Kaninang umaga ay may mag-ina akong nakita
Walang saplot ang bagong silang na sanggol
At ang babae’y may hawak na lata.
Pinasandal ko ang ginang sa akin
At nang walang nakisimpatya ay
Hinayaan ko nang umalis.
May kotseng dumaan, bughaw na Volvo.
Pinanood kong lumabas ang lalake,
Nakagayak-Amerikana sa mainit na tanghali.
Tumambad sa akin ang kanyang mukha
Nang halos idikit sa akin ang katawan
Upang diligan ang nag-iinit kong semento.
Bumisita sa akin ang isang binatang
May dala na pulang pintura.
Wala akong magawa nang dungisan niya
Ang aking puting mukha.
“Ang panghi naman dito!”
Reklamo pa niya.
Nahihimbing ako sa aking siyesta
Nang tumigil ang sandaang aktibista:
Nag-iingay, sumisigaw, nag-aalsa.
Wala na namang mangyayari,
Wala na naman itong patutunguhan,
Iyon ang tumakbo sa isip ko.
May dambuhalang sasakyang
Nagpaalis sa mga walang hiya.
Mas masahol pa pala ito nang
Walang prenong dumiretso
Sa aking pinagsamantalahang estruktura
At unti-unti na akong giniba.
Maya-maya pa’y naglabasan
Ang sandamakmak na sako ng semento.
Hindi ako makatakbo, makatakas,
Sapagkat dikit pa rin sa lupa
Ang kalahating ako,
Ang kapirasong ako.
“May mall na namang ipapatayo.”
Dinig kong sinabi ng babae,
Hawak ang kanyang lata at hubad na anak.
Sa tabi ko, ng kapirasong ako,
Dali-dali siyang naghukay sa lupa at
Inilibing ang kanyang patay nang kerubin.
Doon sa tabi ko,
Ng kapirasong ako,
Sa tabi ng natitirang ako.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento