Tungkol sa tagapaglikha

Pangalan: Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Edad: 18 taong gulang
Kasarian: Lalaki
Lugar ng Kinalakihan: Lungsod ng Heneral Santos
Lugar sa Kasalukuyan: Lungsod ng Quezon o Lungsod ng Pasig
Paaralan: Unibersidad ng Pilipinas - Diliman
Kurso: BA Agham Pampulitika (Pangatlong Taon)

Mga Site sa Internet:
[Multiply]

HOY!

Mabuhay!
Baka naman gusto mong ipaalam sa akin na dumaan ka sa aking blogsite!
Maglagay ka naman ng puna sa aking mga lathalain.
O 'di kaya'y mag-iwan ng mensahe sa aking Cbox.
Maraming salamat!

Sabado, Marso 21, 2009

Naaalala mo pa ba ako?

Nangangamba lang ako na baka hindi na nila ako naaalala. Pa'no ba naman kasi, wala namang nagpapadala sa akin ng mensahe, sa Friendster, Multiply, o kahit sa cell phone man lang. (Tiningnan ko kasi yung mga Friendster profile ng mga kaibigan ko. Bakit ako, hindi nila binibigyan ng comment?) Naisip ko lang, ano nang nangyari sa mga kaibigan ko?
Malamang, baka ay abalang abala sila. Ngunit bakit ganoon? Ni kailanman ay hindi man lang ako nakakaramdam ng magandang pangangamusta. Hindi ko maintindihan kung sadyang hindi ako kanais-nais o minalas lang talaga ako sa mga naging mga kaibigan ko dahil hindi man lang nila ako magawang kamustahin. Hay naku. Ganyan kayo ha.
Pero kahit ako rin nama'y bihira lang rin mangamusta. Kung mangamusta naman ako'y nasa maling pagkakataon, o 'di kaya'y hindi lang talaga magandang kausapin ang makakamusta ko. O marahil hindi lang talaga kaaya-aya ang aking nakaraan.
Wala na akong maituturing na matalik na kaibigan, wala na akong contact sa kanila, o 'di kaya'y ibang network ang gamit nila kaya hindi kami makapag-usap sa text. Wala rin naman akong pormal na barkada. Sabi ko nga kay Marikit noong maghahayskul pa lamang kami (tandang-tanda ko pa iyon, iyong bakasyong nakakailang oras kami sa telepono araw-araw na hindi kalaunan ay naging madalang na lang), para akong amorseko: kani-kanino na lang dikit ng dikit. Mayroon pa namang mga naiinis sa akin kapag mukha akong asong sunod ng sunod sa kanila.
E sa kailangan ko lang naman talaga ng makakasama.
Subalit hindi ko maintindihan at hanggang ngayon, ngayong nakatakas na ako sa mapait kong kabataan at nagsisimulang muli sa kolehiyo, ay wala pa rin. Hindi pa rin ako kuntento.
Hindi pa rin ako masaya sa mga taong nakapalibot, hindi pa rin ako kuntento sa kanila. Hindi ko alam kung ako lang ito, o baka dahil wala lang talagang nagtatrato sa akin bilang mahalaga. Tingin ko nga ay hindi naman ako mahalaga.
Hindi naman talaga ako mahalaga.
Hindi rin naman ako nagpapapansin lang.
Malungkot lamang ako.
Malungkot lamang ako dahil wala akong makausap, makasama.
Malungkot lamang ako dahil walang nangangamusta sa akin, wala man lang yatang nakakaalala, walang kumakausap sa akin, wala.
Nawa'y ibigay na sa akin ng Diyos ang aking matagal nang kahilingan para hindi ako nagdadrama nang ganito. Ang lungkot kaya.

Linggo, Marso 15, 2009

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Bigla lang tumugtog sa aking isipan ang kantang "Kwarto" ng Sugarfree. Nakakatuwa.

Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.

