulong Corazon "Cory" Aquino. Nais ko talagang sumama. Hindi ko lang mabatid kung bakit hindi ako nagpahintay sa kanila at sumakay na talagang tunay sa tren. Asar.
Ayun. Bale, malungkot lang talaga ako ngayong araw. Sa totoo lang, hindi lang naman ngayon eh. Kung dahil lang walang nakikiramay sa akin, hindi ko alam. Ewan. Dahil siguro wala nga silang panahon. Panahon. 'Yun talaga ang kailangan, ano? Hay. Kung alam mo lang kung gaano ako kasabik sa iyo. Gusto kitang yakapin ng mahigpit. Pero ano? Wala. Wala lang. Ganon lang naman talaga iyon 'di ba? Magtatanong ka kung anong problema ko. Ayaw kong sabihin sa iyo nang harapan na ikaw talaga ang problema ko. Takot ako. Baka naman kasi iba ang dating sa iyo nu'n. Aagh. Nakakainis. Bakit ba naman kasi hindi na ito katulad ng dati. Nakakainis ka naman. Ang hirap mong













mahalin.

Biyernes, Hulyo 31, 2009

Lolobo na naman ang katawan mo.

Habang unti-unti akong nawawala sa tamang mood,
unti-unti ka namang nagiging walang MODO.

Ang gandang pakinggan para sa iyo, 'di ba? Walang modo.

Bakit kaya?

Hayan at naaapektuhan na naman ako sa iyo.
Dahil ikaw na naman ay
Nagmamarunong.
Nagmamagaling.
Nagmamaganda.
Sumasabat.
Nawawalan ng hiya.
Sumasama.
Lumalamon sa iba.
Nangagamit.
Nananakit.
Nagpapahiya.
Nang-iinis.
Nangungutya.
Nagsisimula ka na naman.

Nakakaawa ka.
Dahil unti-unti ka nang nagiging tulad ng Dagat. Alam mo 'yun? 'Yung dagat?

Mahiya ka naman sa sarili (at katawan) mo.
Humarap ka nga sa salamin. Ang pangit mo, at sa loob nanggagaling ang kabulukan mo.
Naintindihan mo naman 'yun 'di ba? Malamang dahil ikaw nga ay nagmamatalino din.
O baka hindi mo ito maintindihan sapagkat masyado ka nang nabubulag ng iyong ugali.
Sana nga ay tuluyan ka na lang mabulok. Ipokrita.

Teka, kailan mo kaya ulit ako gagamitin?

Lunes, Hulyo 27, 2009

Naghihintay.

Ang hirap mong hintayin, lalo na kapag wala ka talagang inilaang oras para sa akin.

Ang hirap, lalo na kapag hindi mo naman talaga gustong dumating.

Ang hirap, lalo pa't sabik na sabik na talaga ako sa iyo.

Mahirap.
Masakit.
Malas. Malas talaga. Bakit sa iyo pa kasi nahulog. Malas.



Kung bakit ba naman kasi may mga taong mahirap intindihin, pakiramdaman, at mahirap pang iwasan - at hindi mahalin. Sa dinami-dinami nila, sa 'yo pa ako natutuliro. Hindi ko maintindihan. At hindi rin kita maintindihan.
Bakit pa kasi nakilala.
Bakit pa kasi.

Para naman kasing pareho tayo ng nararamdaman. Malamang sa malamang ay hindi.
Wala ka namang pakialam sa akin eh (dahil problema mo lang lagi mong nakikita at idinadaan mo na lang ako sa kung anong paraan). Kung pwede lang ay idaan mo na rin ako sa panahong nagdaan para maitama ko na ang mga mali ko at hindi ka na pansinin pa.
Wala ka namang gusto sa akin. Gusto mo lang akong gamitin at kung gusto mo pa, saka ka lang darating.
Wala ka namang mapapala, dahil nga ayaw mo.
Wala. Puro lang wala.

Kaya tayo, parang wala na lang rin.



Mahirap maghintay. Pero kung hindi mo man lang din gustong dumating, sana makasanayan ko na lang rin ito.

Biyernes, Hulyo 24, 2009

Matutulog tayo ngayong gabi.

Ngayong gabi,
Tayo'y matutulog
Matapos nating abutin
Ang nilalaman ng ating haraya.

Ngayong gabi,
Tayo'y mahihimbing
Sa tabi ng isa't isa
At malulunod sa ligaya.

Ngayong gabi,
Tayo'y magtititigan
Hanggang sa magsawa tayo sa isa't isa
At magkaayawan na.

Martes, Hunyo 30, 2009

Sana.

Ipagdarasal mo na lang ako.
Gano'n na lang iyon.
Ipagdarasal mo na lang na sana ay maging maayos na ako at malutas ko na ang mga problema ko,
hindi dahil iyon lang ang kaya mong gawin
kundi iyon lang ang gusto mong gawin.

Kung tutuusin, ayaw mo naman talaga akong tulungan.
Wala ka naman talagang pakialam kung ano nang nangyayari sa akin.
Hindi mo na kailangang magpanggap na tila nag-aalala
dahil tapos mo na akong gamitin.
Tapos na ang pakay mo sa akin.
Tapos na ang lahat.

Gusto mo na akong kalimutan 'di ba?
E ano 'tong ginagawa mo?

Sana hindi mo na ako tanungin kung okay lang ako.
Alam kong alam mong hindi naman talaga ako maayos.
Ang tanging gusto ko lang sanang sabihin sa iyo ay
ikaw ang dahilan kung bakit.

Kung gaano kita gustong sapakin, tirisin, himay-himayin, patayin,
ay siya namang gusto kitang hagkan, halikan, makasama.

Sana.

Biyernes, Hunyo 19, 2009

Naghahabol.

[Ang mga nakasaad dito ay pawang kathang-isip lamang. Pero kung gusto niyo itong paniwalaan, bahala kayo.]

Patuloy akong tumatakbo.
Kung saan man paroroon ay hindi ko matiyak.
Hindi ko mapigilan ang pag-udyok sa aking mga paa upang umalis, takasan ang lahat ng ito, at maghabol.

Maghabol.

Ngayon ay hinahabol ko pa rin siya, isang taong minahal, nagmahal, at lumayo.
Nariyan lang siya.
Nasa harapan ko.
Ngunit hindi kami magkatagpo.
Hindi ko siya mahagilap.
Hindi ko siya maintindihan.

Kung bakit ba naman kasi kailangan pa niya akong iwang mag-isa?
Bakit ngayon pa kung kelan ko siya gustong gusto na makasama, makita, mahagkan?
Bakit ngayon pa kung kelan kailangan ko siya?

Kumbaga, para lamang akong panandaliang aliw.
At tila sa kanya'y hanggang doon na lamang iyon.

Ngunit sa mga oras na ito ay gusto ko siyang makausap, kahit na gusto ko rin siyang suntukin ng malakas sa mukha at gulpihin para makabawi siya sa sakit at sama ng loob na idinulot niya sa akin.
Gusto ko siyang magdusa, kahit na gusto ko siya.

At kung sana lang ay mabalik ko ang oras, ang panahon bago kami naging malapit sa isa't isa.
At sana sa oras na iyon ay alam ko na ang magiging kahihinatnan kung may mangyari man.
At sana sa oras na iyon ay hindi na ako mahulog sa kanya muli.

Lahat ng iyon dahil ayaw ko nang maghabol.
Ayaw ko nang habulin pa ang isang taong wala nang pakialam sa akin.
Ayaw ko nang maging tanga.

Ngunit kahit anong gawin ko, tila ay hahabulin at hahabulin ko pa rin siya.

Miyerkules, Hunyo 10, 2009

Pirasong bubog

Hindi ko maintindihan ang aking sarili.

Marahil ay nahihibang lamang ako.

Marahil ay hindi lamang ako makapumiglas.

Marahil ay tulad na rin ako ng iba: mga hibang na umiibig sa isang alaala.

Marahil ay hindi ko gustong mawala sa akin ang panaginip na ito: isang pangarap, isang pagkakataon.