Hindi ko mawari kung bakit siya biglang tumugtog. Marahil ay nalalapit na ang aming (o kanilang) pag-alis (sapagkat magsa-summer class pa ako) sa dormitoryo ng Kalayaan. Nakagawa na ako ng ganitong klaseng lathalain sa blogsite ko sa Ingles at dorm prophecy naman ang akda ko sa Sigaw, ang magasin ng aming dormitoryo.
Nakakabaliw na.
Ewan. Wala akong gaanong masabi. Hindi naman gaanong sayang ang aking pagtutuloy sa dormitoryo, ngunit nakapanghihinayang lamang sapagkat hindi man lang kami naging gaanong malapit ng aking roommate. (Ano ba naman iyan. Lagi mo na nga lang nakakasama hindi mo pa nakakausap. Anong klase naman iyon hindi ba?)
Hay. Ewan ko talaga. Wari'y may lihim siyang pag-ayaw sa akin na hindi ko naman mabatid kung ano. Ano nga ba? Hindi ko alam. Dati pa ay hinihintay ko na lamang siyang magsalita at kausapin ako, sapagkat kapag kinakausap ko siya'y napapansin kong hindi naman talaga siya interesado. Maikli ang bawat sagot; bitin ang bawat salita. Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Lunes bago kami umalis ay binigyan ko pa siya ng regalo. (Siyempre, hindi naman ako umaasa na bibigyan niya ako. Sanay naman akong hindi binibigyan ng regalo, kahit malungkot ang ganoon. Kaso kakaiba nga lang sa pakiramdam na magbigay ng isang regalong taos-puso sa isang taong hindi mo naman gaanong kilala.)
Medyo pinakapal ko na nga lang ang pagmumukha ko at in-add siya sa Friendster ngunit iyon lang iyon. Habang nalalapit ang aming paghihiwalay ay mas lalong wala na akong gustong mangyari pa. Nakakasawa namang kumilos na lamang lagi. Nakakatamad. Nakakapagod. Ewan ko. Hindi naman ako ganito. Pero ibang kaso kasi ito ngayon. Ewan ko talaga. maging ako'y hindi ko maintindihan.
Ang saklap nga lamang dahil sa sampung buwan naming pagsasama ay hindi ko man lang siya lubusang nakilala. Maging ang kanyang lubusang pagkamatalino ay kailangan ko pang malaman sa ibang tao. Kahit ang kanyang pagkainis sa akin dahil hindi ko pinapatay ang ilaw tuwing gabi (dahil mas masarap para sa aking matulog na nakasindi ang ilaw) ay kailangan pang iparating sa akin ng iba. Para iyon na nga lang, hindi pa kayang sabihin sa akin? Ewan ko ba. Naaasar ako sa tuwing naaalala ko ang sakit na aking naramdaman nang malaman ko iyon sa isang nagpapanggap na kaibigan. Parang pakiramdam ko'y tinatraydor ako, kahit hindi naman talaga. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit hindi niya ako magawang kausapin. Kinakausap naman niya ang iba, ngunit bakit ako pa'y hindi e araw-araw naman kaming nagkikita?
Oo, subalit ang araw-araw na iyon ay laging panahon ng pagtulog, paggising. Iyon lang. Sa pagpasok nga sa aming kwarto ay agad na mahahalatang hindi siya laging namamalagi sa aming kwarto. Tila tulugan lamang ito. Magkikita na lamang kami sa silid na ito kapag siya'y matutulog na, o tulog na mismo. Nakakaasar talaga. Wala man lang akong panahong makausap siya ng masinsinan at makilala siya, o basta ganoon.
Siguro'y dalawang beses lamang kaming nagkasabay na kumain, walang imikan. Noong una kaming nagpagupit ay sabay rin kami, wala ring imikan. Ngunit noong mga unang araw ay maayos naman ang lahat, tila sumusunod sa mga gusto kong mangyari. Nanood kami ng pelikula, at wala rin namang imikan pero ayos lang; nag-usap kami tungkol sa relihiyon at sa mga ganoong bagay; nung isang gabing wala siya'y sandali ko siyang naka-text, nang namali ako ng pag-send ng mensahe't sa kanya nakarating. Ngunit ang ngayon ay hindi na dati. Ang bilis. Nakakabigla, kung tutuusin. Parang unti-unting lumalayo sa akin ang mga alon ng nagmumukmok na dagat.
Naiinis ako sa sarili ko. Naiinis ako dahil hindi ko naabot ang aking mga nais mangyari para sa aking pamamalagi sa dormitoryo na naglalaro na sa aking haraya noong tag-init pa lamang. Akala ko nga'y makakatagpo ng best friend dito, kahit man lang hindi sa katauhan niya.
Nakakaasar. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin. Paminsan-minsan ay nagagawa ko namang kausapin siya, sa tulong ng mga pagtatanong, ngunit lagi na lamang maiikli ang kanyang mga salita, na tila'y nagpapahiwatig na walang dapat umusbong na usapin tungkol roon. Parang bawat sagot ay may nakatagong "Manahimik ka nga" o "Huwag mo akong kakausapin". O 'di kaya'y medyo nahihibang lamang ako?
Naiinis ako dahil hindi ako yaong ma-pride na tao. Lagi na lang nagbabaka-sakali; lagi na lang may pangalawang pagkakataon. Ngunit sa bawat pagkakataon, lagi na lang walang nangyayari, tila isang normal na araw na lang na dadaan at sasagasain ang iyong pantasya.
Sa mga sandaling ito'y naiiyak na ako. Gusto ko nang lumipas ang panahon, makaalis sa silid na ito at makalipat na ng dormitoryo. Pero ewan. Pakiramdam ko lamang ay masaklap sa akin ang pagkakataon at tila wala na akong magagawa upang mabaliktad iyon.

Miyerkules, Marso 11, 2009

Sa tahanan.

Ngayong tag-init ay tila hindi na talaga ako makakauwi sa isang lugar na nais kong balik-balikan: ang tahanan. Noong semestral break pa akong huling nakauwi at tila ang huling linggo na lamang ng Mayo ang tanging pagkakataong makauwi ulit ako. Isang linggo lang. Malabo na ring mangyari iyon.


Lunes, Marso 9, 2009

Yakap.

Yakapin mo ako.
Yakapin mo ako nang walang maliw.
Yakapin mo ako nang buong-buo,
nang may bukod-tanging pagmamahal,
nang walang hanggang pananabik at pagnanasa.
Yakapin mo ako na tila ako'y iyong iniibig,
taong ikamamatay mo kapag naglaho.
Yakapin mo ako nang walang pagsisisi,
walang duda,
walang pagkakamali.
Yakapin mo ako dahil ako'y iyong-iyo.
Yakapin mo ako,
wala na akong pakialam.
Yakapin mo lang ako.

Sabado, Marso 7, 2009

Lamig sa ilalim ng nagbabagang araw.

May lamig sa ilalim ng araw,
na nag-iinit, nagbabaga.
May lamig sa ilalim ng araw,
at tuyong-tuyo ang bawat kanal,
bawat irigasyon,
bawat lupa,
bawat lalamunan,
bawat puso.
May lamig sa ilalim ng araw,
at lalo pang tumitindi ang apoy na nagliliyab sa mala-impyernong langit.

Biyernes, Marso 6, 2009

Ewan ko kung bakit ika'y sensitibo.

Nakakainis ka naman.
Batid kong mayroong gumugulo sa iyong isipan na hindi ko mawari kung ano.
Ngunit sadyang napakasensitibo mo.
Konting salita, bigla kang masasaktan.
Sandaling maling tono ko lang, maiinis ka naman.
Ewan ko sa'yo.

Miyerkules, Marso 4, 2009

Pahina.