Pakiramdam ko’y umiibig ako ngunit baka naman ay hindi sa isang tao, ngunit doon sa alaalang hatid nito.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hawak-hawak ko pa rin ng mahigpit ang alaalang ito.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ko siya kayang bitawan, pakawalan.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit araw-araw ko pa rin itong hinahagkan, mula pagbangon hanggang pagtulog.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ganito.

Tila ito’y isang pirasong bubog na pilit ko pa ring kinakapitan kahit na nasasaktan, nasusugatan na ako.

Lunes, Hunyo 8, 2009

Hingang Malalim.

Kapag wala ka namang pormal na gusto sa isang babae at nakita mo gamit ang sarili mong mga mata na nilalandi siya ng isa pa niyang malapit na kaibigan sa iyong harapan - at nagseselos ka, anong tawag dun?

Hindi ko alam ang aking nararamdaman. Hindi ko mabatid. Hindi ko matanto. Ewan.
Hindi ko alam kung may gusto na ako sa kanya, o baka naman marahil ay minamadali ko lang ang sarili ko dahil nadagdagan na ako ng isang taon, o baka marahil ay totoo na nga. Pero kahit ano pa man, wala rin akong magagawa, wala rin akong pag-asa. Ito ang problema sa pagkakaibigan.

Hay, ewan. Bahala na. 

Sabado, Mayo 16, 2009

Isang masamang panaginip.

Lumabas muna siya sa kanyang kwarto, pinag-iisipang mabuti kung saan ang pupuntahan. Takot na takot siya, na waring hindi pa nagigising mula sa isang masamang panaginip.
Naglakad siya. Nag-iisip. Hindi niya alam ang dapat gawin. Magulong-magulo ang isip niya. Nababalot ang kanyang mundo ng lagim, na araw-araw ay nagbabadya, nanunuot, nananakot.
Tumigil siya sa harap ng isang pinto. Nanginginig na itinaas ang kanang kamay, waring kakatok. Hindi pa man niya nagagawa ay bumukas na ito. Nasilayan niya ang kanyang ina. Alam niyang takot rin ito, ngunit alam niya ring ayaw lamang niyang ipahalata ang pangangambang nararamdaman. Tanging mga mata lamang ang nag-usap, wala man lang salita. Pumasok siya sa loob ng kwarto at umupo sa kama ng kanyang ina. Nakayuko lamang, nagtataka, nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ang kanyang ama.
Sisikat na ang araw, at kailangan na niyang lumuwas. Binigyan siya ng kanyang ina ng perang pambili ng makakain, kahit na ang ibig sabihin no'n ay ang pagkagutom nito.
Pumasok siya sa malaking paaralan, malungkot, natatakot, nangangamba, nagtataka. Bawat taong makita niya ay ganoon din ang nararamdaman: malungkot, natatakot, nangangamba, nagtataka. Marahil ay hindi rin dumating ang kanilang mga ama.
Naglakad siya papunta sa kantina. Hindi pa pala siya nakakapag-almusal at ang tanging nabili niya ay kapirasong tinapay na ubod ng nipis at halos walang palaman. Hindi na niya ito inintindi at inubos na lang ang pampalipas sa gutom.
Sa isang iglap ay nagsitayuan ang mga nakaupo, nagsitakbuhan ang mga naglalakad at nakatayo. Bomb threat. Iyon ang dalawang salitang lumulutang sa buong paaralan sa oras na iyon. May bigla na lang kasing tumawag sa sekretarya ng eskwelahan at nagsabing may sasabog na malakas na bomba sa loob ng paaralan ngayon. Mahigit isang oras naman munang nanigas sa takot ang sekretarya bago niya ito naibalita sa iba.
Nakisali na siya sa pagtakbo, ngunit hindi niya alam kung saan. Nagkakagulo ang mga estudyante, ang mga guro. Ang mga puno naman sa paligid ay tagapanood lamang sa nagaganap.
Napagod na siya, kaya't piniling magpahinga sa isang kiosk. Pagkaupong-pagkaupo ay may naririnig siya, pulso, tila pusong mahinang tumitibok dahil balot na balot ng takot. Ngunit ang pusong iyon ay balot lamang ng plastik, at nang tumigil ang pagtibok nito, agad na nawasak ang kanyang mga pangarap; nahati ang kanyang kaisipan; lasog ang kanyang katawan; nagkalat ang kanyang mga lamang-loob.
Sa pagtigil ng pagtibok ng pusong iyon ay agarang nasira ang buong paaralan, at ang mga pangarap ng mga mag-aaral at guro nito.
Sa huling masakit na pagkakataon ay nakita niya ang kanyang ama, na naglalakad patungo sa naghihingalo niyang katawan. Ibinaba ng kanyang ama ang matigas na kalo mula sa kanyang ulo at inilagay sa bandang dibdib. Maligayang kaarawan.