Sa bawat pagbuklat niya sa mga pahina ng kanyang libro ay unti-unti siyang naghihina.
Hinihigop siya ng bawat salita, bawat terminolohiya ng paksang pilit niyang iniintindi.
Maya-maya pa'y unti-unti siyang nanghihina.
Lahat ng lakas ay ninanakaw ng aklat, habang siya'y nakahandusay na sa kanyang kama, libro sa kamay.
Pikit ang mata, nadala na siya sa kanyang haraya.
Panaginip na lamang ang bumabalot sa kanyang katawang pagod sa buong araw na pag-aaral.

Martes, Marso 3, 2009

Baha sa ilalim ng dagat.

Ako ngayon ay nasa Gonzales Hall, ang main library ng UP Diliman. Kasalukuyan akong naghahanap ng mga lathalain (sa internet) tungkol sa epekto ng pagbaha sa mga hayop at halaman. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maganda ang mga nakukuha kong bagay.
Naiinggit ako sa aking roommate dahil mayroon na siyang bagong cell phone. Ako, wala pa rin. Pero sana nga ay mabibilhan na ako pagkatapos ng kalahati ng Marso. Nakakainis lamang talagang maghintay (ng ganoon katagal).
Nakakainip lamang talaga.
Ewan ko ba. Likas na akong naging maluho. O hindi naman talaga sa maluho. Hay naku.
Hikab na naman ako ng hikab.Pa'no ba naman kasi, nagpuyat na naman ako kagabi sapagkat inuna ko pa ang proyekto ng ibang tao kesa sa mga bagay (at marami pa iyon) na dapat kong gawin. Iyon din ang dahilan kung bakit napabisita na naman ako dito sa main library. Nakakainis. Ayoko nang gawin ang mga susunod na pabor na ipapaskil sa pagmumukha ko. Ayoko na. Gusto ko nang matulog ng maaga.

Lunes, Marso 2, 2009

Baka'y hibang lamang ako.

Kasalukuyan akong nakikinig ng mga kanta ng Sponge Cola sa aking Multiply site. Gusto ko na talagang magkaroon ng bagong cellphone (N79) para lagi na akong makikinig ng musika kahit saan man. (Ayaw kasi akong bilhan ni Papa ng iPod dahil mas mainam daw kapag cellphone na lang.) Ang naging kasunduan namin ni Mama noong Biyernes ay si Auntie na lamang ang bibili ng cellphone gamit ang kanyang credit card at babayaran na lamang nila di kalaunan. Pero - pero - hihintayin pa ni Mama ang cut-off para makatiyempo. E sa 15 pa iyon. Matagal pa. Naku. Naiinip na ako. Sabik na sabik na akong hagkan ang mundo ng musika.
Ilang araw na akong hindi nakapag-internet. Nakakainis lamang dahil walang oneksiyon sa dormitoryo nitong mga araw at may topak pa ang Smart Bro ko. Ay naku. Ewan ko ba. Nagkakasakit pa naman ako nitong linggo. Ayaw ko na. Isang gabi nga'y inisip ko talagang mamatay. Ewan ko ba. Kahit papaano, maayos na rin ako ngayon.

Biyernes, Pebrero 27, 2009

Buhay pa pala ako.

Kaarawan ngayon ng roommate ko. Nakakatuwa. Mabuti pa siya, may matatanggap na regalo at sangkatutak na mga pagbati. Sa pagkakaalam ko ay wala pa akong kaarawan na may natanggap akong regalo. Nakakainis lamang sapagkat kailangan ko pang mangulit at humingi ng bagay para lamang makatanggap ng regalo.
Laking gulat ko kaninang umaga na buhay pa rin ako. Akala ko ay ikamamatay ko na ang labis na paglamon ng tsokolate. Marahil ay kulang pa ang mga nakain ko.
Nakakainis. Sana naman ay ngayong araw ay may magandang mangyari.

Huwebes, Pebrero 26, 2009

Isang saglit na kamatayan.

Kani-kanina lamang ay natapos ako sa paglamon ng sangkatutak na tsokolate. Ang nasa isip ko ay mamamatay na ako bukas. Sa sandaling ito, gusto ko nang mawala at maglaho. Nakakaasar lamang dahil hindi umaayon ang lahat ng bagay sa nais kong mangyari. Marahil ay normal lang iyon ngunit nasa sandali na ako na gustong gusto ko nang bitiwan ang lahat ng ito at sumuko, mamatay na lang.
Hindi ko alam kung bakit gusto ko nang bumitaw. Ayoko na. Ayoko na talaga.

Miyerkules, Pebrero 25, 2009

Paglubog.

Unti-unti akong lumulubog,
dito sa aking karagatang
malawak,
malalim,
mahirap languyin.
Unti-unti akong nawawalan
ng patutunguhan,
ng gagawin,
ng tamang pag-iisip,
ng gabay,
ng kaibigan,
ng buhay.
Bawat pangarap ko'y
isa-isang sinisira.
Inuulanan ako ng pagsisisi
at binubuhusan ng luha bawat sandali.
Ginigiba
bawat saglit ng pag-asa.
Unti-unti ako'y
nawawala.
Nawa'y buksang muli
ang langit sa buhay kong sawi.
Sana'y manumbalik,
kulay,
ligaya,
pag-ibig,
pangarap,
lahat.
Sana mamaya'y aahon ako,
kahit unti-unti,
basta lang maligtas ko ang sarili ko
sa paglamon sa akin ng galit na tubig,
ng sakim na karagatan.

Martes, Pebrero 24, 2009

Isa kang panakit sa aking ulo.


Buwisit. Naiinis ako. (Paumanhin sa pagmumura.)
Galit ako. At tila ayoko nang dagdagan pa ang lathalaing ito. Paumanhin.

Isang tula para lamang sa iyo (kung sino ka man).

Ibigin mo ako, aking mahal
At dadalhin ko sa iyo hindi ang langit,
Kundi, ang katotohanan.
Hindi kita hahayaang masaktan,
kung katotohanan ma'y kasalanan.
Ililigtas kita, ipinapangako ko:
Ako'y magiging iyong-iyo.

Linggo, Pebrero 22, 2009

Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin alam.


Wala akong maisip. Marahil ay may sakit na naman ulit ako. Gusto ko tuloy kumain ng halo-halo. Iyong hindi lang ganyan ha. Basta 'yung masarap.
Ah, iyan na lamang muna. Medyo masakit na talaga ang ulo ko.

Biyernes, Pebrero 20, 2009

Mali.

Masidhi ang aking pagkainis sa isang aspeto ng araw na ito.
Wala namang naganap ang kinalamang Wacky Day ng Kalai dito.
Meron lamang akong isang malaking problema.

Gusto kong umiyak.
Gusto kong itulog na lang ang lahat at magising na lamang kapag nasa maayos na kondisyon na ang lahat.
Gusto kong sirain ang kabuuan ko.
Gusto kong mawalang parang bula.

Naiinis ako.
Umagang-umaga ay nasira ang aking camera.
Hindi na bumalik ang lens nito paloob.
Lens error daw.
Epal yan.

TIla ay ayoko na itong ipagpatuloy.
Naiiyak na ako.
Kung pwede lang ibura ang alaala, pagkatao, kabuuan, matagal na akong wala ngayon.
At sana wala na lang ako.

Huwebes, Pebrero 19, 2009

Bakit ka ba iibig sa isang pangarap?

Hindi ako mapakali. Hindi naman sa ganon. Hindi lang ako makapag-isip ng maayos sapagkat medyo masama ang pakiramdam ko at masakit pa ang ulo ko. Asar. Hanggang dito muna ako. Hindi ako makapag-isip e. ^^

Martes, Pebrero 17, 2009

Paligsahan.