Lunes, Mayo 4, 2009

Isang Linggong Kahibangan.

Nahihibang na siguro ako.
A las cuatro y media ako nagising. At alam kong hindi mabuti iyon. Natulog kasi ako bandang 1 ng umaga.
Ahh! Ayoko nang magpuyat. Pa'no ba naman kasi, wala lang. Basta. Nakakaadik lang. Ewan ko ba. Ewan ko.
Buong weekend ay wala akong ginawa para sa aking pag-aaral. Nagbasa lang ako ng The Tipping Point ni Malcolm Gladwell, nag-internet ng madalas, at umuwi ng Pasig para naman pasamain ang loob ni Mama dahil pinapasama niya na naman ang loob ko.
Ayun. Nag-aaway na naman kami ni Mama dahil sa pera. Lagi na lang namin nagagastos ang pang-tuition ko sana, dahil sadyang kulang pa rin ang sahod ni Papa para sa aming pamilya, lalo pa't marami kaming babayarin: mga credit card at ang phone bill ko. Isali mo na rin siguro ang singil sa telepono at kuryente doon. Ang problema pa ay hindi namin sigurado kung makakaabot ang pagpo-proseso ng STFAP ko bago magsimula ang rehistrasyon para sa susunod na semestre. Ngunit kahit anong pagtitipid ang gagawin, ang bulsa'y mabubutas rin.
Nitong mga nakaraang araw naman ay tila nahuhumaling ako sa isang tao. Ewan ko ba. Kakaiba lang ang pakiramdam. Basta. Hindi ko mawari. Ngunit nagagalak ako.
Sa tinagal-tagal kong nakatunganga sa tapat ng laptop ay ito lang ang naisulat ko. Hayaan mo, magdaragdag pa ako sa susunod na paglalathala. 

Lunes, Abril 27, 2009

Pakikipaghabulan sa hangin.

Ngayon ako'y nakikipaghabulan sa hangin. Wala akong nararamdaman. Walang pagod, walang kaba, walang ligaya. Walang-wala. Kung sa latin pa ay isa lamang akong tabula rasa. Blangko ako ngayon.
Ngunit gusto ko lamang na may kahalik ngayong gabi. Hahaha! Oo. Ewan ko ba ngunit gusto ko lang maramdaman ang pagmamahal.
Sa ngayon ay wala pa rin akong iniibig na babae at hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit.
Tila nga'y ako'y nililipad lang, hinihipan ng hangin at dinadala sa kung saan man nito gustong magpunta. Ewan ko ba. Magiging maayos din ang lahat.

Linggo, Abril 19, 2009

Pangarap. Panaginip. Pagkakataon

Ang ewan. Hindi ko maintindihan ang sarili ko habang dumaraan ang mga araw sa kakasimula lamang na summer classes. Hindi ko talaga maintindihan. Kung iisipin, tila nga ako'y nanigas (uy, mukhang mali pero 'yun lang ang maisip kong termino) sa sandaling ito. Wala akong maintindihan. Kung sana lang ay hindi madamay pati ang mga dapat kong mapag-aralan sa pagkawala ng malay ko.
Hindi ko maintindihan. Hindi ko mabatid. Hindi ko mawari. Ewan. Ewan.

Martes, Abril 7, 2009

Giliw Kong Bayan.