Sa kasalukuyan ay may nagaganap na paligsahan sa kung saan ako naroroon. Kalai Week kasi. Sinadya kong hindi sumali sapagkat magulo ang isip ko sa nagaganap ding paligsahan sa utak ko.
N79 o E51?
Dalawang smartphone ang naglalaban sa aking isip. Hindi ko talaga malaman kung alin ang dapat piliin, kung maganda ba ito, kung hindi ba ako manghihinayang. Malamang nasa punto na ako na ayaw ko nang magkamali pa sa bawat daang tatahakin ko.
Tinawagan ako ni Papa kanina patungkol rito. Nasa mismong shop na sila. Bibilhan na ako. Kaso, mas makabubuti kung N79 ang bibilhin nila para sa akin sapagkat pwede ito sa deferred mode of payment sa loob ng 12 buwan. Sayang nga lang sapagkat tumutok na talaga ako sa Eseries kaya't nag-aalangan pa rin ako sa N79. Pero ayos na rin. Maganda rin naman iyon eh. Sana lang makabili na sila bukas at maipadala na ito ngayong linggo. Hindi na ako makapaghintay. ^^

Linggo, Pebrero 15, 2009

Natitirang sipi ng karamdaman.

Hindi ko mawari ang aking nararamdaman. Nakakainis sapagkat mukha akong nilalagnat kahit na hindi ako mainit. Kung baga, iba. Iba ang nararamdaman ko ngayon. Ewan ko ba.
Wala nga rin akong gana. 10 na ako ng umaga nagising at Jjamppong (ganito ba ang baybay?) lamang ang aking agahan/pananghalian. Baka nga kaya medyo masama ang pakiramdam ko ay dahil wala akong kinaing kanin o may carbohydrates.
Mula paggising ay nakatapat na ako sa aking libro sa Biology, iyong librong nilako sa 'min ng aming guro sa Natural Science II na punong-puno ng mga mailng salita. Dagdag pa doon, hindi siya kaaya-ayang basahin. Hindi ako naeengganyong basahin iyon. Sa katunayan, sumasakit pa lalo ang ulo ko sa pagbabasa.
Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Pakiramdam ko nga'y nakabitin lamang ang buhay ko sa gitna ng kawalan. Wala akong magawang mabuti. Wala. Walang wala.

Sabado, Pebrero 14, 2009

Lagot.

Nabalitaan na ni Mama ang nangyaring riot sa Loverage 3 kagabi, ang concert na nagpauwi sa akin sa dormitoryo ng ala una ng umaga. Nagsinungaling na naman ako, para lamang ay hindi tumaas ang presyon niya kapag mapapagalitan na niya ako. Nakakainis nga lang naman minsan na ang mga magulang ay sobrang nag-aalala sa kanilang mga anak. Hindi naman talaga iyon ang punto ko, ngunit kapag may nangyaring hindi masama sa pinuntahan ay iyon na ang magiging huling araw mo doon. Napagtanto ko nga kanina (habang ako'y naliligo) na paano na lamang iyon kapag tumanda na ang anak na hindi pa nararanasan ang mga bagay-bagay (tulad ng mga kaguluhang nangyari kagabi). Kapag ignorante siya sa ganoong bagay (at malamang ay hindi pa malaman ang dapat gawin), marahil ay isang malaking pagsubok ito kung nangyari ang isang masamang bagay sa panahong siya'y malaya na sa mahigpit na pagkakatali sa pamilya, at may pamilya na. Hindi ba'y nararapat na marami ka nang bagay na mararanasan habang bata ka pa lamang para alam mo na kung paano mo ito hahawakan pagdating ng panahon? Hindi naman tayo habang buhay na nakakabit sa ating mga magulang. Nararapat na tumayo na tayo sa ating mga paa, na wala nang ibang tinutuntungan kung hindi ang lupa. Hindi ba? Nalulungkot lamang ako dahil pakiramdam ko ay masyado nilang kinokontrol ang buhay ko. Mas nakakalungkot pa na ang panandaliang kalayaan ko mula sa pagkakahigpit na ito ay ang kasinungalingan.