Kaytagal kong hinintay na dumating

Sikat ng araw sa asul mong dagat

Akala ko’y tutugon sa ‘king hiling

Na pagsibol ng dahon sa ‘yong gubat

 

Nilisan kita upang iligtas ka

Sa kahirapang iyong dinaranas

Ngunit kami rin pala’y nagdurusa

Pangungulila na wala nang lunas

 

Nais kong ngayo’y umuwi, bumalik

Panoorin ang ‘yong langit na bughaw

Pagtitiis ay mapawi sa halik

Nang ang pangarap ay hindi malusaw

 

Sa pagbabalik nawa ay matugon

Ikaw aking bayan, iyong pagbangon

Lunes, Abril 6, 2009

Pader

Kaninang umaga ay may mag-ina akong nakita

Walang saplot ang bagong silang na sanggol

At ang babae’y may hawak na lata.

Pinasandal ko ang ginang sa akin

At nang walang nakisimpatya ay

Hinayaan ko nang umalis.

 

May kotseng dumaan, bughaw na Volvo.

Pinanood kong lumabas ang lalake,

Nakagayak-Amerikana sa mainit na tanghali.

Tumambad sa akin ang kanyang mukha

Nang halos idikit sa akin ang katawan

Upang diligan ang nag-iinit kong semento.

 

Bumisita sa akin ang isang binatang

May dala na pulang pintura.

Wala akong magawa nang dungisan niya

Ang aking puting mukha.

“Ang panghi naman dito!”

Reklamo pa niya.

 

Nahihimbing ako sa aking siyesta

Nang tumigil ang sandaang aktibista:

Nag-iingay, sumisigaw, nag-aalsa.

Wala na namang mangyayari,

Wala na naman itong patutunguhan,

Iyon ang tumakbo sa isip ko.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

May dambuhalang sasakyang

Nagpaalis sa mga walang hiya.

Mas masahol pa pala ito nang

Walang prenong dumiretso

Sa aking pinagsamantalahang estruktura

At unti-unti na akong giniba.

 

Maya-maya pa’y naglabasan

Ang sandamakmak na sako ng semento.

Hindi ako makatakbo, makatakas,

Sapagkat dikit pa rin sa lupa

Ang kalahating ako,

Ang kapirasong ako.

 

“May mall na namang ipapatayo.”

Dinig kong sinabi ng babae,

Hawak ang kanyang lata at hubad na anak.

Sa tabi ko, ng kapirasong ako,

Dali-dali siyang naghukay sa lupa at

Inilibing ang kanyang patay nang kerubin.

 

Doon sa tabi ko,

Ng kapirasong ako,

Sa tabi ng natitirang ako.

Linggo, Abril 5, 2009

Isa itong haiku pampasko.

Ningning do’n sa may dahon,

Sa isang iglap

Dala’y liwanag sa ’tin.

Lunes, Marso 30, 2009

Nakakainis ka.

Kung kelan kita gustong librehin saka mo naman ako tinanggihan.
Kung kelan kita gustong makita saka ka naman hindi abot ng tanaw.
Kung kelan kita gustong makausap saka ka naman tulog o may ibang ginagawa.
Kung kelan kita gustong makasama saka ka naman may kasamang iba.
Kung kelan kita gusto, saka mo naman ako iniinis.
Nakakainis ka.

Martes, Marso 24, 2009

Walang laman.

[BABALA: ang lathalaing ito ay tungkol lamang sa mga crush at sa pag-ibig - na ako naman ay wala, sa ngayon.]

Ang hirap naman ng wala kang crush - o wala na.

Paano ba naman kasi, nakapalibot sa akin ang mga magkasintahan, magde-date ngayong linggo, mga may laman ang mga puso. Ako naman, walang wala. Walang laman.

Kahit na sabihin ko pang araw-araw kong mini-miss call (o kung ano mang tamang pandiwa ang para doon) ang aking dating crush magmula noong ikalawang taon sa hayskul para lang i-text niya ako kinalaunan ay hindi pa rin iyon. Wala na akong nararamdaman. Wala pa ulit akong nararamdaman. Ewan ko. Tila ba ay kontento na ako sa pagiging magkaibigan namin. Ganoon naman ang laging kinahahantungan e. Paano ba naman kasi, isa na akong self-declared torpe at wala akong napupusong maging crush sa ngayon at sadyang - oo na - torpe nga ako, kaya ganoon. O baka marahil takot lang akong lumampas sa pagiging magkaibigan. At natakot na ako dahil kay crush since first year high.

Oo, sa mga kaklase ko noong hayskul (na marahil ay naligaw o wala lang talagang magawa kaya't nagawi sa aking blogsite), alam niyo na kung sino iyon. Kung hindi, ewan ko na lang. Hindi na rin mahalaga kung sino siya.

Natakot na ako dahil nagustuhan ko siya noong nasa rurok na kami ng pagiging magkaibigan, 'yung mga panahong lagi kaming magkasama't nagtatawanan lang, tila walang pakialam sa mangyayari.

(Yana, hinding-hindi ko pa rin malilimutan 'yung gabing magkasama tayo sa paggawa ng eksperimento sa Microbiology, 'yung gabing iyon na pinakamasaya kong gabi sa hayskul.)

Batid kong wala siyang alam dati patungkol sa aking tunay na nararamdaman. Wala rin naman kasing mag-aakala. Matapos na lamang nang ibinulgar ko ito sa isang truth-or-dare section sa aking pseudo-barkada noong ikalawang taon namin sa hayskul ay saka nalaman ito ng buong mundo. Tulad ng inaasahan, marami na ang makakaalam. ('Yang mga kaibigan talaga, hinding hindi maaasahan.) Lumala ito noong patapos na ang ikalawang taon at napansin kong napakamadalang na lang kung kami'y mag-usap at magpansinan. Batid kong ayaw niyang magustuhan ko siya.

(Naaalala ko pa rin 'yung farewell party ng klase namin noong ikalawang taon kung saan bigla ka na  lamang nag-text noong gabing iyon at saglit tayong nakapag-usap tungkol sa mga bagay na wala naman talagang halaga. Masayang masaya rin ako noon. Akala ko naman kasi ay hinding hindi mo na ako kakausapin. Ngunit nag-text ka, at sapat na iyon para pangitiin ako ng dalawang araw.) 

Hindi ko siya maintindihan. Habang nasa ikalawang taon kami ay nagkagusto pa ako sa isa pang babae. Oo, 'yung lagi kong mini-miss call sa bawat araw para i-text niya ako at kamustahin ako, kung may nagbago na ba raw sa akin, kung kelan ako babalik, kung masaya ako, kung anu-ano pa. Noong nalaman niya ang balita, (salamat sa aking mga mapagpanggap na mga kaibigan - at tandang-tanda kong ikaw ang mastermind doon, Irish Meroy, hindi ako nakakalimot.) napansin ko at ng buong mundo na iniiwasan niya ako, bawat titig ko, bawat pagsalubong ko sa dinadaanan niya, bawat presensiya ng sarili ko sa mundo niya. Kasabay iyon ng hindi na pagpansin sa akin ng nauna, lalo pa't magkaibigan pa sila - na siya namang biglaan at hindi ko inaasahan. Dahil doon ay Nobyembre na ang naging pinakamalungkot kong buwan taun-taon. E nagustuhan ko ba naman kasi siya noong kami'y magkaibigan na, noong kami'y lagi nang magkasama at nag-uusap. Ngunit hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit sila'y umiiwas kapag nalaman nilang nagustuhan sila ng kaibigan nila. Sadya bang hindi lang talaga ako kanais-nais? O nahihibang na talaga ako para kwestyunin ang isang napakababaw na tanong?

(Ngunit Yana, hiningan mo ako ng tulong at alam na alam ko pa rin na sa akin - sa aking isipan - nagmula ang junior thesis mo at ng iyong partner: Antibacterial and Antifungal Activity of Virgin Coconut Oil. Masaya ako para sa iyo.)

Noong ikatlong taon ay alam na alam na na may crush ako sa nauna. Naging malapit na magkaibigan naman kami lalo ng pangalawa, dahil na rin siguro'y mapag-unawa siya at tila wala namang kaso iyon sa kanya kung magustuhan ko siya - hanggang ngayon. Hindi na talaga ako pinapansin ng nauna, at pansing-pansin na rin ito ng buong mundo. Hindi ko na alam kung anong mali ang nagawa ko. Kung kasalanan nga ang magkagusto sa isang kaibigan, malamang sa malamang ay nagkamali nga ako. (Weh. Corny nu'n ah.) Hindi niya ako pinapansin hanggang nakuha ko na ang ideyang ayaw na niya sa akin, ayaw na niya akong makita, makausap, makasama. Ni mga mata ko'y pilit niyang iniiwasan pa. Kung pwede nga lang siguro akong mabura sa mundo niya, matagal nang nangyari iyon. Ngunit hindi ko iyon hinayaang mangyari. Noong prom nga ay sinigurado kong siya ang first dance ko, at ako naman sa kanya. Hindi ko malilimutan ang kantang iyon: Tattooed on my Mind. Sinunod ko namang isinayaw ang pangalawa. Natatandaan ko pang inilagay pa niya ang aking mga kamay mula sa kanyang balikat patungo sa kanyang tagiliran. Mas komportable siya roon. Mas gusto ko rin naman iyon. Kelan ko kaya kayo makakasayaw muli, sa saliw ng malumanay na himig?

Ika-apat na taon na. Magkaklase na kami ulit at sa paglalaro ng tadhana ay nakaupo siya sa aking likuran. Ngunit ganoon pa rin. Iniiwasan pa rin niya ako tulad ng dati, na tila ay hindi ako inevitable. Noong retreat namin ay sinugod ko na siya. Doon sa portion na naroon kami sa loob ng chapel at magbibigay ng kahoy na pusong magkahati sa isang taong nakagalit o gustong pasalamatan. Kumuha ako ng bahagi ng pusong iyon at tumungo sa kanya. Umiiyak pa siya mula sa pakikipag-ayos sa isang kabarkada, sa pagkakatanda ko. Noong nakausap ko na siya, umiiyak na ako. Hindi. Humahagulgol. Tinanong ko siya kung bakit hindi niya ako pinapansin, ngunit sa isipan ko'y gusto kong sabihing 'miss na miss na kita, Yana' ngunit may kakaibang puwersang pumipigil sa akin para sambitin ang mga katagang iyon. Ang tugon naman niya sa aking tanong, na medyo tumatawa na rin ay sadyang weird lang raw talaga siya. Hindi naman ako nakuntento sa kanyang naging sagot kaya tinanong kong muli. Iginiit naman niyang weird nga siya. Oo nga naman. Para sa isang kaibigang hindi mo papansinin ng ilang taon ay weird nga itong tunay. Pero ganun-ganon na nga lang ba talaga iyon? Sinigurado kong papansinin niya na ako. "Okey na tayo ha?" "Oo lagi."

Kinabukasan yata iyon o makalawa ay naganap ang prom. Sinigurado ko namang maka-first dance siyang muli. Ngunit kailangan niya palang makasayaw muna ang kanyang nakababatang kapatid. Sige. Naghintay ako. Ayun. Sinayaw ko na rin siya. Hindi ko na maalala kung may sinabi siya sa akin sa mga sandaling iyon. Ang tanging gusto ko lamang noon ay pabagalin pang lalo ang oras para matagal ko siyang makasama, makasayaw sa saliw ng musika. Ngunit hindi. Ipinunta pa niya ako sa bahaging hindi gaanong naiilawan, para hindi kami mapansin ng mga tao. Marahil ay takot siyang mahirang kami bilang sweetest pair, na batid kong hindi naman talaga mangyayari. Napakablanko kasi ng ekspresyon ng mukha niya. Hindi ko mabasa ang kanyang mga mata. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sandali lang kaming nagsayaw at ang bilis ng panahon at sa sumunod na linggo ay ilang pa rin kami sa isa't isa at hirap na magsalita. Hindi ko maintindihan.

Batid ko naman na hindi pa rin siya komportable na kausapin ako, at ako na rin kung hindi siya. Nakakalungkot lamang isipin na ganoon na lamang ang kinahantungan noon.

Mabuti na lamang at nakuha ko ang numero niya. Nagpalit na kasi siya ng numero noong mag-third year kami. Naka-text ko pa rin naman siya, noong pasko, kung saan nagpadala ako ng mensahe sa lahat ng taong nasa contacts ko. Nag-reply siya sa aking greeting at binalita pa kung gaano kagrabe ang naganap na lindol. Mabuti naman at tila maayos siya. Ngunit ganoon na lamang iyon. Maayos sila sa kanilang kinalalagyan, at marahil ay may mga mangingibig nang hindi ko pa nakikilala, habang ako naman dito, wala pa ring nahahanap na crush, takot pa ring manligaw.

(Natatandaan ko 'yung araw na palagay ko'y pursigido na akong ligawan si Yana. Humingi ako ng signos sa Diyos at ito ang marinig ang salitang 'Go'. Nung araw na iyon ay narinig ko nga, umagang umaga pa. Paano ba naman kasi, may misa noong umagang iyon at narinig ko ang 'Go' na hinihingi ko sa huling bahagi ng misa: Go in peace to love and serve the Lord. Pinaglalaruan ba ako ng tadhana? Hindi na rin ako tumuloy sa binalak kong panliligaw noon sapagkat hindi nga niya ako pinansin. Baka sumama lang lalo ang loob ko. Pero sana ngayon Yana, habang ikaw ay maligaya na, sana'y ako rin ay lumigaya na ng lubos at mahanap na ang matagal na hinahanap, na siya namang hindi mo talaga binigay sa akin.)

Sabado, Marso 21, 2009

Naaalala mo pa ba ako?

Nangangamba lang ako na baka hindi na nila ako naaalala. Pa'no ba naman kasi, wala namang nagpapadala sa akin ng mensahe, sa Friendster, Multiply, o kahit sa cell phone man lang. (Tiningnan ko kasi yung mga Friendster profile ng mga kaibigan ko. Bakit ako, hindi nila binibigyan ng comment?) Naisip ko lang, ano nang nangyari sa mga kaibigan ko?
Malamang, baka ay abalang abala sila. Ngunit bakit ganoon? Ni kailanman ay hindi man lang ako nakakaramdam ng magandang pangangamusta. Hindi ko maintindihan kung sadyang hindi ako kanais-nais o minalas lang talaga ako sa mga naging mga kaibigan ko dahil hindi man lang nila ako magawang kamustahin. Hay naku. Ganyan kayo ha.
Pero kahit ako rin nama'y bihira lang rin mangamusta. Kung mangamusta naman ako'y nasa maling pagkakataon, o 'di kaya'y hindi lang talaga magandang kausapin ang makakamusta ko. O marahil hindi lang talaga kaaya-aya ang aking nakaraan.
Wala na akong maituturing na matalik na kaibigan, wala na akong contact sa kanila, o 'di kaya'y ibang network ang gamit nila kaya hindi kami makapag-usap sa text. Wala rin naman akong pormal na barkada. Sabi ko nga kay Marikit noong maghahayskul pa lamang kami (tandang-tanda ko pa iyon, iyong bakasyong nakakailang oras kami sa telepono araw-araw na hindi kalaunan ay naging madalang na lang), para akong amorseko: kani-kanino na lang dikit ng dikit. Mayroon pa namang mga naiinis sa akin kapag mukha akong asong sunod ng sunod sa kanila.
E sa kailangan ko lang naman talaga ng makakasama.
Subalit hindi ko maintindihan at hanggang ngayon, ngayong nakatakas na ako sa mapait kong kabataan at nagsisimulang muli sa kolehiyo, ay wala pa rin. Hindi pa rin ako kuntento.
Hindi pa rin ako masaya sa mga taong nakapalibot, hindi pa rin ako kuntento sa kanila. Hindi ko alam kung ako lang ito, o baka dahil wala lang talagang nagtatrato sa akin bilang mahalaga. Tingin ko nga ay hindi naman ako mahalaga.
Hindi naman talaga ako mahalaga.
Hindi rin naman ako nagpapapansin lang.
Malungkot lamang ako.
Malungkot lamang ako dahil wala akong makausap, makasama.
Malungkot lamang ako dahil walang nangangamusta sa akin, wala man lang yatang nakakaalala, walang kumakausap sa akin, wala.
Nawa'y ibigay na sa akin ng Diyos ang aking matagal nang kahilingan para hindi ako nagdadrama nang ganito. Ang lungkot kaya.